MASAMA ang loob ni Don Diego San Juan sa ginawang pagre-resign ni Aries.
Malakas ang kutob niyang binayaran ito ng kanyang mga kakumpetensiya kaya nagawa nitong magbitiw sa pwesto. Sinayang lang nito ang tiwala at pagkakataong ibinigay niya. Itinuring pa niya itong parang isang tunay na anak.
Hindi niya lubos maisip na magagawa ni Aries ang lumipat sa ibang kumpanya gayong walang pwedeng pumantay sa sweldong ibinigay niya. Gigil niyang itinikom ang isang kamao habang iniisip ito. Nagdiin ang kanyang mga labi ng hindi niya namamalayan. Napapikit siya at huminga ng malalim. Gumaan bahagya ang kanyang pakiramdam.
Ayaw isipin ni Don Diego na makakaapekto sa operasyon ng kanyang mga negosyo ang pagkawala ni Aries. Pero naroon pa rin ang pangamba niyang maaaring maging isang malaking hadlang si Aries San Esteban sa kanyang mga plano. Maaring gamitin ito ng kanyang mga kalaban lalo pa't ngayong nabuksan muli ang kanyang kaso.
Isang maamong tupa si Aries. Pero parang tigre ito kapag nagalit. Kabisado ni Don Diego kung paano ito magtrabaho. Mabilis, sigurado, at maingat. Hindi ito kikilos ng hindi nasisiguro ang mga kasunod na posibleng mangyari. Kung kagaya lang ni Lucas ang itatapat niya dito ay nakikita niyang hindi ito uobra.
Pero sa kabilang banda, hindi nag-iisa si Lucas. Naisip niya. Hawak ni Lucas ang dating mga tauhan ni Aries at may access ang mga ito sa matataas na uri ng armas.
Isa pa, ano pa ba ang magagawa ni Aries kung patay na ito? Naisip ni Don Diego. May ngiting sumilip sa sulok ng kanyang mga labi.
Kanina lang umaga ay kausap niya sa telepono si Lucas. Kampante siyang matutupad nito ang utos niyang itumba si Aries San Esteban. Itinuro niya kay Lucas ang kinaroroonan ni Aries habang naghihintay sa isang kliyenteng hindi naman darating.
Kaya ngayong gabi, sa loob ng kanyang mansion, matyaga niyang hinihintay ang muling pagtawag ni Lucas para ibalitang patay na si Aries San Esteban.
Lumagok siya ng whisky at humithit ng sigarilyo. Napangiti siya. Parang naririnig na niya ang magandang balita mula kay Lucas.
Ahh. Aries. Lucas. Maganda sanang kumbinasyon. Naisip niya.
Isang ginagamit ang utak. Hindi nadadala ng emosyon. Ang isa naman ay mapusok, marahas, hindi natatakot pumatay at mamatay para sa isang misyon.
Pulidong magtrabaho si Aries subalit may sarili itong prinsipyo na salungat sa prinsipyo ni Don Diego. Madalas kinokontra nito ang kanyang mga plano. Dahilan ni Aries, kung siya ang gagawa ng isang trabaho mas mabuti pang siya na rin ang gumawa ng mga hakbang. Ayaw nito ng binigbigyan ng step by step na instructions.
"Sabihin mo lang kung ano gusto mong mangyari at ako na ang bahala," ang laging sagot ni Aries sa kanya sa tuwing bibigyan niya ng litanya ng mga gagawin.
Pero kahit na madalas siyang kontrahin ni Aries, hindi niya naisip na magalit dito. Alam ni Aries kung paano sasabihin sa kanya ang isang bagay sa paraang hindi siya magagalit. Pinag-aralan nito kung ano ang gusto niya. Isang tingin lang niya kay Aries ay alam na nito kung ano ang gusto niyang mangyari. Minsan nga ay parang nababasa na nito ang kanyang iniisip. Hindi niya maitatanggi na ito ang hinangaan niya sa binata.
Malaking kabaliktaran nito si Lucas.
Si Lucas ay isang makina. Hindi gaganda ang takbo kung walang langis. Ang pag-iisip nito at aksyon ay nakasalalay sa kanyang emotional instinct. At iisa lang ang emosyon nito — ang kanyang galit. Galit ang langis na napapatakbo sa pagkatao nito.
Dahil dito, marahas ang pamamaraan ni Lucas at nagustuhan ito ni Don Diego. Alam niyang pagdating ng panahon ay kailangan niya ng mga taong katulad nito.
BINABASA MO ANG
Ang Manananggol, Ang Manananggal, At Ang Itim na Maskara
HorrorPAANO KUNG ANG MANANANGGOL MO AY ISANG MANANANGGAL? HAHANGAAN MO BA SIYA? GAGAWING KAIBIGAN? O KUKUTYAIN AT ITUTURING NA ISANG HALIMAW? Attorney Rachel Magtanggol's life spirals into blood and violence as she takes on the case of Don Diego, a notori...