Iba ang tingin ni Tito Boy sa akin. Nagtataka. Pati si Tita Karol ay nakataas ang kilay habang tinitingnan ang dala-dala kong malalaking cardboard at styrofoam. Wala naman silang sinabi kaya nagtuloy-tuloy ako sa itaas.
Hindi ko nakita sina Tita Merivic at 'yong dalawa ko pang Tito. Baka hindi pa nakakauwi 'yong dalawang nag-aaral, at naghahanap pa rin ng trabaho si Tito Pol. Wala rin sina Lolo at Lola sa sala, pero hindi na ako nag-aksaya ng oras na magtanong sa dalawang taong nakita ko sa sala.
Si Mama... baka nag-o-overtime na naman sa trabaho.
Nilapag ko sa kama ang mga biniling school supplies, saka ko dinukot ang cellphone sa bulsa. Nag-borrow load ako sa network saka nag-text kay Gernalie na hintayin ako sa bahay nila.
Walang traffic sa sentro kaya wala pang alas-cinco ay nakauwi na ako sa bahay. Baka pwede pa akong humabol sa quota ko ngayong araw.
Nagpaalam ako kay Tita Karol at nangakong uuwi bago mag-alas sais. Dinahilan kong may project akong dapat asikasuhin. Umuo siya. Aniya, nakita niya 'yong dala-dala ko kaya alam niyang abala nga ako sa project.
Nakahinga ako nang maluwag do'n.
Tinakbo ko ang eskina papunta sa bahay nina Gernalie. Agad niya akong sinalubong sa harap ng tarangkahan nila, kaya tumakbo na naman ako kasama siya papunta sa malaking bahay.
"Estudyante pala ng Tyrant 'yong anak ng may-ari ng malaking bahay," hingal na sambit ni Gernalie sa kalagitnaan ng pagtakbo namin.
Sumulyap ako sa gawi niya. "Ano?" hingal kong sigaw.
"Desirie ang pangalan ng anak! Sikat daw ngayon sa social media!" sigaw niya pabalik.
Binaling ko ulit ang tingin sa harap at inalala kung saan ko narinig ang pangalan na 'yon. Bigla na lang sumagi isip ko ang tungkol sa babaeng pinagkaguluhan ng mga estudyante noon sa harap ng gate. Desirie din ang pangalan ng estudyanteng sikat sa Tyrant.
"Okay! Pero hindi pa ba tayo late?" tanong ko. Napabuga ako ng hangin nang matanaw ko na sa malayo ang malaking bahay.
"Mukhang hindi pa. Sabi ni Tatay na hanggang alas-siyete ang trabaho niya ngayon. May dadating kasing bisita bukas sa malaking bahay kaya hindi lang pagtatanim ang pinagkakaabalahan niya ngayon. Tumutulong din siya sa paglilinis ng bakuran."
At tama nga ang sinabi ni Gernalie. Nakita ko ang tatay niyang kinukuskos ang lumot sa pinaglumaang fountain. May ilang babaeng katulong din na nagwawalis sa lilim ng mga punong nakapalibot sa malawak na bakuran ng malaking bahay.
"Tay!" tawag ni Gernalie. Sabay kaming lumapit sa tatay niya.
Nag-angat ng tingin ang matanda at ngumiti sa aming dalawa. "Tamang-tama, doble ang sweldo ngayon. Ngunit doble rin ang quota na kailangan niyong makuha."
Napatingin ako sa mga punong tinatanglawan ng kahel na sinag ng araw. Pantay na sa mga sanga ng puno ang sinag kaya sa tingin ko, pasado alas-cinco na.
"Anong dapat naming gawin?" bulong ko.
Tinuro niya ang imbak na sako sa ilalim ng isang puno. "Mga tuyong dahon ang mga 'yon. Kailangan niyong sunugin sa likod-bahay. Pagkatapos, diligan niyo ang mga butong tinanim natin kahapon."
"Sige." Ngumiti ako.
Mabilis kong natapos ang mga gawaing inatas ng ama ni Gernalie. Pinagpag ko ang mga kamay at ngiting tiningnan ang may kalakihang kalbong hardin. Hindi pa tumutubo ang tinanim na buto kaya ampanget tingnan ng kayumangging hardin.
Bumuga ako ng hangin at tiningnan ang langit. Malapit nang magtago ang araw sa lupa. May parte na ring medyo madilim-dilim, tulad no'ng parte sa kakahuyan sa malayo. Nakabukas na rin ang malalaking lamppost ng bahay.
BINABASA MO ANG
Lonely Town of Shadows (Complete)
Teen FictionLaura Ashlee Alvaro thinks that she is living an unworthy life. She fails. She cries. She hopes no more. She knows that there is no way for her to be happy. That she is just a shadow lurking behind those sweet smiles of an angel. Until Hanson, her...