WARNING: This story may contain strong language, offensive theme, adult content, depictions of sex, violence and elements that are not suitable for some audiences. Read at your own risk.
NAINTRIGA si Chris nang marinig ang kuwento tungkol sa Disyertong Walang Diyos. Isang lugar daw iyon sa kanilang bayan na hindi nakikita ng tao.
"Ayon sa mga sabi-sabi, kaya hindi nauubusan ng mga drug addict dito sa lugar natin dahil doon daw sila nagtatago sa Disyertong Walang Diyos," parang guro na nagbabahagi ng kaalaman si Isyong, isa sa mga barkada ni Chris.
Nag-iinuman ang magbabarkada sa bahay nina Chris. Kung saan-saan napunta ang kanilang usapan. Hanggang sa mapadpad sila sa mga kuwentong kababalaghan.
Sabi pa ni Isyong, ang Disyertong Walang Diyos ay isang lugar na hindi nanaisin ng sinuman na makita. Ito ay lugar para lamang sa mga halang ang bituka.
Nadiskubre daw noon ng masasamang dayo ang Disyertong Walang Diyos nang sila'y tumakas sa kanilang lungga para maghanap ng panibagong mapagtataguan. Nakakita sila ng isang lugar na bago sa kanilang kamalayan. Di kalaunan, natuklasan nilang hindi nakikita ng pangkaraniwang tao ang lugar na iyon. Doon sila nagtago sa loob ng mahabang panahon. Tinawag itong Disyertong Walang Diyos dahil ito raw ang lugar sa mundo na hindi nakikita ng Diyos kaya lahat ng masasamang nilalang sa lupa ay doon namumugad.
"Paano ba makikita ang Disyertong Walang Diyos?" sabik na tanong ni Chris.
Madiin ang tinig na tumugon si Isyong. "Kailangan mong pumatay para makita mo iyon..."
Hindi raw nagpapakita ang Disyertong Walang Diyos sa mga taong wala pang bahid ng krimen ang kamay.
"Kaninong barbero mo naman nakuha ang kuwentong iyan?" tanong ng isa nilang barkada na hindi naniniwala.
"Iyon kasi ang sabi ng matatanda. Mga masasamang tao lang daw ang puwedeng makakita at makapunta sa Disyertong Walang Diyos."
Lahat ng kasama nila ay nagtawanan. Si Chris lang ang naniwala at napaisip kung ano pa ang misteryong itinatago ng lugar na iyon.
TANGHALI na nakabangon si Chris dulot ng hangover. Paglabas niya ng kuwarto, naabutan niya ang asawang si Emy na naghihiwa ng mga gulay sa lamesa. Tinabihan niya ito at hinalikan sa pisngi.
"Maligo ka nga! Ang baho mo, ah!" ani sa kanya ng babae.
"Hon, may tanong lang ako. Alam mo ba 'yong Disyertong Walang Diyos?"
Nag-iba ang titig sa kanya ng asawa. Naging seryoso ito na tila may alam sa nabanggit niya. "Bakit mo naitanong 'yan?"
"Wala lang. Naikuwento lang kasi sa akin kagabi ni Isyong."
Agad binawi ni Emy ang tingin at ibinalik sa mga hinihiwang gulay. Napabuga siya ng hangin bago nagsalita. "Naikuwento rin iyan sa akin noon ng lola ko. Sabi niya, lugar daw iyon ng mga serial killer. Doon sila nagtatago para hindi makita ng mga pulis."
Lalong naintriga si Chris. "Talaga? Paano nila nalamang may gano'ng lugar dito kung hindi naman ito nagpapakita sa mga inosenteng tao?"
"May ilang mga kriminal daw kasi noon ang umamin at sumuko sa batas. Doon nila sinabi ang tungkol sa lugar na matagal na nilang pinupugaran. Sinubukan daw hanapin iyon ng mga pulis pero bigo silang makita."
"Saan daw banda 'yon dito? At ano raw 'yong hitsura ng mismong lugar kapag nakapasok ka roon?" uhaw na uhaw si Chris malaman ang lihim ng lugar.
"Hindi ko na alam... Teka, bakit ba ang dami mong tanong doon? Tulungan mo na lang kaya ako rito para makapagluto na tayo agad! Tanghali na, oh!"
BINABASA MO ANG
Shocker Files (Disturbing Horror Stories)
KorkuIto ang mga kuwentong hindi gugustuhin ng publiko na makita mo. Makatulog ka pa kaya?