Nag-resign si Tito Pol sa trabaho niya para mag-apply sa isang bukas na restaurant na malapit lang sa bahay. Natanggap siya kaya naging payapa ang bahay sa loob ng ilang araw. Kahit na hindi nag-uusap sina Mama at Tito Boy, nakakahinga na ako nang maluwag dahil hindi na gano'n kataas ang tensiyon. Nakalabas na rin ng ospital si Lola kaya heto ako ngayon, pinapakain siya ng sopas.
"Laura," tawag ni Lola.
Binaba ko ang mangkok at nag-angat ng tingin sa kaniya. "Bakit po, Lola?"
"Ayos ka lang ba? Mukhang matamlay ka."
Napakurap ako. Saka ngumiti nang malapad. "Stress lang sa school, 'La. 'Wag niyo akong alahanin."
Bumuntong-hinga siya. "Pasensya na Laura, ha? Ikaw 'yong naiipit sa pagitan ng mga Tiyohin at Tiyahin mo. Sadyang walang mahanap na trabaho ang Tito Pol at Tita Karol mo. Saka nag-aaral pa sina Merivic at Reide."
"Ayos lang, 'La." Nagbaba ako ng tingin. "Nasanay na po ako. Saka, may trabaho na si Tito Pol kaya matutulungan na niya si Mama."
Nabigla ako nang maluha si Lola. "Laura, pasensya na kung naging pabigat kami sa 'yo ng Lolo mo, ha? Mahirap nang tumayo sa kalagayan kong 'to. Malabo na rin ang mata ng Lolo mo." Ngumiti siya. "Pero hayaan mo, dadating din ang oras naming dalawa. Kapag dumating ang araw na 'yon, tiyak kong makakawala ka na sa bigat ng pasanin."
"La..."
"Basta mag-aral ka nang mabuti, Laura. May natitira pa kaming pensyon ang Lolo mo. Magagamit mo 'yon kapag magkokolehiyo ka na."
"Lola -"
"Basta 'wag mong sukuan ang mga anak ko, Laura. 'Wag mong sukuan ang mga Tiyohin at Tiyahin mo. Kahit na palagi ka nilang pinagsasabihan pero lahat ng iyon ay para sa kapakanan mo.
Ayaw ng Tito Boy mo na maging magasta ka, ayaw ng Tita Karol mo na mapariwara ka kaya mahigpit siya sa 'yo. Ang Tita Merivic mo naman, gusto ka lang turuang maging responsable. Alam kong wala kang problema sa Tito Pol mo dahil mabait sa 'yo ang panganay ko. Samantalang ang Tito Reide mo naman..."
"Anong meron kay Tito Reide, 'La?"
Huminga siya nang malalim. "Hindi namin tunay na anak ang Tito Reide mo, Laura. Kaya siguro may pagkapasaway dahil ramdam niyang naiiba siya. Pero kahit na gano'n, mahal na mahal pa rin namin siya ng Lolo mo."
Napakurap ako. "Ampon po si Tito Reide?"
Tumango si Lola. "Natagpuan namin siya sa kagubatan. Kinuha namin siya at inaruga. Kapag dumating ang oras na mawawala na kami ng Lolo mo, sabihin mo sa kaniya ang totoo. At sabihin mong mahal na mahal namin siya."
"La..." Lumunok ako. "Para po kayong naghahabilin. 'Wag ho kayong ganiyan."
Ngumiti lang siya at marahang inabot ang tuktok ng ulo ko. "Kung magkakaroon man ako ng mga apo na hindi ko maabutan, 'wag mong kalimutang ikaw ang pinakapaborito ko sa lahat, Laura."
"L-Lola..."
"Simula nang mamatay ang tatay mo, pinakita mo sa akin kung gaano ka katatag. Nakita ko kung paano ka lumaban kahit na hirap ka nang ipanalo ang laban. Ramdam ko ang pagod mo pero hindi ka pa rin sumuko, apo. Salamat at patuloy ka pa ring lumalaban hanggang ngayon..."
Napalunok ako sa sinabi ni Lola at marahang napangiti. Inayos ko ang pagkakahiga niya saka nagpaalam na lalabas na ng kuwarto niya. Sinulyapan ko pa si Lolo na mahimbing na natutulog sa kabilang parte ng kama.
Lumabas ako ng kuwarto at dinala ang mangkok sa ibaba. Nakasalubong ko si Tito Reide sa kusina. Natigilan din siya nang makita ako. Ngumiti ako at nilampasan siya. Nagpunta ako sa lababo at hinugasan ang mangkok.
BINABASA MO ANG
Lonely Town of Shadows (Complete)
Teen FictionLaura Ashlee Alvaro thinks that she is living an unworthy life. She fails. She cries. She hopes no more. She knows that there is no way for her to be happy. That she is just a shadow lurking behind those sweet smiles of an angel. Until Hanson, her...