Keno’s Profile (Link 2 of 6)
Ngayong may idea ka na tungkol sa aking totoong pagkatao at kung saan ba talaga ako nanggaling, pag-usapan naman natin ang tungkol sa iyo. Oo, ikaw na nagbabasa ngayon ng blog ko. Hindi isang aksidente na na-access mo ang blog account na ito at nabasa ang mga nakatagong nilalaman nito. Isang tao lang ang maaaring makabasa nito: ang nag-iisang anak nina Ges (a.k.a. Kyle) at Shey (a.k.a. Kelly) --- ikaw iyon.
Mahabang kwento. Para maintindihan mo, mas makakabuting alamin mo muna ang misteryo ng pagkatao ng iyong mga magulang. Alam kong mahirap paniwalaan. Pero ikaw talaga ang nakatakdang magliligtas ng sangkatauhan mula sa kamay ng makapangyarihang kampon ng kadiliman, ang Gamma Maxima. Si Mang Dador ang naghanda ng mga kakailanganin para sa misyong ito. Ako naman ang itinakdang magsimula nito at siguraduhing mapagpapatuloy mo ito para harapin ang pagdating ng totoong apocalypse: ang buong pwersang pagsalakay ng Gamma Maxima.
Nabanggit ko na sa unang hidden note ko na ako at si, Genesis ‘Ges’ Aquino, ay iisa. Pero kahit iisang tao lang kami, magkaiba kami ng naging tadhana. Ako ang nakatadhanang magliligtas sa kanya at sa iyong ina. Siya naman ang nakatadhanang maging ama ng taong tatapos sa digmaang ito. Inuulit ko, ikaw ang taong iyon. May mabigat kang tungkulin. Kaya dapat lawakan mo ang iyong isipan para diskubrehin ang totoong nangyari sa nakaraan --- o ang kasalukuyang panahon na binabasa mo ang blog na ito.
Sa mga sandaling binabasa mo ito, kakaampon lang ni Dr. Onibas kay Shey at ni Ms. Linao kay Ges. Kakalipat lang rin nila sa kanya-kanya nilang bahay na magkatabi lamang. Ngayon rin ang panahon kung kelan unang naging operational ang hidden data center ni Mang Dador kaya nagkaroon ulit ng access sa blog na ito matapos kong i-deactivate ito ilang segundo paagkatapos ng unang paghasik ng lagim ng Gamma Maxima. Pero dahil sa ibang parallel universe ka namin pinadala, huwag mong asahang darating ako sa taong 2019. Ang mga makikilala mong Ges at Shey ay kagaya rin nina Kyle at Kelly at wala rin silang kaalam-alam tungkol sa akin at sa misyon mo. Kaya kagaya ko, nararapat lang na isekreto mo muna ang iyong mga nababasa sa blog na ito.
Si Ges (at ako) ay apo ni Artemio, ang taong naging npinuno ng Gamma Maxima sa bansang ito. Para masakatuparan ang kanyang pagiging imortal na tagapaglingkod ng kanilang panginoon, kinailangan niyang isakripisyo ang buhay ng isang magkasintahan na pinakamalapit sa kanya --- walang iba kundi ang mga magulang ng ama mo. Alam na ito ni Lolo Gregorio mo kaya minabuti niyang lumayo kayo bago pa sumalakay si Artemio at ang kanyang hukbo ng kadiliman. Noong una, inakala nilang matagumpay silang nakatakas sa kamay ng mga nagbabalak na patayin sila para gawing alay. Pero nagkamali sila.
Taong 2004, hindi nila inaasahan na ang dapat sanang masayang selebrasyon nila ng unang kaarawan ng iyong ama ang magiging huling araw na makakasama nila si Ges, ang iyong ama. Sa mga sandaling iyon, kasama ng lola Mineya mo ang kanyang bestfriend na si Felly, ang ina ni Shey at sa madaling salita, ang lola mo sa mother’s side. Kahit saang parallel universe ka pumunta, magaganap at magagganap ang pangyayaring iyon dahil sina Ges at Shey ay nakatakdang lumaking kasama ang isa’t isa. Saka ko na ikukwento ang tungkol sa mga magulang nila.
Ayon sa diary ng lola mo, parehong volunteer sila ni Felly sa isang bahay ampunan at madalas nilang dinadala ang kani-kanilang anak. Wala kasing magbabantay kay Ges habang nasa trabaho ang kanyang ama. Lalo naman si Shey dahil biglang nawala ang kanyang ama noong pinagbubuntis pa lamang siya ng kanyang ina. Saka na lamang nalaman ni Felly na sumapi pala sa Gamma Maxima ang kanyang asawa na kalauna’y nilinlang siya para matunton sina Gregorio at Mineya.
Sa tulong ni Kuya Baste (a.k.a. Teban) at ng sulat ni Mang Dador, napag-alaman kong hindi lang pala para gawing alay ang mga magulang ni Ges kaya sila pinapatay ni Artemio. Inakala pala ng Gamma Maxima na ang mag-asawa ang itinakdang pipigil sa kanilang paghahari sa mundo. Hindi nila alam, sina Ges at Shey ang tinutukoy sa propesiya. Mabuti na lang at hindi nila naisipang patayin pati ang mga walang kamalay-malay na mga sanggol noong araw na sumalakay sila sa bahay ampunan. Masyado kasi silang nag-focus sa pagpatay kina Gregorio at Mineya at sa iba pang mga nasa early 20s na lalaki at babae sa lugar na iyon.

BINABASA MO ANG
Sa Tukador ni Mang Dador
Mystery / ThrillerPagpasok ng unang araw ng taong 2020, kasabay ng mga paputok at mga naghihiyawang tao, ay ang pagdating ng isang malawakang catastrophic event. Bagong taon, bagong mukha ng mundo. May iilang survivors pero unti-unti rin silang mamamatay dahil sa nap...