"NURSE!" sigaw ng duktor. "10cc ng lamotrigine, bilis!" utos nito.
Kinuha ng duktor mula sa nurse ang isang syringe at itinurok ito sa swero ni Mia. Mamaya lang ay tumigil ang pagkukonbulsyon nito at ang paggalaw ng bata. Tiningnan ng duktor ang vital signs nito. Napailing ito. Hindi nito gusto ang lagay ng pasyente.
Lumingon ito kay Dr. Luther. Nakaupo ang duktor sa sahig, nakasandal sa pader, takip ng dalawang kamay ang mukha.
Hindi magawang tingnan ni Dr. Luther ang kalagayan ng kanyang mag-ina.
Lutang ang pag-iisip, nagising siya sa pagtawag ng duktor sa kanyang harapan.
"Dr. Luther, I'm sorry. Kritikal ang sitwasyon ng iyong asawa. Kailangan na naming kunin ang bata sa loob ng kanyang sinapupunan kung hindi ay nanganganib din ang buhay ng sanggol," paliwanag ng duktor.
Parang walang narinig si Dr. Luther. Tulala niyang tiningnan ang duktor. Bumalik sa isip niya ang mga nangyari. Gusto niyang sisihin si Don Diego at si Jasmin. Gusto niyang sisihin ang sarili. Dahil sa kanyang trabaho, napabayaan niya ang mga mahal niya sa buhay. Una ay ang kapatid niyang si Lucy. Ngayon naman ay si Mia at ang sanggol sa sinapupunan nito. Siya ang naglagay sa kanila sa panganib.
"Dr. Luther?" ulit ng duktor.
Napatitig siyang muli sa duktor at bigla na lang nakaramdam ng pagkahilo. Parang mga yabag ng nag-uunahang kabayo ang tibok ng kanyang puso. Hindi niya kakayanin kung mawawala sa kanya ang asawa't anak. Parang mawawalan siya ng ulirat. Mabubuwal na sana siya pero naalalayan siya ng kaharap na duktor. Agad naman nag-abot ng tubig ang nurse at ipinainom siya nito.
Nang mahimasmasan, tsaka pa lang niya naintindihan ang sinabi ng duktor.
"Doc, iligtas mo ang aking asawa! Iligtas mo siya!" sigaw niya na parang nababaliw. Hinawakan niya ang duktor sa makabilang balikat at niyugyog ito.
"Dr. Luther, bitawan mo ako! Sinaksaktan mo ako!" pakiusap ng duktor na nagpupumilit makawala.
Umalalay ang mga nurse para tumulong ngunit mas malakas sa kanila si Dr. Luther. Wala na silang ibang opsyon.
Saglit pa at naramdaman ni Dr. Luther ang pagbaon ng malamig na karayom sa kanyang leeg at dumilim ang kanyang paligid.
Nagising si Dr. Luther nakahiga sa isang hospital bed. Malabo pa ang kanyang paningin pero naaninag niyang nakapalibot sa kanya ang maraming tao. Naulinigan niya ang bulungan ng mga ito pero hindi niya maintindihan.
Sino ang dapat sisihin?
Sino ang dapat sisihin?
Sino ang dapat sisihin?Umikot sa buong silid ang bulong ng mga ito. Sa una ay mahina na di nagtagal ay lumakas. Parang sa isang kultong bigkas ang isang dasal.
Sino ang dapat sisihin?
Sino ang dapat sisihin?
Sino ang dapat sisihin?Napakunot ng noo si Dr. Luther. Hindi niya malaman kung anong nangyayari. Ang huli niyang tanda ay nasa ospital siya.
Kinuyumos ng daliri ang kanyang mata. Lumiwanag ang kanyang paningin. Nakita niyang nahawi sa gitna ang mga taong nagbubulungan sa paligid. Lumabas dito ang isang babae. Pamilyar ang mukha nito. Lumapit ito sa kanya.
"Mia?" pagtataka niya.
Hinawakan siya nito sa pisngi at nagsalita. Parang agos ng batis ang tinig nito.
"Ako nga ito, Luther."
Tinulungan siya nitong tumayo. Napansin niyang pareho silang nakaputi.
"Nasa langit na ba tayo?" tanong niya sa asawa. Umugong ang kanyang tinig na parang sa kweba.
BINABASA MO ANG
Ang Manananggol, Ang Manananggal, At Ang Itim na Maskara
TerrorPAANO KUNG ANG MANANANGGOL MO AY ISANG MANANANGGAL? HAHANGAAN MO BA SIYA? GAGAWING KAIBIGAN? O KUKUTYAIN AT ITUTURING NA ISANG HALIMAW? Attorney Rachel Magtanggol's life spirals into blood and violence as she takes on the case of Don Diego, a notori...