Pagkauwi ko sa bahay, sinturon ang sumalubong sa akin. Ilang masasakit na salita pa ang natanggap ko mula kay Mama, Tito Boy, at sa dalawa kong mga Tita. Nanatiling tahimik naman sina Tito Pol at Reide. Wala si Lola. Baka nagpapahinga na. Biglang may nilatag na asin si Tita Karol sa tiles.
"Luhod!" sigaw niya.
Nanlabo ang paningin ko at nanginig ang mga kamay ko sa kaba. Naiiyak akong tumingala sa kaniya. "T-Tita..."
"Sabing lumuhod ka! Diyan. Diyan sa asin!"
Dahan-dahan akong lumuhod. Ramdam ko ang hapdi nang lumapat ang mga tuhod ko sa sahig na binudburan ng asin. Napapikit ako at kinagat nang mariin ang ibabang labi.
"Karol," saway ni Tito Pol. "Sobra naman yata."
"Tingnan mo ang oras, Kuya. Alas-siyete na ng gabi! Alas-kuwatro ang labas nitong magaling mong pamangkin. Saan naman 'yan nagsusuot? Malamang lumalandi!"
"Karol," saway ni Mama. Nilagok niya ang isang baso ng tubig na inabot ni Tito Reide. "Pabayaan mo na 'yan, Kuya Pol. Lumagpas siya ng curfew kaya parusa niya 'yan. Halina kayo sa kusina. Isang oras pa siyang luluhod sa asin."
Sabay-sabay silang nagsialisan. Naiwan akong mag-isa sa sala. Mas lalo akong naluha. Sinapo ko ang bibig para hindi kumuwala ang isang hikbi. Nanginig ang tuhod ko habang patagal nang patagal ang pagkakaluhod ko sa asin. Halos hindi ko na ramdam ang dugong dumadaloy sa binti ko. Nanlalamig na ang talampakan ko.
Huminga ako nang malalim at humawak sa gilid ng sofa para alalayan ang bigat ng katawan ko. Kaunting oras na lang at tuluyang bibigay ang katawan ko sa hapdi. Pero hindi ako pwedeng umalis hangga't hindi natatapos ang isang oras. Mas lalo lang madagdagan ang sistensiya ko.
Napabuga ako ng hangin at paulit-ulit na lumunok. Sabi ng coordinator na sa susunod na mga araw, magiging puspusan pa ang practice. Kaya sa tingin ko, mas maganda kung magba-back out ako. Hindi ko pwedeng isugal ang curfew, baka hindi ko na kayanin sa susunod. Saka... gusto ko munang lumayo kay Hanson. Kung patuloy akong nagpa-practice, paulit-ulit ko lang siyang makikita. Pagod na akong humabol sa kaniya.
"Laura."
Napaangat ako ng tingin. Bumungad sa akin ang seryosong titig ni Tito Reide. Ngumiwi ako. "B-Bakit?" paos kong tanong. Umikhim ako para mawala ang bikig sa lalamunan ko. Pinahid ko pa ang luha sa pisngi ko.
Lumuhod siya para magpantay ang tingin naming dalawa. Inabot niya ang dulo ng hanggang dibdib kong buhok at inikot-ikot sa daliri niya. "Saan ka ba nagpunta? Alam mong may curfew ka."
"Nag-practice, T-Tiyo. Kasali ako sa pageant sa school."
Nangunot ang noo niya at nag-angat ng tingin sa akin. "Hindi mo sinabi sa Mama mo?"
"Kahit sabihin ko sa kaniya, hindi naman siya makikinig. Isa pa, bawal sa aking sumagot sa kanila habang pinapagalitan." Mapait akong ngumiti. "Ayos lang. Sanay na ako, T-Tiyo."
Tumaas ang sulok ng labi niya. Tumayo siya at dumukwang para buhatin ako.
"T-Tiyo -"
"Shhh. Ihahatid na kita sa kuwarto mo." Naglakad siya palapit sa hagdanan habang buhat-buhat ako. "May pinag-uusapan pa sila sa kusina."
"Pero baka pagalitan nila ako dahil -"
"Akong bahala."
Doon lang ako natahimik. Hinayaan ko siyang umakyat sa hagdan at maglakad papunta sa kuwarto ko habang binubuhat ako. Napatitig tuloy ako sa mukha niya. Seryoso siya at mariing magkalapat ang maninipis na mga labi. Bigla na lang siyang nagbaba ng tingin sa akin habang buhat ako. Nagtama ang tingin naming dalawa.
BINABASA MO ANG
Lonely Town of Shadows (Complete)
Teen FictionLaura Ashlee Alvaro thinks that she is living an unworthy life. She fails. She cries. She hopes no more. She knows that there is no way for her to be happy. That she is just a shadow lurking behind those sweet smiles of an angel. Until Hanson, her...