WALA pa ring imik na nakaupo si Rachel sa backseat ng kotse. Nag-aalala naman para sa kanya si Trixie habang nakaupo sa kanyang tabi. Nasa front seat si Cris at Aries. Tahimik din ang dalawa. Bakas sa mukha ang malalim na pag-iisip.
Hindi pa rin makapaniwala si Rachel na hindi nila nabawi si Dante. Lalong tumindi ang pag-aalala niya sa kasintahan. Buhay pa ba ito? At kung buhay pa, nasaan ito? Itinago ba ito ni Lucas sa planong i-dobolkros sila? Dahil dito napilitan siyang mag-salitang muli sa grupo.
"Wala ba talaga tayong gagawin? Magtatago na lang ba tayo dito?" inis niyang sambit.
Tila wala naman narinig si Aries at Cris. Naramdaman naman ni Rachel ang paghimas ni Trixie sa kanyang likod, sinusubukang muli siyang pakalmahin.
Gusto pa sana niyang mag-salita para sisihin ang grupo, sisihin ang kanyang sarili, sisihin ang lahat. Pero tinakpan na lang niya ng kamay ang kanyang mukha at nagpigil ng luha.
"Ngayon pa ba tayo susuko?" tanong ni Jango pagsilip sa bintana ng kotse. Itinigil nito ang ginagawang pagti-check ng makina ng chopper nang marinig ang sinabi ni Rachel. "Kahit na hindi natin nabawi si Dante, hindi rin naman nila nakuha ang files at si Aries. May baraha pa tayo at nasa atin pa ang alas. Iisa lang ang gagawin ng Lucas na 'yon, babalik siya kung saan niya itinago si Dante. Kailangan natin siyang masundan kung gusto natin siyang mailigtas," patuloy nito.
Napabuntong-hininga si Aries. Alam niyang tama ang sinabi ni Jango.
"Hindi rin agad makakalayo ang grupo ni Lucas. May mga check point na sa main road ng Santa Isabel. Katulad natin, magtatago lang ito, hihintayin niyang umalis ang mga pulis. Kaya malamang narito pa siya sa paligid," dagdag ni Aries. Bakas sa mukha nito na muli itong nabuhayan ng loob.
"Pero hindi ba kayo nagtataka? Hindi kasama ni Lucas si Dante. Kung gusto niyang makuha si Aries at ang mga files, bakit kailangan pa niyang itago ito? Hindi kaya pinatay na nila si Dante?" sabat ni Trixie.
Galit na tumingin sa kanya ang tatlong lalaki. Kagat-labi naman itong lumubog sa pagkakaupo nang mapagtanto ang kanyang tinuran.
"O baka nakatakas, Trixie," mabilis na bawi ni Cris.
Nakinig lang si Rachel sa usapan ng mga kasama, tinimbang niyang mabuti ang sitwasyon at ang mga pangyayari. Maaaring tama si Cris. Nakatakas si Dante. Wala ng ibang opsyon si Lucas kaya't napilitan itong makipagkita kahit wala ito. Kailangan niyang makuha si Aries at ang mga files katulad ng utos sa kanya ni Don Diego. Maaaring desperado na si Lucas.
Dahil sa sinabi ni Janggo, nabuhayan ng loob ang lahat. Kung anuman ang nangyari kay Dante, kailangan nilang malaman kung nasaan ito.
"Gagamitin namin ni Jango ang chopper para mahanap si Lucas. Susundan namin siya. Kung nasaan si Lucas natitiyak kong naroon din si Dante," sambit ni Aries.
"Kung totoong nakatakas si Dante, susundan pa rin ito ni Lucas kung saan sa palagay niya ito maaaring magtago. Either way, nakatakas man o hindi, si Lucas lang ang lead natin para matunton ang kinaroonan ni Dante," dagdag ni Cris.
"Ngayon din ay aalis na kami ni Jango para sundan si Lucas. Tatawagan namin kayo kung anuman ang mangyari. Hindi na rin tayo pwedeng magtagal dito. Mamaya lang ay aabot na dito ang clearing operation ng mga pulis," anang Aries pagbaba sa kotse.
"Hihintayin namin ang tawag n'yo," sagot ni Cris pagkatapos ay ini-start ang kotse.
Habang papalayo ang kotseng lulan sina Cris, Rachel, at Trixie, magkasabay namang sumakay ng chopper si Aries at Janggo.
Pagkatapos tumingala sa langit para tingnan ang pagdaan ng chopper ni Aries at Janggo, napatingin si Trixie kay Rachel. Malungkot na nakatitig si Rachel sa hawak na cellphone. Ramdam ni Trixie ang pag-aalala nito.
BINABASA MO ANG
Ang Manananggol, Ang Manananggal, At Ang Itim na Maskara
HorrorPAANO KUNG ANG MANANANGGOL MO AY ISANG MANANANGGAL? HAHANGAAN MO BA SIYA? GAGAWING KAIBIGAN? O KUKUTYAIN AT ITUTURING NA ISANG HALIMAW? Attorney Rachel Magtanggol's life spirals into blood and violence as she takes on the case of Don Diego, a notori...