Sapatos

861 30 4
                                    

PAUWI na si Mico habang nakabisikleta nang maagaw ng pansin niya ang magkapares na sapatos sa gilid ng daan. Huminto siya sa tapat nito at dinampot ang sapatos.

Larawan siya ng pagtataka kung bakit iniwan na lang doon ang napakagandang rubber shoes na halatang bago pa lang at makintab ang asul na balat. Hindi niya napigilan ang tukso ng kamay at isinama ito sa pag-uwi.

Papasok na sa iskuwelahan si Mico. Pagkatapos mag-ayos sa harap ng salamin, naupo siya sa kama at isinukat ang napulot na satapos. Natuwa siya dahil sakto ito sa mga paa niya. Tumugma pa ang kulay nito sa suot niyang P.E uniform na kulay asul. Nagmamadali siyang nagpaalam sa ina at ibinida sa labas ang bagong sapatos.

Tahimik lang si Mico habang binabagtas ang daan patungo sa paaralan nang makaramdam siya ng pagkahilo. Habang tumatakbo ang bawat segundo ay patindi nang patindi ang hilong nararamdaman niya hanggang sa mahinto siya sa paglalakad.

Kumain naman siya ng agahan at kumpleto rin ang tulog kaya hindi niya maintindihan kung bakit siya biglang nahilo. Pinilit pa rin niyang maglakad kahit dahan-dahan para hindi mahuli sa klase.

Ilang sandali pa, bigla na lang din bumigat ang mga paa niya. Pakiramdam niya'y may bakal na nakapatong dito at halos hindi niya ito maigalaw. Doon na siya biglang kinabahan. Kumabog ang dibdib niya sa hindi malamang dahilan.

Bigla siyang nakarinig ng mga sigaw. Galing iyon sa mga construction worker na nagtatrabaho sa ginagawang gusali na nasa tabi niya. Nagtakbuhan ang mga ito at nabangga pa siya ng isa. Natumba siya sa lupa at lalong bumigat ang ulo at mga paa niya. Hindi na siya nakatayo.

Napamulagat siya nang makita ang unti-unting pagguho ng ginagawang gusali. Sa isang iglap lang, bumigay ang kalahating bahagi nito at lumikha ng nakabubulabog na ingay. Nagkagulo ang mga tao sa labis na gulat.

Puro sigaw ang maririnig sa paligid. Halos masuka ang ilan habang pinagmamasdan ang lasog-lasog na katawan ni Mico. Sa tindi ng pagbagsak ng kalahating bahagi ng gusali, nadurog ang ulo nito at halos mabura ang mukha. Hindi na ito makilala sa ganoong kalagayan.

Sa kabila ng sinapit ni Mico, ang suot niyang sapatos ay nanatiling malinis at makintab.

BAKAS ang pagod sa anyo ni Louie pagkatapos mag-basketball sa bayan. Pauwi na siya nang mahagip ng mga mata ang isang magkapares na sapatos sa gilid ng nadaanang basurahan. Makintab ang asul nitong balat at mukhang bago pa lang kaya naengganyo siyang lapitan at damputin.

Walang bakas ng dumi ang sapatos kahit saan niya tingnan. Wala sa loob na inamoy rin niya ito. Kataka-takang amoy pa niya ang pagiging bago at fresh from the box nito kahit itinapon na sa basurahan. Nagtaka tuloy siya. Bakit naman kaya itinapon na lang ito?

Naisipan niyang angkinin ang sapatos dahil wala na rin namang nagmamay-ari nito. Balak pa naman niyang bumili ng bago para sa laro nila sa isang upcoming basketball tournament. Buti na lang at nakatagpo siya ng sapatos na daig pa ang bago sa ganda ng disenyo.

Pagkauwi sa bahay, isinandal niya sa likod ng pinto ang napulot na rubber shoes. Naabutan naman niya sa kuwarto ang kapatid na si Grace at kaharap ang laptop nito.

Naupo si Louie sa kama at hinubad ang suot na jersey. "Ano na naman ba 'yang ginagawa mo?"

"Pinag-aaralan ko itong article tungkol sa mga cursed objects, Kuya," nakatalikod na tugon ni Grace sa kanya.

Natawa si Louie sa narinig. Lumapit siya sa kapatid at nakisilip sa laptop. "Naniniwala ka naman sa mga kalokohan na 'yan? Para saan ba 'yang ginagawa mo, ha? Kailangan ba sa school n'yo 'yan?"

Nakasimangot na humarap sa kanya ang babae. "Ano ka ba! Siyempre self-study lang ito. Naintriga lang talaga ako rito sa article tungkol sa mga objects na puwedeng sapian ng mga bad spirits."

Malutong na tawa ang pinakawalan ni Louie. "So, ano naman po ang meron d'yan, aber?"

"Sabi rito, kapag hindi raw tanggap ng isang tao ang pagkamatay niya, hindi siya makakaalis sa mundo at posible na maging bad spirit siya. Puwede siyang magmulto sa lugar kung saan siya namatay at puwede ring sumapi sa mga gamit na may halaga sa kanya."

Napapikit sa tawa si Louie. "O, tapos?"

"May kakayahan daw makapanakit ang mga kaluluwang naghihiganti o naghahanap ng katarungan. Kadalasan, sila rin daw 'yong mga pinapatay o kaya nasasawi sa mga aksidente na hindi nila inaasahan!"

Napailing na lang si Louie sa mga sinabi ng babae at tinapik-tapik ito sa balikat. "Huwag kang magpupuyat at baka masira ang mata mo sa kakababad sa computer. Sige, punta na 'ko sa kuwarto ko. Matulog ka ng maaga!"

Larawan naman ng pagkainis si Grace dahil nahalata niyang tinatawanan lang siya ng kuya sa mga ikinuwento niya. Kung bakit pa kasi ibinahagi niya rito ang mga natuklasang kaalaman na hindi naman kayang sukatin ng utak ng kapatid niyang mababaw ang kaisipan.

Kinabukasan, maagang nag-ayos si Louie dahil may pupuntahang kaibigan sa kabilang bayan. Paglabas niya sa kuwarto, naabutan na naman niya ang kapatid na kaharap ang laptop habang kumakain sa kusina.

"Kaaga-aga 'yang laptop mo na naman ang almusal mo," sita niya rito. Umupo siya sa harap ng lamesa at isinuot ang napulot niyang sapatos.

Napansin iyon ng babae. "Saan galing 'yan, Kuya?"

"Wala. Napulot ko lang."

Napataas ng kilay si Grace. "Seriously? Mukha bang napulot ang ganyan kabagong sapatos? Sabi mo wala kang pera baka pinambili mo lang ng sapatos!" Noong isang araw pa kasi siya nanghihingi ng pera sa kuya pero wala raw itong maibibigay sa kanya.

"Napulot ko nga lang sabi. Sige na! Hugasan mo 'yang pinagkainan mo d'yan." Pagkatali sa sintas ng sapatos ay nagmamadaling lumabas ng bahay si Louie.

Habang tumitingin si Grace sa news feed niya, nakakita siya ng isang viral post tungkol sa estudyanteng nadurog ang ulo at bali-bali ang katawan matapos mabagsakan ng gumuhong gusali. Bahagya siyang nagulat dahil first time niyang makakita ng taong namatay sa madugong paraan kagaya ng binatilyong iyon.

Kahit nandidiri, pinagmasdan pa rin niya ang buong katawan ng estudyante sa litrato. Hanggang sa mapansin niya ang suot nitong sapatos. Nangunot ang noo niya sa nakita. Inilapit pa niya ang mukha sa screen ng laptop para makasigurado. Hindi siya puwedeng magkamali. Kamukhang-kamuha nito ang sapatos na isinuot kanina ng kuya niya na sinasabing napulot lang daw nito.

Coincidence lang ba? Naisip niya, baka naman magkapareho lang ang design. Hindi lang naman iyon ang nag-iisang sapatos sa mundo na may ganoong disenyo.

Gayunpaman, hindi pa rin niya maiwasang kilabutan sa hindi malamang dahilan. Nakaramdam siya ng hindi maipaliwanag na kaba para sa kapatid niya.

HABANG nasa daan si Louie, bahagyang mabilis ang pagpapatakbo niya sa motor. Hindi niya alintana ang ilang mga kasabay na sasakyan.

Sa kalagitnaan ng biyahe ay bigla na lang siyang nakaramdam ng pagkahilo. Kasunod niyon ang pagbigat ng mga paa niya. Parang tinalian ito ng sako na puno ng buhangin. Sobrang bigat. Halos hindi niya maigalaw ang mga paa. Hanggang sa unti-unti siyang mawalan ng kontrol sa minamanehong motor.

May paparating na sasakyan sa harapan niya. Napamulagat na lang siya sa gulat nang makitang isa itong malaking truck. Bago pa man siya makagawa ng aksyon, sumalpok na sa truck ang motor niya at tumilapon sa gitna ng daan. Pagbagsak sa lupa, aksidenteng nagulungan pa siya ng ibang mga sasakyang dumaraan.

Napahinto ang lahat ng mga sasakyan. Isa-isang bumaba ang ilan para silipin ang madugong kaganapan. Larawan ng pagkasindak ang mga tao habang pinagmamasdan ang durog-durog na katawan ni Louie. Nawala sa tamang posisyon ang mga buto nito at basag pa ang ulo. Nagkalat sa kalsada ang dugo at ilang piraso ng nadurog na utak.

Kung gaano kadugo at karumi ang katawan ni Louie dulot ng aksidente, ganoon naman kalinis ang suot niyang sapatos na parang hindi tinatablan ng kahit anong sakuna. Nanatiling makintab ang kulay sa kabila ng malagim na aksidente.

Tulad nina Mico at Louie, marami pang sumunod sa malagim na aksidenteng dala ng isinumpang sapatos.

Ang sapatos na may hatid na kamatayan sa kung sinuman ang makapulot at magsuot nito. Ang sapatos na dumaan na sa maraming mga aksidente.

Sapatos na pag-aari ng isang kaluluwang hindi matanggap ang pagkamatay kaya naghahasik ng lagim gamit ang pinakamamahal na sapatos.

Wakas.

Shocker Files (Disturbing Horror Stories)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon