CHAPTER FIVE

5.4K 120 24
                                    

MULA sa kinauupuan niya sa gilid ng kama. Sumulyap si Ged sa panyo na nasa ibabaw ng bedside table. Napangiti siya. Isang simpleng eksena ang tanging nakapaloob sa piraso ng tela na iyon. Iyon ang panyong pinamunas niya sa mukha ni Gogoy nang araw na abutan sila ng ulan. Hindi rin niya maintindihan kung bakit kailangan mabulabog ang puso niya sa simpleng tagpo na iyon. Kung tutuusin, wala naman talagang espesyal sa piraso ng telang iyon. Ngunit ang magandang alaala na nabuo kasama niyon, that what makes it special.

Halos mahigit tatlong buwan na ang nakakalipas simula nang dumating siya sa Tanangco at tumira sa piling ng mga Mondejar. At sa loob ng maikling panahon na iyon, tila bumaliktad ang ikot ng mundo para sa kanya. Parang kailan lang pinagdasal niya na sana ay yumaman na siya. Ngayon, heto na siya. Isang ganap na heridera ng yaman ng Lolo niyang hindi man lang niya nakilala. Nabibili ang lahat ng nais niya. Kung noon ay puro sa tiangge at ukay ukay siya bumibili ng mga damit niya, ngayon puro branded na ang karamihan ng gamit niya. Napupuntahan ang lahat ng gusto niyang puntahan. Hanggang sa mga sandaling iyon, parang isang panaginip lang para sa kanya ang lahat ng pangyayaring iyon sa buhay niya. At sa lahat ng kaganapan na iyon, isang tao lang ang nanatili sa kanyang tabi. Si Gogoy. Ginampanan na nito lahat. Bodyguard. Teacher. Guardian. Kulang na lang ay maging Nanay at Tatay na rin niya ito. Natawa siya sa huling naisip. Hindi niya ma-imagine na maging magulang niya ito, mas gusto pa niyang maging boyfriend ito. Naks! Crush niya si Gogoy! Tudyo ng isang bahagi ng isip niya.

Napatayo siya ng wala sa oras. "Hindi ah!" napalakas ang boses na sagot niya. Eksakto naman na bumukas ang pinto ng kuwarto niya at pumasok doon si Lola Dadang.

"Hija, ayos ka lang ba?" tanong nito.

Agad siyang napangiti, bago tumikhim ng malakas para umayos ang takbo ng isip niya. "P-po? Ah, opo Lola!" sagot niya.

"Akala ko kung ano na nangyari sa'yo dito. Kanina pa ako kumakatok eh, hindi ka sumasagot. May problema ba, hija?" tanong nito.

Napakamot siya sa ulo. "Naku eh, wala po. May iniisip lang. Pasensiya na po." Sabi pa niya.

"Ay, halina't lumabas ka na diyan at nang makapag-almusal na. May lakad pa yata kayo ni Gogoy." Sabi pa nito.

"Naku Lola, nakakahiya naman. Kayo pa po ang tumawag sa akin, sana po ay si Inday na lang." sabi pa niya.

"Aru! Ikaw na bata ka, walang problema sa akin 'yon."

"Teka po? May lakad daw kami ni Gogoy? Talaga? Saan daw po?" sunod-sunod na tanong niya.

"Walang sinabi, ang mabuti pa'y lumabas na tayo at masamang pinaghihintay ang pagkain." Anito.

Lumabas na sila ni Lola Dadang ng kuwarto niya saka sabay silang pumunta sa dining area. Pagdating doon, naabutan nila ang ilan sa magpipinsan. Si Jester, Karl, Wayne, Mark, Marvin at si Gogoy.

"Good Morning!" nakangiting bati sa kanya ng huli.

"Good Morning din," sagot niya.

"Wow ah, ang sigla ng pagkakabati mo kay Ged!" puna ng pinsan nitong si Karl.

"Oo nga no? At himala hindi ka nakabusangot ngayon?" dagdag naman ni Jester.

"Bakit kapag sa amin palagi kang nakasimangot? Ibig sabihin, may gusto ka kay Ged kaya ka ngumingiti sa kanya?" walang preno naman sabi ni Marvin.

"Naks! Si Gogoy, umiibig na naman!" direktang panunudyo sa kanya ni Wayne.

Nawala ang ngiti nito, saka seryosong tiningnan ang mga pinsan. "Don't start," anito na may halong utos.

Car Wash Boys Series 12: John Michael LombredasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon