Baseball. Hindi ko naman talaga gusto ang manood ng laro pero napilitan akong samahan si Hanson dahil manonood daw siya ng laro ni Yui. Magkalaban ang 4D at 4E sa laro at kasali si Yui sa team. Kanina pa nga ako nababagot habang nakahalukipkip na nakaupo sa baitang ng grandstand. Tahimik lang din si Hanson sa tabi ko kaya mas lalo lang akong nabagot.
Naisipan kong magbukas ng topic.
"Hans?"
"Hmm."
"Kilala mo ba si Ate Sidine?"
"Sidine Malarie?" Kumunot ang noo niya pero nanatili ang tingin naglalarong team sa gitna ng grandstand. "Batchmate."
"Mabait siya." Ngumiti ako at humalumbaba. Tinukod ko ang siko sa hita at pinanood si Yui. "Nakilala ko siya last year. Nang mangampanya sila sa classroom namin. Ambait niya. Tapos, ang ganda pa ng buhok. Maitim na tipong walang kupas na itim. Saka... noong prayer time, ang ganda ng dasal niya. Hindi ko nga alam na pwede pala 'yon? 'Yong dasal na hindi memorize. 'Yong dasal na galing sa puso?" Bumaling ako sa gawi niya. "Hans?" tawag ko.
Pero hindi na siya nakatingin sa ibaba. Pantay na ang tingin niya. Nang tingnan ko ang tinitingnan niya, nakita ko 'yong babaeng pamilyar. Sera yata ang pangalan. Kasalukuyan na siyang bumababa ng grandstand.
"Han -"
"Dito ka lang, Ash."
"Pero -"
"Babalik ako," sabi niya sabay tayo at nagmadaling bumaba ng grandstand.
Tiningnan ko ulit ang babae pero wala na siya. Napalunok ako. Dahan-dahan akong tumayo at tinanaw kung nasaan na si Hanson. Palabas na siya ng grandstand. Mabilis akong bumaba at dumaan sa gilid. Hindi ko inaalis ang tingin kay Hanson. May hindi siya sinasabi sa akin. Alam ko 'yon. Ramdam ko. Pero wala akong lakas para magtanong sa kaniya kung anong bumabagabag sa kaniya. Kung bakit natutulala na lang siya minsan tuwing kasama ko siya.
Napatingin ako sa langit. Makapal at maitim ang ulap. Nakagat ko ang labi at tumakbo palabas ng grandstand. Luminga ako at nakita ko si Hanson sa malayo. Tumakbo ako palapit sa kaniya pero huminto nang magsalita siya.
"Sera."
Agad akong nagtago sa likod ng poste. Umihip ang hangin kasabay nang paglingon ni Sera sa kaniya. Napalunok ako sa ganda ni Sera.
"Ba't nandito ka?" tanong ni Sera.
Bumuntong-hinga si Hanson. "Next month, matatapos ang first sem. Gusto kong magpaalam sa 'yo."
Nangunot ang noo ko sa sinabi ni Hanson. Magpaalam?
"Magpaalam?" takang tanong ni Sera. Hindi ko alam kung matutuwa ako dahil nakuha niya ang reaksyon ko o hindi. "Bakit? Magta-transfer ka?" dagdag niyang tanong.
"Titira na sa Cebu ang pamilya ko. Doon na rin ako magka-college."
Cebu. Parang narinig ko na ang pangalan na 'yon. Nagbaba ako ng tingin at inisip kung saan ko narinig ang pangalang 'yon. Napakurap ako nang pumasok sa isip ko 'yong sinabi ni Tita Merivic na lugar sa Pilipinas na gusto niyang puntahan kapag nakapagtapos na siya ng college. Napatitig ako kay Hanson. Lalayo na siya?
"Pwede ba kitang mayakap?" sabi niya.
Napakurap na naman ako nang makita kong mahigpit niyang niyakap si Sera. Napahawak ako sa dibdib at tahimik silang pinagmasdan.
Kumalas si Hanson at hinagkan sa noo si Sera. "Salamat, Sera."
Dahan-dahan siyang tumalikod at naglakad palayo. Akmang lalabas ako sa pinagtataguan nang bigla na lang siyang humarap ulit kay Sera at nagsalita.
BINABASA MO ANG
Lonely Town of Shadows (Complete)
Teen FictionLaura Ashlee Alvaro thinks that she is living an unworthy life. She fails. She cries. She hopes no more. She knows that there is no way for her to be happy. That she is just a shadow lurking behind those sweet smiles of an angel. Until Hanson, her...