Isang masayang selebrasyon ang ginaganap sa ikalawang palapag ng Jollibee Monumento. Nagdiriwang ng ika-limang taong karaawan ang isang batang lalaki.
Habang nagsasalita ang host sa harap, kasalukuyan namang inilalapag ng crew na si Laurence ang pagkain ng mga bata.
Masayang binabati ni Laurence ang bawat batang hinahatiran niya ng pagkain sa lamesa. Ang ibang mga bata, tuwang-tuwa sa kanya matapos mailapag ang pagkain ng mga ito.
Pagkatapos ng kainan, dumating na rin ang pinakahihintay ng lahat. Mula sa likod ng munting entablado ay lumabas na ang Jollibee mascot. Nagkagulo sa tuwa ang mga bata at nilapitan ito.
Maya-maya pa, sinabayan ng mga bata ang mascot sa pagsayaw. Umapaw ang kasiyahan. Bumuhos ang magarbong palakpakan mula sa ilang mga magulang.
Habang tumatakbo ang masayang pagdiriwang, saglit na lumabas si Laurence para mag-CR. Pagpasok niya sa CR ng mga empleyado, laking gulat niya sa nakita at napaatras.
Nakahandusay sa sahig ang katrabaho niyang si Dennis. Wasak ang bibig nito at nangitim ang buong katawan. Para bang pinasukan ito ng matinding lason at naging ganoon kaitim ang balat. Dilat ang mga mata ng lalaki ngunit wala nang buhay.
Nanginginig na lumabas ng CR si Laurence at napasandal sa dingding ng pasilyo. Gumapang ang kilabot at pagtataka sa buong pagkatao niya.
Naalala niya, si Dennis ang inatasan para magsuot ng Jollibee mascot. Kung nasa banyo ito at wala nang buhay, sino ang taong naka-mascot na nagpakita sa entablado kanina?
Binalikan niya ang party. Ganoon na lamang ang pagkasindak niya nang makitang nakabulagta sa sahig ang mga tao. Nangitim din ang balat ng mga ito at wala nang buhay. Bata, magulang, katrabaho; lahat, patay!
Tatakbo na sana siya nang biglang lumabas sa likod ng entablado ang Jollibee mascot. Bago pa siya makagawa ng aksiyon ay nakalapit na ito sa kanya. Nanigas siya sa kinatatayuan at nagpakawala ng isang tanong, "sino ka?"
Hinubad ng lalaki ang suot na mascot. Napamulagat sa labis na gulat si Laurence. Hindi tao ang nakikita niya. Isa itong nilalang na berde ang balat, tatlo ang mata, mahaba ang mga kuko at may pangil sa magkabilang bahagi ng ilong.
Nanigas sa kinatatayuan si Laurence. Nanatili siyang nakatitig sa nilalang na hindi niya matukoy kung ano. Tikom ang kanyang bibig at nagmamakaawa ang mga mata.
May isang salita na binitawan ang halimaw bago siya nito iniwan: "Nabili ko na ang mundo, at magagawa ko kung ano ang gusto ko."
Hindi na muling nakita pa ang halimaw. Walang nakakaalam kung paano ito nakapasok at kung paano nakalabas. Hindi rin matukoy kung anong klaseng lason ang ipinasok nito sa katawan ng mga biktima na kumitil sa buhay ng mga ito.
Patay ang lahat ng tao sa naturang birthday party. Ang mga regular customers naman na kumakain sa baba ay hindi umano napansin ang naganap na patayan sa taas. Sobrang linis at tahimik ng naging pangyayari. Kung hindi pa umakyat ang isang guard ay hindi malalaman na patay na pala ang lahat ng mga tao sa taas.
Ang tanging naiwang buhay sa naturang party ay ang crew na si Laurence. Nadatnan itong nakasandal sa isang sulok at nanginginig sa takot. Kahit anong gawin ay hindi na ito makausap nang maayos. Ang tanging salita na lumalabas sa bibig nito ay, "nabili na niya ang mundo, at magagawa niya kung ano ang gusto niya."
Mula nang pumutok ang balitang iyon sa telebisyon, naging isang malaking palaisipan iyon sa buong bansa. Walang nakakaalam kung anong klaseng nilalang ang umatake sa birthday party ng naturang Jollibee branch. Si Laurence naman na naiwang buhay ay hindi na makapagsalita dulot ng labis na trauma.
Ang napakamisteryosong pangyayaring ito ay tinawag nila bilang "Unknown Attack".
BINABASA MO ANG
Shocker Files (Disturbing Horror Stories)
HorrorIto ang mga kuwentong hindi gugustuhin ng publiko na makita mo. Makatulog ka pa kaya?