INAASAHAN NI RACHEL na maraming alaala ang babalik sa kanyang isipan kapag nakita niyang muli ang bahay ng kanyang Tita Lucy. Ngunit habang nakatayo sa harap nito, ay wala siyang maalala. Nanginginig ang kamay, pinindot niya ang doorbell sa tabi ng pintuan nito.
"Rachel!" bulalas ng kanyang Tita Lucy pagbukas ng pinto. Agad itong napayakap sa kanya. Mahigpit. Mainit. Ginantihan niya rin ito. Matagal niyang hindi nakita ang nag-iisang mahal sa buhay na nagpalaki at nag-aruga sa kanya.
Malaki ang pinagbago ng mukha ng kanyang Tita Lucy. Halata na ang mga guhit sa sulok ng mga mata nito at may ilang kulubot na rin sa dating makinis na balat. Lumabas na rin ang mga kulay gray na buhok nito. Matanda na ito. At hindi man lang niya nadalaw ito ng ilang taon dahil sa kanyang trabaho.
Pero sa kabila nito ay ipinagpasalamat niya na maayos pa ang pangangatawan nito.
Singtaas ito ng kanyang ama. Hawig din sa kanyang ama ang hugis ng mukha nito at tangos ng ilong. Biglang tumulo ang kanyang luha. Agad niya itong tinuyo nang kumalas ang Tita Lucy niya sa pagkakayakap.
"Alam kong babalik ka dito, anak. Nang mapanuod ko ang balita tungkol sa'yo, alam kong hindi ko na maitatago sa'yo ang katotohanan," sambit ng kanyang Tita Lucy.
Nanginig ang boses nito at labi sa pagsasalita. Hinila siya nito sa loob ng bahay patungo sa sala. Nakasunod naman si Trixie at Cris. Napatingin sa dalawa ang kanyang Tita Lucy at saglit natigilan nang makita ang bitbit nilang automatic rifle. Napahiya, mabilis na itinago ni Trixie at Cris ang baril sa kanilang likuran.
"Tita, 'yan po ang sinadya ko dito," panimula ni Rachel nang sabay silang makaupo sa sofa. "Gusto kong sabihin niyo sa 'kin kung sino ako. Kung ano ang tunay kong pagkatao," patuloy niya.
"Sasabihin ko na sa 'yo ang katotohan, Rachel. Patawarin mo ako kung matagal kong inilihim sa 'yo."
Bumilis ang tibok ng puso ni Rachel. Hindi na siya makapaghintay. Gusto na niyang marinig ang sasabihin nito. Gusto na niyang malaman ang katotohanan sa likod ng kanyang pagkatao. Hindi niya inalis ang kanyang titig sa naluluhang tiyahin.
"Hindi kami magkasundo ng iyong ama, Rachel. Bilang nakatatandang kapatid at dahil na rin sa dalawa na lang kaming magkasama sa buhay, pinuno ko siya ng mga pangaral. Hindi niya ito nagustuhan. Pakiramdam niya ay pinangungunahan ko siya sa kanyang mga desisyon.
Gagawin ni Luther ang lahat para sa kanyang mga pangarap. Noong nag-aaral siya sa Amerika ay kinalimutan niya ako. Nang bumalik naman siya sa Santa Isabel, isinubsob naman niya ang kanyang sarili sa kanyang trabaho. Masisisi mo ba ako Rachel kung sumama ang loob ko sa 'yong ama?" Umiling si Rachel. Nakatitig pa rin dito.
"Napaka-ganda mong sanggol, Rachel, nang dalhin ka sa akin ni Luther. Nang makita ko ang maganda mong mukha, napawi ang lahat ng sama ng loob ko sa kanya. Muling naging masaya ang malungkot kong mundo dahil sa 'yo. Kaya habang lumalaki ka, tinanggal ko ang mga bagay sa paligid mo na makakapagpasama ng loob mo. Patawarin mo ko, anak. Itinago ko ang katotohanan dahil ayokong iwanan mo rin ako...katulad ng iyong ama," patuloy nito.
Hinawakan nito ang kanyang kamay at pinisil ng mahigpit. Namula ang mga mata ni Rachel na parang maluluha. Huminga ng malalim ang kanyang Tita Lucy at nagpatuloy.
"Kung natatandaan mo noon, Rachel, noong may isip ka na, tuwing uuwe ang iyong ama ay lagi itong may pasalubong na laruan at pagkain. Lagi rin siyang may dalang gamot. Isang vaccine. May sakit ka, Rachel, noong bata ka pa. Siya mismo ang nagtuturok sa 'yo. Maliban sa mga panaginip mo tungkol sa mga manananggal at iba pang halimaw ay may kakaiba kang sakit noon Rachel. Hindi normal na sakit. Sakit na lubos kong ipinagpasalamat sa Dios dahil hindi nagtagal ay nawala, kasabay ng iyong mga panaginip," hinaplos ng matanda ang magandang mukha ng pamangkin.
BINABASA MO ANG
Ang Manananggol, Ang Manananggal, At Ang Itim na Maskara
HorreurPAANO KUNG ANG MANANANGGOL MO AY ISANG MANANANGGAL? HAHANGAAN MO BA SIYA? GAGAWING KAIBIGAN? O KUKUTYAIN AT ITUTURING NA ISANG HALIMAW? Attorney Rachel Magtanggol's life spirals into blood and violence as she takes on the case of Don Diego, a notori...