Epilogue I

310 10 0
                                    

EPILOGUE I

"'Musta? Akala ko patay ka na?"

Hindi ko pinansin ang bungad na bati sa akin ni Papa at lumapit na lamang upang magmano.

"Kaawaan ka ng Diyos. Nagugutom ka ba?" Aniya, agad siyang tumayo at nagtangkang papasok sa loob ng aming bahay.

Umiling ako at nginitian siya. "Ako na, Pa. May pupuntahan ka ba ngayon?"

Pinagkunutan niya ako ng noo na tila ba nainis siya sa itinanong ng anak niya. "Pinaglololoko mo ba ako? Matapos kong magulat na makitang bumaba ka ng sasakyan ay itutuloy ko pa ba ang lakad ko kung mayroon man?"

Tinawanan ko siya, para siyang bata na nagmamaktol dahil pakiramdam niya ay isinasantabi ko siya. Tinapik ko ang kaniyang balikat habang nakangiti pa rin.

"Sige, pagkatapos ko kumain, samahan mo ako." Sabi ko.

Bumalik siya ng upo at hinagod ang kaniyang mamahaling manok na iniregalo ko lang rin naman sa kaniya. "Saan mo naman ako dadalhin?" Tahimik niyang pagtatanong.

Hindi man niya isatinig, alam kong umaasa siyang ipapasyal ko siya o kung ano pa man. Ngunit tila mas gaganda sa pandinig niya ang ibabalita ko.

"Mamamanhikan tayo sa mga Samonte, Pa. Samahan mo ako."

Sunod-sunod na tilaok ng mga manok ang narinig ko. Masid ko ang pagkagulat sa postura ni Papa at ang manok na hawak niya ay tumalon na sa kaniyang paa. Pakiramdam ko ay maging ang mga alaga niya ay nagulat sa anyaya ko.

Itinikom ko ang aking labi at hinayaan muna si Papa na tanggapin ang sinabi ko. Tumuloy ako sa loob ng bahay namin sa Mille Luce.

Pagod kong inilapag ang mga bag ko sa tabi ng pinto ng aking kuwarto at dumiretso na agad sa aking kama para humilata.

Hindi ko mapigilang mapaungol ng malakas nang malasap ang napakasarap na pakiramdam ng malambot na kutson sa aking likuran. Kay tagal kong hindi natulog sa malambot na higaan, puro sa lupa o kahoy ang pahinga ko.

Nakapikit kong dinukot ang cellphone sa bulsa ng aking pantalon. Bumungad sa aking pagdilat ang mensahe ni Adira na nakapagpangiti kaagad sa akin.

Walang palya, mahal.

"I'll wait for your message, or call me when you get home in Mille Luce." Basa ko sa aking isipan.

Hindi muna ako nag-reply at muling pumikit. Inalala ko ang mukha ni Adira. Sa totoo lang ay hindi ko rin alam ang sasabihin sa kaniya. Baka nagagalit na pala iyon sa akin o may hinanakit na.

Noong araw na sinuotan ko siya ng singsing ay nakatanggap ako ng tawag mula sa kampo na kailangan naming umalis doon matapos ang ikalawang buwan.

Napakahalaga ng deployment namin sa Tarlac. Naging paraan iyon para magkaroon ako ng tsansa na ma-promote. Pinaghihinalaan na nandoon ang kuta ng pinakamalaking dealer ng iba't-ibang uri ng medisina. Napasabak kami sa gulo nang magkaroon sila ng kasabwat na hindi namin inaasahan.

Tumagal ng isang taon at mahigit ang bakbakan sa pagitan namin. Hindi na naging tugma ang palitan namin ng mensahe ni Adira. May mga oras pa na hindi ako puwedeng gumamit ng telepono at madalas ay dead battery ang cellphone ko dahil hindi ko magawang i-recharge.

Sa pagkakaalam ko ay ipinalabas ang balita na iyon sa mga news channel maging sa mga pahayagan kaya paniguradong natakot ko sina Papa at Maeve sa maaaring lagay ko roon.

Nagsimula akong matakot dahil baka sa dami ng lugar na napuntahan niya at sa dami rin ng taong makakasalamuha niya ay may makapagsabi sa kaniya na huwag na akong hintayin. Baka magsimula siyang isipin na mas karapat-dapat siya sa buhay na hindi ko kayang ibigay sa kaniya.

Forlorner: Fill The Space #Wattys2019Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon