Link 5 of 6 (Kami)

82 7 0
                                    

Keno's Profile (Link 5 of 6)

Kamakailan lang, excited kong ibinalita sa blog ko na sinagot na ako ni Fina (si Ms. Genny 'yun). Sobrang nagpapasalamat ako at nangyari iyon, hindi lang dahil naging kami, kundi dahil nagkaroon ako ng pagkakataon na makasama siya sa huling mga taon ng aming buhay. Bakit nga ba siya ang itinadhanang maging kasintahan ko?

Ang totoo niyan, walang nakatadhana para sa akin at ganun din sa kanya. Ngayon ko lang ito nalaman kaya medyo mahirap pa ring tanggapin. Hindi dapat nag-eexist ang love story naming dalawa kaya isang bagay lang ang tiyak na mangyayari --- darating ang araw na mawawalay rin kami sa isa't isa. Pero hindi ako nawawalan ng pag-asa. Kahit susubukan kong tanggapin ang katotohanan, hindi pa rin ako titigil sa paghanap at paggawa ng paraan para ibahin ang nakatadhana sa amin kagaya ng pag-iba ko sa naging tadhana ng mga totoong magulang mo (kaya nababasa mo ngayon ang lahat ng mga pinagsusulat ko). Balik muna tayo sa totoong mundo ko sa taong 2016.

Kung naaalala mo, nabanggit ko na sa 'yo na dating teacher namin si Ms. Genny. Siya ang favorite namin ni bestfriend Shey dahil bukod sa natatanging galing niya sa pagturo ng math, may malasakit at pag-intindi pa siya sa bawat estudyante niya. At napakaganda pa niya! Naging malapit kami sa isa’t isa noong ako ang napiling representative ng school namin sa National Math Quiz Bowl at siya naman ang naging coach ko. Naging masaya ang bawat pagtuturo niya sa akin. Maliban sa mga tips sa pag-solve ng math problems, ibinahagi niya rin sa akin ang ilang mahahalagang aral sa buhay.

Kay Ms. Genniva Orrieta ako natutong magpahalaga ng oras sa pamamagitan ng paggawa ng kahit anong kapaki-pakinabang sa bawat dumadaang 86,400 seconds ng ating buhay. Sabi pa niya, "Di bale nang magkalayo kayo ng isang tao dahil hanggang may sapat na oras kayo sa isa't isa, hindi sapat na hadlang ang milya milyang distansya para maipagpatuloy ang ugnayan ninyong dalawa.". Tama nga naman. Kahit malayo ang isang lugar, magagawan at magagawan mo ng paraan para mapuntahan at balik-balikan ito. Paano naman ang panahon? Kayo mo bang mamili ng pupuntahan at babalik-balikang panahon? Oo, kung isa ka sa mga taong walang kaluluwa... O di kaya, kung makakapasok ka sa tukador ni Mang Dador.

Lalong napalapit kami ni Shey sa aming favorite teacher nang kaming dalawa ang napiling pambato ng school namin sa isang quiz show na pinapalabas sa national TV. Dahil nga sa kanyang nangingibabaw na galing sa pagtuturo, si Ms. Genny na naman ang napiling coach para sa amin. Nanalo kami sa contest at iyon ang naging daan para mas makilala namin ang aming teacher sa kanyang personal na buhay. Hindi niya tinanggap ang binigay naming parte niya sa napanalunan namin. Kung gusto daw talaga naming magbigay sa kanya, idadagdag na lang daw namin sa naipong pondo niya para sa ipamimigay niyang pamasko sa mga bata sa ampunan at sa mga pasyente sa pampublikong ospital na walang pantustos sa kanilang pagpapagamot.

Nakakabilib talaga ang aming favorite teacher. Malaki ang naging impluwensya niya sa amin ni Shey. Kahit sobrang nasaktan siya noong tuluyang natapos ang relasyon nila ng boyfriend niya, nanatili siyang matatag at isang mabuting halimbawa sa mga taong nakakasalamuha. Hindi niya hinahayaang masayang ang kanyang oras sa pagmumukmok. Sa halip, ibinuhos pa niya lalo ang kanyang oras at passion sa pakikipagkapwa-tao nang walang inaasahang kapalit. Lubos na masaya na siya sa bawat ngiting nakikita sa mga taong tinutulungan niya. Ako naman, nanatiling may lihim na pagtingin sa kanya. At wala akong kaalam-alam, ang bestfriend kong si Shey naman ang may lihim na pagtingin sa akin. Pero pareho naming pinahalagahan ang aming pagkakaibigan kaya kahit may mga ganoon kaming nararamdaman, nanatili kaming tapat at may malasakit sa isa’t isa.

Sa Tukador ni Mang DadorTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon