HABANG NAKAUPO sa loob ng sasakyan, hindi maalis sa isip ni Dante ang nahagip na imahe ng kanyang binoculars. Kung anuman ito hindi pa siya nakakita ng ganitong uri ng hayop o ibon. Hindi niya maiwasang tumingala sa langit. Napansin ng isang tauhan ni Evan ang kanyang pag-aalala.
"Boss, kanina ka pa nakatingala," pagtataka nito. Tumayo ito para linisin ang scope ng baril.
Kanina pa ito nakadapa sa damuhan kasama ang ibang tauhan ni Evan, nagmamaman sa ibaba ng bundok, alinsunod sa utos ng lider nila na maintain defensive position.
"Di mo ba napapansin?" sagot ni Dante nang tumabi sa kanya ang lalaki.
"Ang alin, boss?"
"Kanina pa walang gumagalaw o lumilipad man lang na mga ibon dito sa gubat."
Tumingala ang lalaki at napaisip. Nakiramdam ito sa paligid.
"Sobrang tahimik nga," halos bumulong na lang ito dahil sa kabang biglang naramdaman. Ikinasa nito ang mahabang baril na hawak at nilingon ang paligid.
Hindi gumalaw si Dante sa kanyang kinauupuan. Tiningala niyang muli ang langit. Pagkatapos ay iniikot ang paningin sa gubat. Kahit huni ng isang insekto ay wala siyang maulinigan. Ibang iba ito noong pumasok sila sa gubat. Bakit biglang nangawala ang mga ibon? Hindi kaya may....
...may kinatatakutan sila? Naisip niya.
Biglang nabasag ang katahimikan nang makarinig siya ng mga natapakang tuyong dahon at sanga. Nanggaling ito sa likuran ng kanilang sasakyan. Napahawak siya ng mahigpit sa kanyang baril at nilingon ito. Naalala niya ang lalaking nagpaalam sa kanya. Noon lang niya napansin na hindi pa ito bumabalik. Ito kaya ang gumawa ng ingay?
Hawak ang baril, bumaba siya ng sasakyan para tingnan.
"Boss, san ka pupunta?" tanong ng lalaking kausap.
"Bumalik ka na sa pwesto mo, may iti-check lang ako dito," sagot niya.
Sinundan niya ang pinanggalingan ng ingay. Nadaanan niya ang mga tauhan ni Evan. Nakadapa at nagmamasid pa rin ang mga ito.
Tumigil siya sa harapan ng matataas na damo at nakiramdam. Nang walang marinig na kahit kaluskos ay humakbang siya papasok.
Madilim at masukal ang lugar. May konting sikat ng araw pero hindi ito sapat para makita niyang mabuti ang paligid. Saglit pa at nakarinig siya ng kaluskos. Napatingin siya sa kaliwa. Gumalaw ang mataas na damo sa kanyang harapan. Agad niyang ipinihit ang katawan dito sabay tutok ng baril. Lumakas ang kabog sa kanyang dibdib. Tauhan ba ni Evan ang nasa likod ng mga damuhan na ito?
Maingat siyang humakbang at sumilip sa pagitan ng matataas na damo. Napaurong siya sa gulat nang makita niya ang walang buhay na katawan ng lalaki. Nakaluwa ang mga mata nito. Nakahiga sa damuhan, nakababad sa sariling dugo. Wak-wak ang tiyan nito at nagkalat ang mga piraso ng mga laman loob sa paligid. Natumba siya at napaupo nang makita niya kung ano ang nasa tabi ng bangkay.
Sa tabi ng lalaki ay nakaupo ang isang halimaw. Hawak ang tumitibok na puso sa isang kamay. Umaagos sa daliri nito ang dugo. Manipis at kulay abo ang balat ng buong katawan nito. Bakat dito ang mga litid na tila mga sapot ng gagamba. Lagas ang buhok nito at iilang maitim na hibla na lang ang natira sa ulo.
Nakatiklop ang mga pakpak nito sa likod na parang kahoy na nakatukod sa lupa. Tila ahas namang gumagalaw ang mahaba nitong buntot sa likuran. Tumingin ito sa kanya at lumiwanag sa dilim ang nanlilisik nitong berdeng mga mata. Nang makita siya nito, galit nitong inilabas ang matulis na ngipin. Tumulo rito ang dugo. Kuminang ang kapulahan nito. Umangal ang halimaw na parang mabangis na hayop at sumugod sa kanya na parang tigre.
BINABASA MO ANG
Ang Manananggol, Ang Manananggal, At Ang Itim na Maskara
HorrorPAANO KUNG ANG MANANANGGOL MO AY ISANG MANANANGGAL? HAHANGAAN MO BA SIYA? GAGAWING KAIBIGAN? O KUKUTYAIN AT ITUTURING NA ISANG HALIMAW? Attorney Rachel Magtanggol's life spirals into blood and violence as she takes on the case of Don Diego, a notori...