Tuwing break time ko sa trabaho, palagi akong nagpupunta sa Jollibee para doon kumain. Malaking parte na ng buhay ko ang Jollibee dahil bukod sa dito ako palaging kumakain ay dito ko rin dinadala ang pamilya ko kapag nais naming kumain sa labas. Noong bata ako, dito rin ako palagi dinadala ng mga magulang ko. Hanggang sa paglaki ko ay hindi nawala sa 'kin ang pagkahilig kumain sa Jollibee.
Nang araw na iyon, sa isang malaking branch ng Jollibee ako kumain. Malapit lang iyon sa pinagtatrabahuhan ko pati na rin sa bahay na aking inuupahan. Bagong lipat kasi ako ng bahay dahil naisipan kong maghanap ng tirahan na malapit lang din sa trabaho ko, at para makatipid na rin sa pamasahe.
Pagkakuha ko sa aking order na isang one piece chicken at large fries, naghanap ako ng bakanteng lamesa na mapupuwestuhan. Nakakita ako ng isa sa bandang dulo. Dali-dali akong nagtungo roon bago pa iyon makuha ng iba.
Punong-puno ng tao sa branch na iyon. Marami ring mga nakatayo na tila naghihintay ng mababakanteng lamesa. Ako naman, patingin-tingin lang sa paligid habang kumakain. Hanggang sa mahagip ng paningin ko ang isang lalaking nakapulang t-shirt. Nakaupo ito sa di kalayuan. Mag-isa lang ito sa lamesa. Nakatanaw ito sa malayo at blangko ang ekspresyon ng mukha.
Agad kong binawi ang aking tingin at nagpatuloy sa pagkain. Nang matapos ako, muli kong iginala ang aking tingin sa paligid, hanggang sa muli akong mapasulyap sa kinauupuan ng lalaking nakapula. Laking gulat ko nang mapansing lumuluha ito ng dugo! Kinusot ko pa ang mga mata ko dahil baka namamalikmata lang ako. Pero nang pagmasdan ko siyang mabuti, hindi nagbago ang nakikita ko. May dugong luha na tumutulo sa mga mata niya habang nakatanaw pa rin sa malayo!
Sa labis na gulat ay kinuha ko agad ang mga gamit ko at dali-daling lumabas ng Jollibee. Hindi ko na nga naubos ang regular coke kahit medyo nauuhaw pa ako. Nagmadali akong umalis dahil sa takot at pagkabigla.
Hanggang sa pagbalik ko sa trabaho ay hindi nawala sa isip ko ang nakita kong iyon. Hindi nga ako nakatulog pagsapit ng gabi. Magdamag akong gising at nakikiramdam sa paligid. Naging balisa ako at hindi mapakali.
Pagpasok ko tuloy sa trabaho nang sumunod na araw ay namumugto ang mga mata ko sa puyat. Pagsapit ng breaktime ay muli akong nagpunta sa Jollibe branch na palagi kong kinakainan sa lugar na iyon.
Medyo natagalan pa ako dahil sa haba ng pila. Nang maka-order ay sinabing hindi pa raw ready ang in-order ko kaya binigyan na lang nila ako ng table number. Dali-dali naman akong naghanap ng puwesto at inilapag sa gitna ang table number.
Habang naghihintay ay muli akong napalingon sa mga tao, hanggang sa mahagip ng dalawang mata ko ang lalaking nakapula na nakita ko kahapon. Sa pagkakataong iyon, nasa bandang dulo ito nakaupo. Tulad kahapon, nakatanaw pa rin ito sa malayo at tila malalim ang iniisip.
Kinusot kong muli ang mga mata ko. Hindi ako puwedeng magkamali, ang lalaking iyon ang nakita kong lumuha ng dugo kahapon! Ngunit nang mga oras na iyon, wala namang kakaiba sa kanya. Basta't nakatingin lang siya sa malayo.
Dahil maraming tao nang mga oras na iyon ay hindi ako gaanong natakot. Medyo kumakabog lang nang malakas ang dibdib ko pero hindi ko na naisipang tumakbo. Iniwasan ko na lamang siya nang tingin at hinintay ang order ko.
Ilang minuto pa ang lumipas ay dumating na rin ang order ko. Nakahinga ako nang maluwag at agad sinimulang kumain. Hindi ko nilingon ang kinaroroonan ng lalaking nakapula hangga't hindi nauubos ang pagkain ko.
Pagkatapos kong kumain, sinubukan ko muling sumilip sa kinaroroonan ng nakapulang lalaki. Nagulat ako dahil nandoon pa rin siya. At sa pagkakataong iyon, umiiyak siyang muli ng dugo! Dali-dali akong tumayo sa kinauupuan at lumabas. Parang mauubusan ako ng hininga sa sobrang lakas ng tambol ng dibdib ko. Iyon na ang pangalawang beses na nakita ko ang misteryosong lalaki na iyon na umiiyak ng dugo. Ano kaya ang ibig iparating ng pangitain na ito?
Nang sumunod na araw, nagbalik ako sa branch na iyon para sana kumain ng tanghalian. Ngunit bago ako tumungo sa order line, nilibot ko muna ng tingin ang paligid. Ganoon na lamang ang pagkagulat ko nang makita ko muli ang lalaking nakapula. Nasa bandang gitna naman ito nakaupo, katabi ng mag-asawang kumakain sa katabing lamesa, at tila hindi nakikita ng mga ito ang lalaking iyon.
Hindi ko na hinintay na lumuha ng dugo ang nakapulang lalaki. Agad akong lumabas at sa ibang fast food na lang kumain. Dahil sa pangyayari, natakot na akong kumain sa branch ng Jollibee na iyon.
Kinabukasan, ipinagtanong ko sa isa kong katrabaho kung ano ang ibig sabihin ng nakikita ko. Ikinuwento ko sa kanya na palagi akong may nakikitang lalaki na nakapula sa branch ng Jollibee malapit sa amin. Sinabi ko sa kanya kung paano ko ito nakitang lumuluha ng dugo habang nakatanaw sa malayo.
Nagulat ang katrabaho ko sa ikinuwento kong iyon. Dahil doon ay may natuklasan ako mula sa kanya. Sinabi niya sa akin na noong nakaraang taon ay may naganap daw na pagpatay sa mismong branch na iyon.
Masayang kumakain lang daw ang mga tao nang mga panahong iyon nang bigla silang pasukin ng isang lalaking may takip ang mukha. Hinablot nito ang baril sa bulsa at mabilis na pinaputukan sa ulo ang isang nakapulang lalaki na kasalukuyang kumakain.
Ayon sa imbestigasyon, magkakilala ang suspek at ang biktima. Umamin din sa huli ang suspek na nahuli raw niyang may relasyon ang lalaking iyon at ang kanyang asawa. Kaya nagdilim ang isip niya at hindi niya napigilang patayin ang lalaki sa publiko.
Hindi lang daw ako ang nakakakita sa kaluluwa ng lalaking binaril sa branch na iyon ng Jollibee. Marami na rin daw ang mga taong nagsabi na pinagpakitaan din sila ng lalaking iyon sa loob mismo habang sila'y kumakain. Nakikita raw nilang umiiyak ito ng dugo habang nakatanaw sa malayo.
Doon ako naliwanagan sa lahat. Magmula noon ay hindi na ako kumain sa branch na iyon. Nagtiis na lamang ako sa ibang fast food kahit ang Jollibee talaga ang paborito ko pagdating sa tanghalian.
Paminsan-minsan, dumadayo pa ako sa ibang lugar para lang maghanap ng ibang branch ng Jollibee. Hindi na talaga ako bumalik sa branch na malapit sa amin dahil ayoko na muling makita at maingkuwentro pa ang lalaking umiiyak ng dugo.
Wakas.
BINABASA MO ANG
Shocker Files (Disturbing Horror Stories)
HorreurIto ang mga kuwentong hindi gugustuhin ng publiko na makita mo. Makatulog ka pa kaya?