ABALA si Ged sa pag-aayos ng mga paninda niya, nang mapadako ang mga mata niya sa calling card na inabot sa kanya ni Menchu kanina pagdating niya doon. Ayon dito, babalik daw ito ngayon araw.
Hanggang ngayon ay nahihiwagaan pa rin siya sa pakay ng mga ito sa kanyang Tatay. Halata naman na hindi pa alam nito na pumanaw na ang hinahanap nila. Marahil kaibigan ito nito, kaya malamang kaedad ito ng Tatay niya. Sumilip siya sa puwesto ng kaibigan.
"Menchu, anong oras ba daw babalik 'yung mga pumunta dito?" tanong pa niya dito, sabay taas ng hawak niyang calling card.
"Ewan ko. Wala naman silang sinabi. Basta babalik daw." Sagot nito. "Bakit? Excited kang makita kung gaano kaguwapo no?"
"Hindi ah! Baka lang kasi may utang sa kanila si Tatay. Kapag ganoon, patay talaga ako!" sagot niya.
"Promise, te! Hindi sila mukhang naniningil ng utang."
"Nga pala, sana sinabi mo nang patay na sila Tatay." Aniya.
Umiling ito. "Eh hindi naman nagtanong eh." Katwiran nito.
Nasapo niya ang noo, sabay iling. "Hay naku, Menchu! Sana sinabi mo na kahit hindi tinanong!" tungayaw niya dito.
"Eh nakalimutan ko nga! Shoo! Huwag mo akong kausapin!" Singhal nito sa kanya saka siya pabirong tinaboy.
Natawa na siya dahil mukhang naiirita na talaga ito. Pinagpatuloy na niya ang pag-aayos ng mga paninda niya. Ilang sandali pa ang lumipas ay may pumaradang isang magarang sasakyan sa tapat ng puwesto niya. Napakunot noo siya, sabay lapad ng ngiti. Halos mapanganga nang makita niya kung anong klase ang kotse iyon. Alam niya iyon, nakakita na niya ang modelo na iyon sa isang magazine, isang kulay silver gray Audi r8 sports car. Malapad siyang napangiti. Mukhang maganda ang umpisa ng araw niya, dahil sa ganda ng kotseng iyon. Malamang pakyawin ng mga ito ang tinda niya.
Agad niyang hinanda ang pamatay niyang ngiti, inayos pa niya ang buhok niya para mas magmukha siyang presentable sa bonggang customer niyang iyon. Bumukas ang pinto sa passenger's side at bumaba doon ang isang lalaking guwapo. Nakasuot pa ito ng sunglasses, pero hinubad din nito iyon ng maisarado na nito ang pinto. Agad na lumipad sa kanya ang tingin nito. Unti-unting nawala ang ngiti niya nang tumingin ito sa kanya na seryoso ang mukha.
"Miss Giody Marcelo?" anito paglapit sa tindahan niya.
"Oo, ako nga. Kilala ba kita?" sagot niya.
Hindi agad ito sumagot. Nabaling ang tingin niya nang mula sa driver's side ay bumaba ang isang lalaking mas guwapo pa sa kaharap niya. Wala sa loob na napanganga siya, kasabay ng malakas na pagkabog ng dibdib niya. Para siyang nakakita ng Live Apparition. Para itong machong anghel na nagkatawan tao, at nagniningning sa liwanag. Nailapat niya ang palad niya sa tapat ng puso niya. Wala pa rin tigil iyon sa pagpintig ng mabilis.
Napalunok siya nang tanggalin din nito ang suot nitong sunglasses. Napako ang mga mata niya sa guwapong mukha nito, partikular na sa mga mata nito. He has coal black pair of eyes. Mga matang puno ng misteryo, iyon agad ang pumasok sa isip niya.
"Good Morning," bati nito paglapit.
"Ha?" usal niya habang nakatulala pa rin. Tama si Menchu, ay hindi, mali ito. Ang sabi lang nito, guwapo. Pero ang totoo, napaka-guwapo nito.
"Miss Giody Marcelo? Ikaw 'yon di ba?" tanong ng lalaking aparisyon.
Tumango lang siya. Ang naunang lalaki ang nagsalita ulit.
BINABASA MO ANG
Car Wash Boys Series 12: John Michael Lombredas
RomanceI'm not an expert in talking about matters of the heart, all I know right now is I'm in love with you. Do I still need to explain that? Or will I just kiss you to prove it? Teaser: Isang simpleng tindera sa tiangge si Ged. Ang pangarap niya ay yuma...