"Gusto ko sanang umutang. Kahit isandaan lang. Uh..." Nagbaba ako ng tingin. "Kailangan ko kasi n-ngayon."
Lumunok ako nang ilang beses. Hindi ko na halos maiangat ang mukha sa hiya. Pero wala akong choice. Hmm. Sa simula pa lang... wala naman talaga akong choice.
"Ashlee.."
"Pero kung wala ka namang pera ngayon.. uh... ayos lang." Pagak akong tumawa. "Maintindihan ko." Nag-angat ako saglit ng tingin sa kaniya saka mabilis na pumihit. "S-Sorry sa abala. Uhm... s-sige, babalik na ako sa building n-namin."
Niyuko ko ang ulo at mabilis na humakbang palayo kay Hanson. Pero hindi pa ako nakakalayo nang maramdaman kong may humawak sa braso ko at mabilis akong inikot. Dalawang kamay ang magaang humawak sa mga balikat ko habang nakatitig patingala sa maiitim niyang mga mata. Bumagsak ang hibla ng buhok sa noo niya.
"Sabihin mo sa akin kung magkano ang kailangan mo, Laura. Ibibigay ko."
"H-Hans..."
Bumuntong-hinga siya at dumausdos pababa mula sa balikat ko ang mga kamay niya. Hinawakan niyang mariin ang mga palad ko. Bahagyang pinisil. "Ang mga kamay na 'to..." bulong niya. "Kamay ng isang babaeng pinagkaitan ng kalayaang maglaro. Sa murang edad, nagtatrabaho."
Hindi ko namalayan ang dahan-dahang paglandas ng luha sa pisngi ko. Kumabog ang dibdib ko. Malakas. Mabilis. Masakit. "H-Hans..." daing ko.
Nag-angat siya ng tingin at nagtama ang paningin naming dalawa. Inabot niya ang pisngi ko. "Wag kang umiyak. Isa kang inspirasyon kaya 'wag kang umiyak, Laura."
"Pinapaiyak mo 'ko." Suminghot ako at binawi ang mga kamay mula sa kaniya. Umiling ako. "P-Papautangin mo ba ako?"
"Para sa'n?"
"Sa project ko." Yumuko ulit ako. "Hindi ko kayang humingi kay Mama kasi alam kong nahihirapan siya. Promise, ibabalik ko 'yong pera bukas. May part-time ako ngayon. Arawan ang sahod at mamayang hapon ko makukuha ang sweldo." Nag-iwas ako ng tingin. "Kasi naman... kailangan ko nang magpasa ng project bukas. Hindi na ako makakabili sa tindahan kung hihintayin ko 'yong suweldo. Kaya... n-nangungutang ako ngayon. Ikaw lang kasi ang alam kong makakatulong sa akin."
Bahagya niyang tinapik ang balikat ko. Dinukot niya ang wallet niya sa bulsa at inilabas ang isanlibo. Inabot niya 'yon sa akin. "Bigay ko na. 'Wag mo nang bayaran."
"P-Pero -"
"Sige na, Ashlee. Kaibigan kita kaya ayokong nakikita kitang nahihirapan."
Bigla na lang bumilis ang tibok ng puso ko habang nakatitig kay Hanson. May munting ngiti sa mga labi niya at bahagyang sinayaw ng hangin ang may kahabaan niyang buhok. "S-Salamat..." Pigil-hinga kong tinanggap ang inabot niyang pera.
"Pero."
Tumingala ulit ako sa kaniya. "P-Pero?"
"Kailangan mangako ka."
"M-Mangako?" taka kong tanong.
Tumango siya. "Ipasa mo lahat ng subject. Kung kaya mo, gawin mong eighty-five above lahat ng subject para makasali ka sa top student list ng klase niyo."
Ilang segundo akong manghang napatitig sa kaniya. Mangangako akong... magiging top student kapalit nitong pera? Payak akong natawa saka tumango. "S-Sige. Gagawin ko lahat ng makakaya ko para makapasa at makasali sa top student. Salamat, Hans."Ngumiti siya at inakbayan ako. Sabay kaming lumakad papunta sa B.D building.
NANG UWIAN, sinamahan ako ni Hanson sa JA School Supplies Store na ilang metro lang ang layo mula sa Tyrant. Nailang nga ako dahil pinagtitinginan ako ng mga estudyanteng nakapila sa tindahan. Hindi siguro sila sanay na makakita ng sophomore na kasama ang isang senior.
BINABASA MO ANG
Lonely Town of Shadows (Complete)
Teen FictionLaura Ashlee Alvaro thinks that she is living an unworthy life. She fails. She cries. She hopes no more. She knows that there is no way for her to be happy. That she is just a shadow lurking behind those sweet smiles of an angel. Until Hanson, her...