"WALANG biro, ipinatawag ka ni Borj Jimenez? The Benjamin Jimenez? Saka may kapatid pala siya ba't di ko alam 'yon?"
"Hindi ka kasi nagbabasa ng tabloid at ng mga society columns," sabi niya sa nasa kabilang linya ng telepono, ang pinsan niyang si Sunshine. Nabanggit din niya rito ang pagkadismaya niya na sa halip na kunin siya para maging bahagi ng Jimcorp, ang magturo kay Bianca ang magiging trabaho niya.
"Ang importante, nandiyan ka na," wika ni Sunshine. "You're the best in your field."
Napapangiti pa rin siya tuwing naririnig niya ang linyang iyon. Hindi naman sa gusto niyang magyabang, kumbinsido lang siyang totoo iyon kaya nga nanlulumo siya tuwing maiisip na kahit isang malaking kompanya ay hindi magkainteres sa kanya.
"Alam ko, kahit mga paa ang ginagamit ngayon sa pagkain ng sister ni Borj Jimenez, you'll turn her into a Jackie Onassis in three weeks. Sa ngayon makikita ni Borj kung ano ang magagawa mo para sa kompanya niya."
"Sunshine, ire-remind lang kita na atin-atin lang to ha," mahinang sabi niya sa pinsan nang marinig niyang may ibang tao na sa kinaroroonan nito. "Mapapahiya rin kasi si Bianca pag nalaman ng mga taong kailangan pa niya ng personal tutor para matuto ng magandang ugali at tamang pagkilos."
"Oo naman, Ate," sagot nito. "Guwapo ba talaga si Borj?"
Guwapo? He's the yummiest I've ever seen, gusto niyang isagot. Kaya lang kailan ba siya umamin ng pagkakagusto sa isang lalaki? Hindi gaya ng pinsan niyang si Sunshine na araw-araw ay iba ang natitipuhan. "Sunshine, ayan ka na naman."
"Gusto ko lang malaman kung deserved niya ang title na "Manila's Most Eligible Bachelor."
"Guwapo naman siya, deserved siguro niya iyon kahit paano," sabi niya bago muntik nang masamid. Parang may bumabara sa lalamunan niya tuwing nagsisinungaling siya.
"Seriously, anong klaseng tao siya?"
"Busy, that's the best word to describe him," she answered. "May kagaspangan nang kaunti ang ugali." Hanggang ngayon, naiinis siya tuwing maaalala na naghintay siya nang matagal bago ito nakausap gayong may appointment siya rito.
"Dapat pala pagkatapos mo sa sister niya, isunod mo siyang turuan." Humagikhik ang pinsan niya pagkasabi niyon.
"Sunshine, puwede ko bang dalhin muna diyan si Fluffy?"
"Bakit?"
"Hindi ko siya puwedeng isama sa bahay ng mga Jimenez," sabi niya.
"Kailan mo ba siya isinama sa bahay ng mga tinuturuan mo?"
"Iba ngayon. Hindi ako makakauwi nang tatlong linggo."
"Ano? Bakit?"
"Sa mga Jimenez ako titira nang tatlong linggo," sagot niya bago inilayo ang telepono sa tainga niya dahil sa biglang pagsigaw nito.
"Ano?! malakas na bulalas nito. "Magsasama kayo ni Borj Jimenez sa ilalim ng isang bubong sa loob ng tatlong linggo? Gusto mo bang mabasa ang pangalan mo araw-araw sa mga gossip columns? Pagpipiyestahan ka nila. Si Miss Behavior, ang babaeng nagtuturo ng good manners and right conduct, natutulog sa bahay ng isang lalaking hindi niya asawa at hindi niya kamag-anak? Gagawin nilang katatawanan ang propesyon mo."
"Kaya nga hindi natin ipapaalam sa kanila."
"Paano kung malaman pa rin nila?"
"Madali kong maipagtatanggol ang sarili ko," sabi niya. "May sarili akong kuwarto, kasama namin sa bahay si Bianca, at siguradong marami silang katulong sa bahay. Maipapaliwanag ko na kailangan lang talagang nasa tabi ako ni Bianca sa bawat oras. Mabilis lang ang three weeks. Bago makatunog ang mga tsismoso't tsismosa na may magandang dalagang natutulog sa bahay ng Manila's most eligible bachelor, tapos na ang kontrata ko at nakauwi na ako sa sarili kong bahay kasama si Fluffy. Saka, kailan ka pa nagkaroon ng pakialam sa iisipin ng ibang tao?"
BINABASA MO ANG
The Millionaire & His Lovely Miss Manners
RomanceKinuha ni Borj Jimenez and serbisyo ni Roni upang turuan ng magandang asal at tamang pagkilos ang dalagitang kapatid nito. At dahil kailangang agad-agad na matuto ang kapatid nito, kailangan niyang tumira sa bahay ng mga ito. Hindi ikinakaila ni Ro...