Chapter 16

43 10 0
                                    

Nakakagigil. Nalingat ako sa instructions kaya imbes isulat ang sagot sa gilid ng numbers ay binilugan ko ang letra ng tamang sagot. Hindi ko kasi alam! At kanina pa pinagsisiksikan ni Teacher ang tungkol sa rule... not following instructions means zero.

Ayun. Isang buong itlog nga ang isinulat ni Teacher sa class record. Kainis!

May usapan pa naman kami ni Hanson. Kailangan kong itaas sa eighty-five lahat ng grado ko this semester. Pero nakakainis kasi tatlong summative ang equivalent ng scores na 'yon. Tatlong set ng tests 'yon kaya alam kong malaking hatak pababa sa first quarter grade ko.

Humalumbaba ako at hinang napasandal sa puno. Pilit kong tinutuon ang atensyon sa naglalarong soccer players sa malayo. Pero hindi nakakatulong ang maalinsangang panahon para palamigin ang ulo ko.

"What's with that face, Ash?"

"Hans!" bulalas ko. Sinamaan ko siya ng tingin nang maupo siya sa tabi ko. "Kainis ka. Nagmamaktol ako rito."

"Ano na namang problema?"

"Kasi... zero ang nakuha kong score." Lumabi ako at nag-iwas ng tingin. "Tatlong set ng summative test ang ginawa kong itlog!"

Mas lalo akong nanlumo nang matawa siya. Tinapik niya ang balikat ko at natatawang nagsalita. "Do better next time, Ash."

Tumitig ako sa kaniya. "Kapag hindi eighty-five ang grado ko sa subject na 'yon, anong gagawin mo?"

"Nothing."

Naningkit ang mga mata ko. "Wala kang gagawin?"

"Uhuh. Hindi naman ako ang teacher mo para palitan ang nakasulat sa class record."

"Kunsabagay." Nagkibit-balikat ako. "Pero... hindi ka magagalit?"

"Why would I?" Natawa na naman siya. "You made your own grades. It's something out of my control. Besides..." Sumulyap siya sa akin. "People always break their promises. I'm not naive of that truth."

"Hans..."

Ngumiti siya. "Smile ka na. Hindi 'yan ang katapusan ng mundo."

"Pero..." Bumuntong-hinga ako. "Minsan lang ako mangako sa 'yo, hindi ko pa magawa."

"Pwede kang bumawi sa susunod. Kaya ngiti na. Nagmamaktol ang langit sa tuwing malungkot ka."

"Ha?" Napatingala ako sa kalangitan. Ngayon ko napansing natakpan ng makapal na ulap ang araw kaya hindi makalusot ang sinag. Bigla, naalala ko ang isanlibo sa bulsa ng skirt. Dinukot ko 'yon. "Ito pala 'yong isanlibo na inutang ko. Sorry, hindi ko nabigay sa 'yo no'ng nagkita tayo sa CLP. Nalimutan ko." Inabot ko sa kaniya ang pera.

"Keep it, Ash."

"Pero gusto kong isauli sa 'yo -"

"Just keep it. I don't need that but you do. So please." Tumitig siya nang mariin sa mata ko. "Keep it," bulong niya.

Napaiwas ako ng tingin sa kaniya at binaling ang tingin sa field. Sinilid ko ulit sa bulsa ang pera. Napangiti ako nang umihip ang malamig na hangin. Wala naman sigurong masama kung makikipagkaibigan pa rin ako kay Hanson? Nakikita kong... hindi siya tulad ng ibang mayayaman. Pwede naman siguro? Isa pa, ga-graduate na siya this year. Hindi ko na siya makikita kaya susulitin ko na lang 'to. Baka hindi ako makapag-enrol sa college at itong school year ko lang siya makakasama. Napahinga ako nang malalim.

Dahan-dahan akong bumaling kay Hanson at napakislot ako nang magtama ang tingin naming dalawa. Ilang minutong naghinang ang mga tingin namin. Dahan-dahan kong pinakawalan ang hininga. Sumandal ako nang maayos sa puno habang hindi inaalis ang titig sa mga mata ni Hanson.

Ngumiti ako. Ngumiti rin siya pabalik at inayos ang pagkakasandal sa puno para prente akong matitigan. Bumuntong-hinga ako dahil sa bilis ng tibok ng puso ko.

"Kung bibigyan ka ng pagkakataon..." Ginagap niya ang kamay ko at marahang pinisil. "... na ibalik ang nakaraan, anong babaguhin mo, Ash?"

Ilang segundo akong hindi makasagot sa kaniya. Tinantya ko muna ang mga salitang gustong kumuwala mula sa bibig ko, bago dahan-dahang pinakawalan ang hangin sa baga.

Gumanti ako ng pisil sa kaniya. "Kailangan bang may mababago?" Lumunok ako. "Baka kung babaguhin ko ang nakaraan, hindi kita makikilala."

"Ash."

Ngumiti ako. "Ikaw lang 'yong alaalang gusto kong balik-balikan, Hans. Ikaw 'yong dahilan kaya..." Nanlabo ang paningin ko. Mabilis akong lumunok para pigilan ang luhang tumulo mula sa mga mata ko. "... kaya pinagpatuloy kong lumaban sa buhay na 'to. Kasi sa totoo lang...

... matagal na akong sumuko, kung hindi lang dahil sa 'yo."


PINANOOD ko kung paano sumayaw ang mga kaklase ko. Malalawak ang mga ngiti nila. Kapansin-pansing naaaliw sila sa sayaw at mahinang tunog ng tambuli. Umiikot-ikot sila na parang isang beyblade, tapos sabay-sabay na huminto. Pumalakpak ang mga kaklase kong audience. Nakipalakpak ako.

Isa 'yong traditional dance ng Venansala. Physical Education ngayon at ang lesson namin ay tungkol sa cultural dance ng Venansala at karatig bayan. On the spot ang pagsayaw kaya tumuturo lang si Teacher kung sino ang gagaya sa naka-play na sayaw sa malaking flat screen.
Nabigla ako nang tinuro ako ni Teacher. Agad akong umiling. Hindi ko talaga hilig ang pagsayaw. Hindi talaga. Lalo na't ang weird ng sayaw na kasalukuyang naka-play sa flat screen.

Pero pinilit ako ni Teacher. Pinasayaw niya ako sa harap ng klase ng isang soaring eagle dance. Puro halakhakan ang natanggap ko mula sa mga kakalse ko. Napayuko ako.

"Men, laughtrip! May kaklase pala tayong ibon!"

"Gurl, you're funny!"

At naghalakhakan na naman sila. Pinatahimik sila ni Teacher pero hindi nawala ang kakatwang titig ng mga kaklase ko. Mas niyuko ko ang ulo habang dumadaan sa aisle patungo sa pinakadulong upuan. Hindi ko kaya ang mga titig nila.

Nang breaktime, agad akong lumabas. Imbes na sa canteen, dumiretso ako sa soccer field at naupo sa paborito kong puwesto. Tulala kong tinitigan ang malawak at berdeng soccer field na kumikinang sa ilalim ng araw.

Wala ang mga soccer players. Ihip ng hangin at ingay ng kulisap ang tanging naririnig ko. Pumikit ako nang mariin at bumuntong-hinga.

Bakit ba... palaging ganito?

Gusto kong umiyak pero masyado nang manhid ang puso ko. Wala akong ibang maramdaman sa mga oras na 'to kung hindi isang blankong emosyon.

Nakakatwa. Siguro nasanay na talaga ako sa sakit kaya hindi ko na kayang umiyak. Nasanay na ako sa bigat kaya hindi ko na kayang sumigaw nang impit. Nasanay na akong nag-iisa kaya... nandito ako, sa lugar kung saan mag-isa akong nakaupo... mag-isang inaahon ang sarili.

Inaahon? Saan?

Nagbaba ako ng tingin.

... pilit kong inaahon ang sarili mula sa kawalan ng pakialam kung masaktan man ako o hindi. Dahil tapos na akong sumubok na iahon ang sarili sa lungkot at pangungulila... kaya inaahon ko na naman ang sarili mula sa kawalan ng pakialam sa lahat ng bagay.

Hindi pwedeng mawalan ako ng pakialam kaso... huli na ang lahat. Hindi ko na halos ramdam ang puso ko dahil sa lamig na sumasakal doon.

Lonely Town of Shadows (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon