"BIANCA is Monti Jimenez's daughter. Hindi puwedeng basta ikulong ko siya sa attic at magkunwari tayong hindi siya nag-e-exist. Hahanapin siya ng mga tao. Ang problema, hindi mo rin siya puwedeng basta-basta iharap sa publiko, Borj. Siguradong ipapahiya niya at gagawing katatawanan ang pamilya mo at ang kompanya."
Nagsalin ng alak sa baso niya si Borj bago iniabot kay Cesar Rivera ang bote ng alak. Cesar Rivera was Borj's late father oldest friend and Jimcorp's company attorney.
Ito naman ang nagsalin ng alak sa baso nito. "Bianca is a sweet girl," pagpapatuloy nito. "Kaya lang, masyado yata siyang pinalaki sa layaw ni Diana. Nakita mo ngayon kung paano kumilos 'yong bata.
Ill-mannered, socially inept, or tomboyish--- all of which had, unfortunately, been applied to Bianca, his half sister. Hindi raw marunong makiharap sa mga tao ang kapatid niya, may mga salitang lumalabas sa bibig nito na hindi angkop sa estado ng pamilya nila.
Cesar Rivera was already fifty-five years old. Kaya hindi na siya nagugulat kung may pagkakonserbatibo man ang pamantayan nito sa dapat ikilos ng isang kabataang babae. Sigurado siya, mas maraming kaedad ni Bianca na dapat turuan ng magandang asal. Pero tama rin naman ang obserbasyon nito kay Bianca, may kagaspangan nga ang mga galaw at pananalita ng kapatid niya at kung patuloy nila itong ihaharap sa publiko nang hindi ito nagbabago, patuloy lang na mapapahiya ang pamilya nila. At kung gusto niyang mahinto na sa pagkutsa kay Bianca at sa pamilya niya ang mga kolumnista--- the first thing that came to his mind was Nelia Bugarin--- sa mga diyaryo na ang trabaho ay mangalap ng masasamang balita at mga baluktot na tsismis, kailangan na niyang kumilos.
Ayaw na niyang maulit ang nangyari noon na tuwing magbubuklat siya ng pahayagan, tabloid man o broadsheet, may nababasa siyang artikulo na ang intensiyon ay libakin ang pamilya nila dahil sa pagpapakasal ng kanyang amang si Monti Jimenez sa sekretarya nitong si Diana. Kahit sino ay nakakaalam, pati na ang pamilya nila, na pera ang tanging dahilan kaya pinakasalan ni Diana ang kanyang ama. Alam nilang alam din iyon ng kanyang ama ngunit bale-wala iyon dito. Hindi ito nakikialam sa walang habas na paglustay ni Diana ng pera. Everyday, an article mocking her and Monti would come out. Nababasa iyon ng kanyang ama ngunit tuwina, ngiti lang ang reaksiyon nito.
"Bakit sila nanggagalaiti sa mga ginagastos ni Diana?" minsan ay natatawa at naiiling na wika ng kanyang ama. "Pera ba nila ang nilulustay ng asawa ko?"
Hanggang sa ipasya ng kanyang ama na sa Amerika na muna manirahan kasama ni Diana at ng limang taong gulang na anak ng mga ito na si Bianca. Dalawampung taon pa lang siya noon pero siya na ang inatasan ng kanyang ama na magpatakbo sa higanteng kompanya nila. At habang pinaghihirapan niyang patakbuhin at lalo pang paunlarin ang kompanya ng pamilya, ang kanyang ama at ang mag-ina nito ay nakontento na lang sa paglilibot at pagliliwaliw sa buong mundo. Lumaki si Bianca na walang alam kundi ang maglibang at maglaro, at walang kahalubilo kundi ang mga yaya nito at ang mga alalay ng mga magulang nito.
Magtataka pa ba siya na sa edad na labinlima, wala pa rin itong kamuwang-muwang sa pagharap sa mga tao?
Napunta rin sa kanya ang pangagalaga kay Bianca pagkatapos masangkot sa isang aksidente sa sasakyan si Diana isang buwan na ang nakararaan. Ang kanyang ama ay ilang taon na ring namayapa.
"Si Yaya Medel, hindi ba puwedeng siya ang---"
"Yaya Medel is a housekeeper, Borj. Ang trabaho niya ay tiyakin na malinis at maayos ang bahay pati na ang mga isinusuot at kinakain n'yo. Ano ang alam niya sa pagtuturo ng etiquette at good manners sa isang teenager?"
"Yong mga tutor ni Bianca, siguradong---"
"Yong academic performance ni Bianca ang problema nila, Borj. Kahit may alam sila sa pagtuturo ng magandang asal, hindi ko pa rin sila bibigyan ng karagdagang trabaho dahil baka sa klase naman mapagtawanan ang kapatid mo."
BINABASA MO ANG
The Millionaire & His Lovely Miss Manners
RomanceKinuha ni Borj Jimenez and serbisyo ni Roni upang turuan ng magandang asal at tamang pagkilos ang dalagitang kapatid nito. At dahil kailangang agad-agad na matuto ang kapatid nito, kailangan niyang tumira sa bahay ng mga ito. Hindi ikinakaila ni Ro...