NAPUNO ng pagkamangha si Ged nang pumasok sa isang malawak na bakuran ang kotseng sinasakyan nila. Pagbaba nila, lalo siyang namangha dahil tumambad sa harap niya ang isang mansiyon na maihahalintulad sa bahay noong panahon ng mga Kastila. Mula sa main door ay lumabas ang isang matandang lalaki, kasunod nito ang isang matandang babae na marahil ang asawa ng una at akay naman ito ng isang magandang babae. Kasunod naman nito ay isang grupo ng mga lalaking pawang naggaguwapuhan din.
Napakunot noo siya saka lumingon kay JM at Miguel. Bakit wala siyang makitang pangit doon? Nang magpaulan yata ng grasya ng kaguwapuhan at kagandahan ang langit, walang dalang payong ang mga ito. Naputol ang pag-iisip niya nang lumapit sa kanya ang matandang lalaki.
"Ikaw nga ba ang anak ni Ferdinand?" tanong pa nito.
Ngumiti siya dito. "Opo. Ako nga po." Sagot niya.
Kinuha nito ang kamay niya saka tila tuwang tuwa na kinamayan siya. "Salamat at pinaunlakan mo ang paanyaya ko." Sabi pa nito.
"Naku, wala pong anuman. Gusto ko rin po malaman ang tungkol sa buhay at Pamilya ng Tatay ko." Aniya.
Agad niyang napansin ang paglungkot ng mukha nito nang banggitin niya ang Tatay niya. Marahil nasabi na ng dalawa ang tungkol dito.
"Patawarin sana ako ni Fred. Nahuli ako sa paghahanap sa inyo." Malungkot na wika nito. Nagkatinginan sila ni JM.
"Lolo, huwag n'yo na po isipin 'yon. Ganoon talaga buhay, nagkataon lang na expired na Tatay ko sa mundong ito. Saka sigurado ko naman magkasama na sila ng Lolo ko, malamang nga po naglalaro na ng Chess ang dalawang iyon." Pag-aalo niya dito na may kasamang biro. Sinadya niya iyon upang pagaanin ang loob nito.
Napangiti naman ang matanda. "Palabiro ka pa lang bata. Ang mabuti pa ay pumasok na muna tayo sa loob at nang makapagpahinga ka."
Tumango siya. "Sige po." Pagpayag niya. Binalingan nito ang mga kalalakihan na nakatayo sa bandang likod nito.
"Everybody in the Dining Area," utos nito.
Agad na tumalima ang mga kalalakihang sinabihan nito. Pagdating doon, pinakilala ni Lolo ang mga ito sa kanya.
"Lolo Badong ang itawag mo sa akin. Ito naman ang aking pinakamamahal na si Dadang, ang aking asawa. Sila naman ang mga apo ko, ang dalawang sumundo sa'yo ay mga apo ko rin." Pagpapakilala pa nito. Isa-isa rin nagpakilala ang mga apo nito.
Ramdam ni Ged ang magaan na dating ng mga ito. Maging ang mainit na pagtanggap ng mga ito sa kanya base sa ngiti ng mga ito. Isa lang sa mga ito ang tanging nakapormal at seryoso ang mukha. Si John Michael. Mataman itong nakatitig sa kanya na tila ba gusto siyang balatan ng buhay nito malayo sa magaan na pakikitungo nito sa kanya kanina. Pero kahit na ganoon ang pinapakita nito sa kanya, hindi naman siya nakakaramdam ng takot dito. Sa katunayan, naiintriga pa nga siya sa pagkatao nito. Nang magkaroon siya ng pagkakataon kaninang matitigan ng malapitan ang mga mata nito. Sa kabila ng pagngiti nito, nababanaag niya ang kalungkutan doon. Naputol ang pag-iisip niya nang magsalita ang kaisa-isang babae sa magpipinsan na nakilala niyang si Marisse.
"So, may boyfriend ka na?" tanong pa nito habang nakangiti.
Bahagya siyang nagulat sa personal na tanong nito. "H-ha? Ah, wala pa." kandautal na sagot niya, sabay sulyap kay JM na nakatingin pa rin sa kanya. Nagsisimula na siyang mailang, agad naman niyang binawi ang tingin mula dito.
"Kung makatanong ka ah? Huwag mo ngang takutin si Giody." Saway ng lalaking kamukha ni Marisse na nagpakilalang Marvin.
"Ah, Ged na lang. Iyon ang nickname ko." Sabi niya.
BINABASA MO ANG
Car Wash Boys Series 12: John Michael Lombredas
RomanceI'm not an expert in talking about matters of the heart, all I know right now is I'm in love with you. Do I still need to explain that? Or will I just kiss you to prove it? Teaser: Isang simpleng tindera sa tiangge si Ged. Ang pangarap niya ay yuma...