MASAKIT pa rin ang katawan ni Aries dahil sa pagkakabugbog ni Lucas. Bakas pa rin ang mga pasa dito at namamaga pa ang paligid ng kanyang mga mata. Nakakarinig pa rin siya ng ugong sa kanyang kanang taynga.
Pinakiramdaman niya ang kanyang katawan. Habang nakaupo sa sala sa loob ng safe house na pinagdalhan sa kanya ni Cris, naalala niya kung ano ang sinabi ng manananggal, kung ano ang sinabi ni Rachel sa kanya noong iligtas siya nito: kailangan niyang magpalakas kung gusto niyang ipaghiganti ang pagkamatay ni Arman at Tatang.
Parang naririnig pa niya ang boses ng manananggal sa kanyang isipan. Ipinagtaka niya kung bakit hindi ito naaalala ni Rachel ngayong nasa katawang tao na ito. Nawawala ba ito sa sarili kapag nagbabago ng anyo?
Natigil ang malalim niyang pag-iisip nang may kumirot sa kanyang tagiliran. Napangiwi siya sa sakit. Tama ang naka-maskarang manananggal, kailangang bumalik muna ang kanyang lakas bago niya maisakatuparan ang kanyang mga plano—ang planong paghihiganti kay Don Diego.
Dahan-dahan niyang iniikot ang katawan sa kanan at kaliwa. Bahagyang nawala ang kirot. Narinig niya ang pag-krak ng kanyang mga buto bago bumalik ang mga ito sa ayos. Kumpara kahapon, mas naigagalaw na niya ngayon ang buo niyang katawan. Hindi pa lubos pero unti-unti ng bumabalik ang kanyang lakas.
"Kailangang gamutin ang paga sa paligid ng mata mo," bungad ni Rachel habang papalapit sa kanya.
Napatingala siya dito at nakita sa mukha ng attorney na kalmado na ito. May tangan itong maliit na plastic box na transparent. Sa loob nito ay may gasa, bulak, at alkohol.
Parang isang nurse na sanay sa kanyang ginagawa, lumuhod sa harapan niya si Rachel at tiningnan ang mga mata niyang namamaga. Pagkatapos nito ay kinuha ang bulak mula sa plastic box sa sahig at nilagyan ng alkohol.
Ipupunas na sana ni Rachel ang bulak sa gilid ng kanyang mata ngunit bigla siyang napailag. Natigilan si Rachel sa kanyang reaksyon at sa unang pagkakataon ay nakita ni Aries ang matamis nitong ngiti. Bumalik sa pagkaseryoso ang mukha nito bago nagsalita.
"Huwag mong sabihing takot ka sa alcohol," anang Rachel.
Walang binigay na reaksiyon si Aries. Nakatitig lang siya sa dalaga. Half of what she said is true. May sugat na ibinabalik ang alcohol. Sugat na nakuha niya noong bata pa siya. Nakatitig pa rin dito, dahan-dahan niyang inilapit ang iniilag na ulo. Dahil sa sobrang lapit ni Rachel sa kanya di niya sadyang matitigan ang mapulang labi at pisngi nito.
Ibinaling niya ang mata sa ibang direksyon nang makaramdam siya ng pagka-ilang. Pero parang may sariling isip ang kanyang mga mata dahil kusang bumalik ito at muling tumingin. At hindi lang basta tingin, kung 'di tingin na may pagnanasa.
Hindi niya mapigilan ang sarili. May kung ano sa labi ng dalaga na nagpapawala ng kanyang kuntrol. Lalong tumibay ang kanyang paniniwala na si Rachel ang manananggal, dahil ito mismo ang labing muntik na niyang mahalikan noong nasa warehouse pa siya.
Nalalanghap ni Aries ang pabango ni Rachel ngayon. Sweet. Fruity. Floral. Hindi niya maalala ang amoy ni Rachel noong manananggal pa ang dalaga. Hindi niya maalala ang amoy ng halimaw. Ang naamoy niya ay ang nag-aapoy na galit nito kay Don Diego. Ang amoy ng paghihiganti.
Lalo pang lumapit si Rachel sa kanya taas ang kamay na may bulak. Napatitig si Aries sa maputi at makinis na leeg ng dalaga. Nakalabas ito dahil naka-ponytail ang buhok nito. Kung sino man si Dante, napakaswerte nitong lalaki.
"Awww!" angal ni Aries nang ilapat ni Rachel ang bulak sa kanyang sugat. Pakiramdam niya ay nahalata ng attorney ang malaswa niyang titig dahil basta na lang nitong idiniin ang bulak sa kanyang sugat.
"Oopps. Sorry. Di ko sinasadya," paghingi nito ng paumanhin. Nasulyapan naman ni Aries ang palihim nitong ngiti.
Hinintay ni Rachel mawala ang hapding naramdaman niya. Hindi ito gumalaw saglit. Nang makitang wala na ang sakit sa mukha ni Aries ay itinuloy ang paglilinis sa sugat. Nilagyan nito ng gamot at bandage pagkatapos.
BINABASA MO ANG
Ang Manananggol, Ang Manananggal, At Ang Itim na Maskara
HorrorPAANO KUNG ANG MANANANGGOL MO AY ISANG MANANANGGAL? HAHANGAAN MO BA SIYA? GAGAWING KAIBIGAN? O KUKUTYAIN AT ITUTURING NA ISANG HALIMAW? Attorney Rachel Magtanggol's life spirals into blood and violence as she takes on the case of Don Diego, a notori...