MASUKAL ANG GUBAT na pinasok ni Dante nang makatakas siya sa mga tauhan ni Lucas. Kahit na anong landas ang kanyang daanan bumabalik lang siya sa kanyang pinanggalingan.
Tumigil siya sa pagtakbo. Napayuko siya at naramdaman ang paghingal. Nanginig ang kanyang mga tuhod. Mainit ang hiningang lumalabas sa kanyang ilong. Sumabay ito sa mabilis na kabog sa kanyang dibdib.
Kanina pa siya tumatakbo ngunit hindi nagbabago ang kanyang paligid: matataas na puno, matutulis na sanga, at malalagong damo. Simula ng tumalon siya mula sa bintana ng cottage na nagsilbing kulungan niya, hindi pa siya nakakita ng malawak na parang o kalye man lang.
Walang kamalay-malay ang mga tauhan ni Lucas na nakatakas na siya. Ngunit alam niyang hindi pa siya ligtas sa panganib. Kailangan niyang makalabas ng gubat. Hindi siya pwedeng magpahinga ng matagal. Kailangan niya uling tumakbo.
Itinuwid niya ang kanyang katawan. Sinubukan niyang muling gumalaw ngunit naramdaman niya ang pananakit ng kanyang katawan. Kahit hindi niya tingnan, alam niyang puno ito ng mga pasa. Ramdam niya ang natuyong dugo sa kanyang ilong at labi. Namamaga ang kanyang mga mata. Mahapdi na ang kanyang talampakan. Dahil walang saplot ang paa, nahiwa ito ng matatalas na bato at kahoy. Ang lahat ng ito ay hindi niya ininda.
Kailangan niyang makalayo sa mga tauhan ni Lucas. Anumang oras ay malalaman ng mga ito na wala na siya sa cottage. Pinilit niyang humakbang, pabilis ng pabilis, hanggang mapansin niyang tumatakbo na siya. Hindi pa rin siya makapaniwala kung paano siya nakatakas.
Nakagapos at nakapiring nang dalhin siya ni Lucas sa isang cottage sa gitna ng gubat at iwanan sa mga tauhan nito. Nahihilo at nanghihina ang katawan, iisa lang ang nasa isip ni Dante --ang nalalapit niyang katapusan. Lalo pa kapag naiisip niya ang sinapit ng kanyang boss at kaibigang si Luigi. May hinala siyang kung sino ang pumatay dito ay ito rin ang dumukot sa kanya. Hindi naman siya nagkamali dahil nalaman niyang si Lucas ang gumawa nito sa utos ni Don Diego.
Pero bakit pa nila ako binuhay?
Bakit hindi na lang nila ako pinatay at iniwanan ang katawan sa tabi ni Luigi?
Hindi kaya ako talaga ang kanilang pakay at nadamay lang si Luigi? Pero kung ako ang kanilang pakay, ano naman ang kailangan nila sa akin?Kung anuman ang kailangan nila sa kanya, naisip ni Dante na hindi na ito mahalaga. Ang mahalaga ay alam niyang wala pang intensyon ang mga ito na tapusin ang kanyang buhay. May oras pa siya para mag-isip.
Kahit nakakulong, may piring, at nakagapos ang mga kamay, may isang bahagi ng katawan niya ang nananatiling malaya — ang kanyang utak. Ito ang ginamit niya para makatakas.
***
TUMIGIL sa pagtakbo si Dante sa loob ng gubat. Habang humihingal, pinakiramdaman niya ang kanyang paligid. Tumingala siya sa tirik na araw at sinilaw siya nito. Muli siyang yumuko at hinintay kumalma ang paghinga. Tahimik ang paligid ngunit nakarinig siya ng mahinang tunog na nagbigay sa kanya ng pag-asa.
Agos ng tubig? Malapit ako sa ilog!
Sinundan niya ang pinanggalingan nito at narating ang isang bangin. Sa ilalim nito ay ang rumaragasang tubig.
Napatingin siya sa kabilang bahagi ng bangin. Tumambad sa kanyang harapan ang Santa Isabel Water Reservoir.
May ngiting namuo sa sulok ng kanyang mga labi. Biglang lumuwag ang kanyang paghinga.
Ngayon alam na niya kung nasaan siya, makakalabas na siya ng gubat. Kabisado niya ang lugar na iyon. Kung makakatawid siya sa kabila, mula doon ay masususog niya ang daan papuntang bayan.
Habang inisip ang kasunod na gagawin nakarinig si Dante ng kaluskos. Nasundan na siya ng mga tauhan ni Lucas.
"Ayun siya! Bilis!" Narinig niyang sigaw ng isang lalaki sa likod ng mga puno.

BINABASA MO ANG
Ang Manananggol, Ang Manananggal, At Ang Itim na Maskara
HorrorPAANO KUNG ANG MANANANGGOL MO AY ISANG MANANANGGAL? HAHANGAAN MO BA SIYA? GAGAWING KAIBIGAN? O KUKUTYAIN AT ITUTURING NA ISANG HALIMAW? Attorney Rachel Magtanggol's life spirals into blood and violence as she takes on the case of Don Diego, a notori...