Man of Your Nightmare

1K 29 9
                                    

Si Alvin ay eksperto sa mundo ng Photoshop. Kaya niyang tukuyin kung ang isang litrato ay peke o tunay. Marami nang mga larawan ang dinala sa kanya. Karamihan ay naglalaman ng mga kakaibang kuha na hindi maipaliwanag ng ibang eksperto ngunit nabigyan niya ng sagot.

Ang larawan ng isang batang babae na may ahas na katawan ay napatunayan niyang peke. "Kung pagmamasdan n'yong mabuti, masyadong crispy itong buntot ng ahas na nakalagay sa katawan ng batang ito. Hindi siya masyadong match sa background. Halatang hindi masyadong pulido ang pagkaka-edit ng kung sinumang hinayupak na editor ang gumawa rito."

Tinawanan din niya ang isang lumang family picture na may larawan ng babaeng nakaputi na nakalutang sa bandang likuran. "Kung mahilig lang kayo mag-research, madali na lang makita sa Google ang larawan ng sinasabi nilang multo sa picture na 'to. Madalas ko na ito makita noon sa internet! Ginagamit pa nga ito sa mga memes. Tanga rin ang editor ng isang ito. Kukuha na nga lang ng ghost picture sa Google, pinili pa 'yong madalas nang makita ng mga tao."

Isang litrato pa ang binigyan niya ng sagot. Litrato iyon ng isang alagad ng gobyerno na nakikipagkamay sa diumano'y alien sa Area 51. Hagalpak na naman siya ng tawa. "Tinanggal lang sa background ang isa pang lalaki na ka-shake hands ng taong ito pagkatapos ay dinikit lang ang katawan ng alien dito. Ang dali lang kaya gawin nito! Kahit ako kaya kong mag-edit ng picture na may ka-shake hands na halimaw, eh! Gusto n'yo ng sample?"

Sa kabila ng mga kalokohang sinusuri ni Alvin, hindi pa rin niya maiwasang mamangha sa nararating ng utak ng tao. Halos lahat na yata ng bagay ay kayang manipulahin at baguhin gamit ang teknolohiya.

Sa kabilang banda, hindi rin niya maiwasang manlumo dahil sa dami ng mga taong nalilinlang dito. Kailan kaya nila maiisip na isang malaking kalokohan lamang ang ipinapakita ng mga larawan na ito?

Kagaya na lamang ng diumano'y mukha ng Panginoon na nakitang nakaukit sa pinutol na puno sa isang gubat. Di kalaunan, napatunayan niyang edited lang din iyon at ginawa lamang para sa "Type Amen Before You Scroll" na kagaguhan sa social media.

Hirit pa niya, "sa dinami-dami ng mga problema sa mundo, kailangan talaga sa puno lang magpakita at magmilagro? Kung magmilagro na lang sana sa buhay ng mahihirap, baka sakaling makatulong pa."

Isang malaking kalokohan din sa kanya ang litrato ng isang pari na nakahawak sa malaking dibdib ng babae. Nakatanggap ng batikos ang nasabing pari sa social media dahil sa larawang iyon.

Ang dami na nga niyang iniisip, dumagdag pa ang isang ito. Kailan kaya mari-realize ng mga tao na edited lang din iyon?

"Obvious naman kasi sa pic! Medyo blurry pa 'yong kamay na idinugtong sa pari para lang magmukhang nakahawak sa boobs ng babae!" Kahit hindi naniniwala si Alvin sa konsepto ng langit at simbahan, nagawa niyang kumampi sa pari dahil alam niyang wala itong kinalaman sa kalokohan ng mga taong nag-edit ng litratong iyon.

Nang sumunod na araw, muling nakatanggap ng larawan si Alvin. Isa itong lumang picture noong 1940 galing sa bansang Russia. Sa unang tingin, walang makikitang kakaiba rito. Isang simpleng larawan lamang ito ng mga taong naglalakad sa daan at may kanya-kanyang gawain.

Ngunit kung pagmamasdang mabuti ang kabuuan ng larawan, makikita sa bandang gilid ang isang lalaking nakaupo sa Park. May suot itong napakamodernong damit na hindi pa nagagawa sa mga panahong iyon. May hawak din itong iPhone na imposibleng mag-exist sa ganoon kalumang panahon.

Napataas siya ng kilay sabay tawa. Isang malaking kalokohan na naman ang naisip ng mga tao.

Sa pagkakaalam niya, ang kauna-unahang iPhone ay inilabas lamang noong 2007. Kahit nga ang kumpanyang Apple, Inc. na naglabas ng produktong ito ay itinayo naman noon lang 1976.

Sa tantiya niya, gusto lang mang-troll ng taong nag-edit ng larawang iyon.

Sinimulan ni Alvin ang imbestigasyon. Gamit ang mga software sa laptop, sinuri niya nang mabuti ang bawat bahagi ng litrato. Sa huli, lumabas sa pagsusuri na tila hindi edited ang larawan.

Nagsimula nang mapakamot nang ulo si Alvin. Kahit anong suri ang gawin niya, wala siyang makita na edited part sa kahit anong bahagi ng litrato. Inabot pa siya ng ilang oras sa pagsuri ngunit bigo siyang mabigyan ng paliwanag ang misteryo ng litratong ito.

Nakaramdam ng matinding hamon si Alvin. Matinik yata ang editor ng larawang ito. Mukhang eksperto na sa pagmamanipula ng mga litrato pero tumanggi pa rin siyang maniwala. Patutunayan niya na edited lamang ito.

Ngunit dahil sa ilang oras na pagbababad sa computer screen ay naisipan muna niyang ipahinga ang mga mata. Kinahapunan ay lumabas siya ng bahay para lumibot at libangin ang sarili. Nitong mga huling araw kasi ay nakulong siya sa loob dahil sa dami ng mga litratong trinabaho.

Habang naglalakad sa daan, ewan niya kung pinaglalaruan lang ba siya ng imahinasyon, pero bigla niyang nakita sa tabi ang lalaking nasa lumang larawan. Hindi siya puwedeng dayain ng mata. Parehong-pareho ang damit na suot nito sa larawan. May hawak pa itong iPhone na kasalukuyang nakatutok sa tainga nito at tila may kausap pa.

Hindi siya maaaring magkamali. Iyon ang misteryosong lalaki sa larawang galing sa Russia noong 1940. Ang lalaking sinasabi na nagmula sa kasalukuyan at nagpunta sa nakaraan. Hindi siya nagdalawang-isip na sundan ito.

Malikot lumakad ang misteryosong lalaki. Dumadaan ito sa mga bahagi kung saan maraming tao ang nagsisiksikan. Alam kaya ng lalaki na sinusundan niya ito? Lalong tinalasan ni Alvin ang mga mata. Sinikap niyang hindi bitawan ng tingin ang lalaki.

Pagkarating niya sa parte ng lugar kung saan dagsa ang mga tao ay tuluyan nang naligaw sa kanyang paningin ang misteryosong lalaki.

Habang naglalakad pabalik, hindi niya maiwasang matulala sa kakaisip kung ano ang nakita niya. Hindi dapat siya nag-iisip ng ganoon dahil isang malaking kalokohan lamang para sa kanya ang mga bagay na paranormal. Pero bakit bigla na lang siyang kinilabutan nang ganoon? Sa buong buhay niya, noon lang siya kinapitan ng takot. At kagaya ng misteryosong litrato, hindi rin niya maipaliwanag ang misteryong nagdudulot ng kilabot sa kanya.

Nakatingin lang sa lupa si Alvin habang iniisip ang kanyang nakita. Hindi na nga niya alam kung saan siya pupunta. Lakad lang siya nang lakad habang iniisip kung nananaginip lang ba siya o binabangungot na.

Sa lalim din ng iniisip, hindi na niya namalayan ang rumaragasang truck na paparating sa kanyang nilalakaran.

Ang sumunod na pangyayari, pinagkakaguluhan na ng mga tao si Alvin. Lasog-lasog ang katawan nito at halos maputol ang kalahating binti sa lakas ng pagkakabangga.

Humihinga pa si Alvin nang mga sandaling iyon pero naghihingalo na siya. At sa natitirang hininga niya, nakita pa ng dalawa niyang mata ang misteryosong lalaki sa di kalayuan. Nakatayo ito sa gitna ng mga tao at nakatitig sa kanya.

Bago tuluyang nagdilim ang kanyang paningin, nakita pa niya sa anyo ng misteryosong lalaki ang pagguhit ng isang makahulugang ngiti. Inilabas nito ang iPhone sa bulsa at kinuhanan siya ng litrato. Pagkuwa'y agad itong naglakad palayo hanggang sa maglaho na sa paningin niya.

Doon tuluyang nagdilim ang diwa ni Alvin. Naiwan sa walang buhay niyang anyo ang labis na pagkasindak.

Wakas.

Shocker Files (Disturbing Horror Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon