TATLONG buwan ang matulin na lumipas. At sa loob ng mga panahon na iyon, tuluyan nang nagbago ang takbo ng buhay ni Ged. Ngayon bukod sa pag-aaral, naging abala na rin siya sa training niya kay Gogoy hinggil sa kung paano niya mapapatakbo ng maayos ang negosyong iniwan ng Lolo Fred niya. At hanggang ngayon, nahihirapan pa rin siya. Isa lang ang konsulasyon niya sa pagpayag na pag-aralan ang lahat ng iyon, ang madalas na nakakasama niya ang lalaki na sa pagdaan ng mga araw ay unti-unti nang nagkakaroon ng espesyal na puwang sa puso niya.
Sa Unibersidad na pinapasukan niya, naging madali para sa kanya ang makahanap ng mga kaibigan. May mga ilan na lumalapit sa kanya dahil pag-aakala ng mga ito na girlfriend siya ni Gogoy. Kung ibang babae siguro siya, maaari niyang samantalahin iyon at patuloy na magpanggap. Pero hindi siya ganoon, kailangan niyang sabihin ang totoo. Ngunit aaminin din niya na sa pinakasulok na bahagi ng kanyang puso, naroon ang mumunting panalangin na sana'y sila na nga talaga.
"Bye Ate Ged! See you tomorrow!" paalam ng mga classmates niya pagbaba niya ng kotseng naghatid sa kanya.
"Bye! Ingat kayo sa pag-uwi." Sagot niya sa mga ito.
"Ged, I'll text you later, okay?" sabad naman ng Professor nila na hayagan na nagpapakita ng interes sa kanya sa kabila ng pagtanggi niya. Tango lang ang sinagot niya dito pagkatapos ay kumaway siya nang umalis na ang sasakyan.
Papasok pa lang siya sa bakuran ng bahay ni Lolo Badong nang salubungin siya ni Marisse.
"Ay grabe, bakit ngayon ka lang?" bungad nito sa kanya.
"Eh lumabas kami ng mga classmates ko. Bakit?"
"Lagot ka sa Tatay mo! Nakasimangot na! Hindi ka daw kasi nagpaalam!" anito, sabay palupot ng isang braso nito sa braso niya saka siya hinila papasok ng bahay.
Napakunot-noo siya, saka malalim na napaisip. Tatay? Hindi niya makuha ang sinasabi nito.
"Sinong Tatay ang sinasabi mo?" nagtataka pang tanong niya.
"Eh di sino pa nga ba?" sagot nito, sabay nguso kay Gogoy na nakaupo sa sofa sa lanai habang bahagyang salubong ang dalawang kilay nito at nakapikit.
Natutop niya ang bibig, naalala niya. Hindi pala siya nakapagpaalam dito, na-lowbat kasi ang cellphone niya kaya hindi niya ito nai-text kanina. Siguradong sisitahin na naman siya nito. Tama si Marisse, para nga itong Tatay niya kung makaasta sa kanya.
"Shhh! Huwag kang maingay. Baka magising, sesermunan ako n'yan." Bulong pa niya kay Marisse.
Tumango lang ito, pagkatapos ay dahan-dahan silang humakbang papasok ng bahay. Nagulat pa siya ng biglang magsalita ang inakala niyang tulog.
"Saan ka galing?" pormal ang boses na tanong nito.
Napahinto siya, saka tumayo ng tuwid. Si Marisse naman ay mabilis pa sa alas-kuwatro na nawala sa tabi niya.
"Uh, ano. Wala, nag-dinner lang kami ng mga classmates ko." Sagot niya.
"Bakit hindi ka nagte-text?" pormal ang mukha na tanong na naman nito.
"Eh, na-lowbat ako eh."
"Bakit hindi mo chinarge bago ka umalis kanina?"
"Eh kasi..." napahinto siya, sabay simangot dito. Humalukipkip siya, saka nilapitan ito. "Sandali nga! Nakakahalata na ako ah? Bakit ba ganyan ka makatanong?" tapang-tapangan na singhal niya dito.
Bumuntong-hininga lang ito saka siya tinitigan sa mga mata. Hinintay niyang magsalita ito, ngunit nanatili lang itong nakatingin sa kanya. Mayamaya, ito na mismo ang umiwas ng tingin.
BINABASA MO ANG
Car Wash Boys Series 12: John Michael Lombredas
RomanceI'm not an expert in talking about matters of the heart, all I know right now is I'm in love with you. Do I still need to explain that? Or will I just kiss you to prove it? Teaser: Isang simpleng tindera sa tiangge si Ged. Ang pangarap niya ay yuma...