May isang pangyayaring hinding-hindi ko malilimutan.Grade 6 ako noon at kabilang sa first section. Tahimik akong bata at ang sabi nila'y snob daw ako kasi minsan lang ngumingiti. Wala naman talagang kaso kung ganoon nga ang impression ng lahat sa akin, kaya lang, dumating sa punto na napuno ako.
Pero, hindi iyan ang gusto kong ikuwento.
Araw ng martes, ikalabing-apat ng Agosto taong 2012, nang halos mamatay-matay ako sa nerbiyos. Uwian na at nagpaiwan ako sa loob ng silid-aralan kasama ang iba pang sweepers sa araw na iyon. Kumuha ako ng walis tambo at dustpan. Nagtaka ako nang biglang nagbulong-bulongan 'yong mga kasama ko.
"Tingnan mo."
"Oo nga. Anlaki! Hindi ba niya napansin?"
"Ano 'yan?"
Humarap ulit ako sa mga kaklase ko at nagulantang ako nang mapagtantong nakatingin silang lahat sa akin.
"B-bakit?" tanong ko. Naglakad ako papunta sa harap at nagsimulang magwalis. Nawala naman ang bulong-bulongan kaya nawala rin ang tensiyon sa katawan ko.
Kaso, ilang minuto pa akong nagwawalis at halos nakalahati na nang biglang sumigaw si Jamie, iyong babaeng nakaupo sa likuran ko tuwing klase. Malaki siyang babae at kinatatakutan ng ilan kaya halos walang kaibigan sa school.
"Maam Hermi! May tagos si Laura!"
Napaangat ako ng tingin nang marinig ko ang pangalan ko. Kakapasok lang ni Maam Hermi, ang adviser namin, at inilagay nito ang dalang aklat sa teacher's table. Bumaling ito sa akin na nakakunot ang noo. Napayuko ako at muling nagwalis. Nakakatakot talaga kapag nagsasalubong ang dalawang kilay niya. Para siyang nangangain na ewan.
"Laura!"
"Maam!" Napatayo ako nang tuwid pero nakayuko pa rin. Ayokong tumingin sa mga mata niya dahil pakiramdam ko susuka na ako sa nerbiyos.
"Tumalikod ka," utos niya sa akin. Agad ko siyang sinunod na hindi pa rin tumitingin sa mga mata niya. Narinig ko na naman ang bulong-bulongan ng mga kaklase ko.
Ano bang pinag-uusapan ng mga ito?
Nagulantang ako nang may biglang humawak sa magkabila kong balikat. Pagtalikod ko, nakita ko si Maam Hermi na nakataas ang kilay habang nakatitig sa akin. Agad kong iniwas ang tingin at bahagyang napaatras.
"Pumunta ka sa C.R. Tingnan mo ang panty mo kung may kulay pula ba," sabi niya.
Agad akong tumango at iniwan ang walis tambo sa sahig. Tumakbo ako sa banyo na karugtong lang ng silid-aralan. Isinara ko ang pinto at agad binaba ang panloob.
Nakagat ko ang labi nang makita ko ang nangingintab na kulay pula... hindi. Kulay kayumanggi iyon. Nang amuyin ko, napangiwi ako. Amoy bakal.
At alam ko ang ibig sabihin niyon. Sa edad na sampu, alam ko na ang ibig sabihin nito. Pero natatakot ako. Napalunok ako at napatingin sa munting bintana na nasa pinakataas na bahagi ng dingding ng banyo.
Hindi ko maikakailang unang dalaw iyon. Ako pa nga ang nagsulat sa magaspang na blackboard ang tungkol sa Menstruation ng isang babae. Sinabi ni Maam Hermi na normal lang ang pagkakaroon ng buwanang dalaw, at hindi dapat ikakahiya iyon.
Nagbaba ako ng tingin sa saya ko at napangiwi ako nang makitang sobrang daming dugong mantsa roon. Kulay kayumanggi pa iyon dahil sa kulay asul naming uniporme. Kalat na kalat iyon sa buong puwetan kaya kapansin-pansin.
May kumatok sa pinto.
"Laura? Laura!"
Nanginginig kong tinaas ang panloob at pinihit ang seradura. Huminga ako nang malalim bago binuksan nang maluwang ang pinto.
Nakita ko si Jamie na nakataas ang kilay sa akin. "Ano na?"
Nilibot ko ang tingin at napabuga ng hangin nang mapansing wala si Maam Hermi sa paligid. Baka may kinuha o inutos lang sa kaklase kong nagwawalis sa labas ng classroom. Nilampasan ko si Jamie at pinuntahan ang walis tambo sa sahig. Pinulot ko iyon at pinagpatuloy ang pagwawalis. Saktong muling pumasok sa loob ng classroom si Maam Hermi.
"May pula ba, Laura?" tanong nito.
Malakas ang tambol sa dibdib ko habang umiiling. Nag-alala akong baka malaman niya ang totoo pero kasi... nakagat ko ang labi.
"Wala po, Maam Hermi."
Tumango lang siya at umupo sa upuang nakalaan sa mga guro. May sinulat siya. Nakahinga ako nang maluwag. Nawala naman sa tabi ko si Jamie na kanina pa sunod nang sunod sa akin. Pinagpatuloy ko ang naudlot na pagwawalis. Nagulat na lang ako nang kalabitin ako ni Amara. Tinuro nito ang puwetan ko.
"May dalaw ka na?"
Agad akong umiling at nag-iwas ng tingin. "Wala. Siguro naupuan ko lang iyong plant box sa labas. Hindi kasi ako tumitingin kapag nauupo."
Kanina kasi, galit na galit si Maam Hermi habang tinuturo ang plant box na may mantsa. Kulay pula pa iyon. Hindi namin napansin kaninang umaga dahil malalago ang dahon ng money makers sa parteng iyon. Kaya ayon, nakatikim ng palo ang mga lalaking sweepers kay Maam Hermi.
Nagulat ako nang saglit na inamoy ni Amara ang puwetan ko. "Pero amoy bakal?" kunot noo niyang tanong. Napanguso ako at binilisan ang pagwawalis.
"Wala nga 'yan. Okay?" naiinis kong sabi.
"Okay," sabi niya bago lumayo sa akin. Napabuga ako ng hangin at kinuha na ang dustpan.
Ilang minuto lang at natapos na ako sa pagwawalis. Na-arrange na rin ang mga upuan at handa na ang lahat ng kaklase kong umalis. Niligpit na rin ni Maam Hermi ang mga gamit niya. Sinara na ni Maam ang pinto at sabay-sabay kaming naglakad papunta sa gate.
Pasimple ko namang nilagay sa harap ang puwetan ng saya ko at tinakpan ang tagos gamit ang isang panyo.
"Oo, malaki."
"Mukha ngang tagos, e. Sobrang laki!"
"Manahimik nga kayo."
Hindi ko na lang pinansin ang mga bulong nila. Binilisan ko ang lakad at nauna na akong lumabas ng school gate. Dumaan pa kasi si Maam Hermi sa opisina ng punong-guro kasi sabi niyang magta-time out pa raw siya. Dumiretso ako sa waiting shed sa labas ng school, malapit sa convenience store sa may kanto, para mag-antay ng tricycle.
Ilang minuto akong nakaupo roon sa bench bago ko napansin ang paparating na tricycle. Tumayo ako at sisigaw sana kaso dumaan lang ito sa waiting shed. Napalabi ako.
"Bata, may tagos ka."
Nakakunot-noo akong lumingon sa lalaking payat na naka-jacket na itim. May suot siyang eyeglass at seryosong nakatitig sa puwetan ko. Sinilip ko na rin ang tinitingnan niya at napasinghap ako nang makita ang makalat na tagos!
Umupo pala ako at nalimutan kong hindi pa ako nakapagbihis ng panloob!
Bumilis na naman ang pintig ng puso ko at nagpalinga-linga. Nanginginig na ako sa takot nang may biglang pumulupot sa baywang ko. Napatingala ako sa lalaking payat nang tumayo siya sa harap ko at tinali niya ang sleeve ng jacket sa bandang tiyan ko.
Ngumiti siya at ginulo ang buhok ko. "Puntahan mo ang ate mo at magpabili ka na ng tampon."
Pinisil pa niya nang marahan ang pisngi ko bago maglakad papalayo. Tinanaw ko lang ang bulto niya hanggang sa may humintong tricycle sa harap ko.
#010620.4.4P
BINABASA MO ANG
Lonely Town of Shadows (Complete)
Teen FictionLaura Ashlee Alvaro thinks that she is living an unworthy life. She fails. She cries. She hopes no more. She knows that there is no way for her to be happy. That she is just a shadow lurking behind those sweet smiles of an angel. Until Hanson, her...