HALOS hindi makausap si Juancio habang naglalaro ng Mobile Legends. Ang sarap ng higa nito sa sofa habang nanggigigil ang mga daliri sa kakapindot sa cellphone.
"Hoy, Juancio! Ano ka ba kanina pa kita inuutusan! Bumili ka muna ng mantika sa palengke at magluluto na ako!" sigaw sa kanya ng inang si Mercedes na abala sa kusina.
Wala pa ring sagot si Juancio. Tila hindi nito naririnig ang lahat ng ingay sa mundo. Tutok na tutok ang isip nito sa paglalaro.
"Juancio, ano ba! Gusto mong basagin ko sa mukha mo 'yang cellphone na 'yan? Bitawan mo nga muna 'yan at bumili ka muna ng mantika!" Lumapit na sa kanya ang ina.
Hindi pa rin pansin ni Juancio ang ina. Ayaw talaga nitong magpa-istorbo.
"Isa! Gumalaw ka na nga d'yan! Wala ka na bang balak gawin sa buhay mo kundi gumanyan araw-araw? Umayos ka!"
Hindi na nakapagpigil si Juancio sa ingay ng kanyang ina. "Teka lang naman, 'Nay! Maghintay ka malapit nang matapos 'to!"
"Ano'ng malapit nang matapos? Kanina ka pa naglalaro d'yan! Palagi na lang ganyan ang inaatupag mo! Iyan na lang palagi ang almusal mo! Bakit umaasenso ka ba d'yan? Nabubusog ka ba d'yan?"
"Inay puwede ba huwag kang maingay! Hintayin mo malapit na lang ito! Hindi naman kasi 'to puwedeng i-post dahil online game ito! Ilapag n'yo na lang d'yan 'yong pera!" Mas mataas pa sa langit ang boses ni Juancio.
Masakit ang ulo ni Mercedes at ayaw na niyang madagdagan pa ang bigat ng dinadala, kung kaya't siya na lamang ang lumabas para bumili ng mantika sa palengke.
Pagbalik niya, isang mainit na sermon agad ang inihain niya sa lalaki. Pero itong si Juancio, tila hindi apektado. Halatang sanay na sanay na ito sa bunganga ng kanyang ina. Abala pa rin ito sa paglalaro sa cellphone habang pinagagalitan ng nanay.
Palaging ganoon ang eksena sa kanilang bahay. Walang araw na hindi nagbunganga ang ina ni Juancio dahil sa labis niyang katamaran. Palibhasa puro higa, kain, at laro ang inaatupag niya araw-araw.
Isang taon ang lumipas mula nang magtapos siya ng kolehiyo ngunit wala pa rin siyang balak maghanap ng trabaho. Tinatamad kasi siya. Mas gumagaan ang pakiramdam niya kapag nasa bahay lamang at kaharap ang cellphone.
Isang hapon, nagpasama sa kanya ang amang si Melchor para buhatin ang TV at dalhin sa repair shop. Ngunit sa mga oras na iyon ay kaharap naman ni Juancio ang laptop at abala sa pagyu-Youtube kaya hindi na naman mautusan.
"Juancio, tumayo ka nga d'yan at tulungan mo magbuhat ng TV ang tatay mo! Ang bigat-bigat n'yan at kagagaling pa lamang ng ama mo sa sakit!" sita ni Mercedes sa lalaki.
Hindi maintindihan ni Juancio ang pinanonood dahil sa ingay ng kanyang ina. Kaya naman hindi na naman niya napigilang pagtaasan ito ng boses. "Puwede ba huwag muna ngayon, 'Nay! Sa susunod na lang ipagawa ang TV na 'yan at may importante akong ginagawa rito!"
Pati ang tatay niya ay nasaktan sa sinabi niya. Subalit pinili nitong huwag na lamang sitahin ang anak. "Sige na. Hayaan mo na siya. Ako na lang ang magdadala nito sa bayan. Isasakay ko na lang ng tricycle."
Mahinhin na tao si Melchor at hindi ito palasigaw gaya ni Mercedes. Kahit napipikon na ito sa ugali ng anak ay hindi niya ito magawang sabihan at pagalitan.
Awang-awa si Mercedes habang nakikitang hirap na hirap si Melchor sa pagbuhat sa TV. Kahit hindi niya ito kayang buhatin ay tinulungan na lang din niya ang matanda na ilabas ito at isakay sa tricycle.
Pagbalik ni Mercedes sa loob, pinaulanan na naman niya ng sermon si Juancio.
Subalit gaya ng dati, hindi pa rin tinatablan ang binata. Lumalabas lang sa kabilang tainga nito ang mga sinasabi ng ina. Para bang immune na siya sa lahat ng masasakit na salita at balewala na ito sa kanya.
BINABASA MO ANG
Shocker Files (Disturbing Horror Stories)
HorrorIto ang mga kuwentong hindi gugustuhin ng publiko na makita mo. Makatulog ka pa kaya?