CHAPTER 8 - Nakaraan: Don Diego At Dr. Luther

2.1K 104 1
                                    

MADILIM AT MALAMIG sa private office ni Don Diego. Pero hindi ito nararamdaman ng hubad niyang katawan. Dumadaloy pa rin sa kanyang mga ugat ang drogang itinurok niya kanina. Nagbigay ito sa kanya ng kakaibang init.

Nilagok niya ang whisky sa baso. Humithit sa sigarilyong hawak at marahang nagbuga ng usok. Blanko ang mga mata niyang nakatitig sa mataas na pader ng mga makakapal na aklat sa kanyang silid. May kaunting dilaw na liwanag na nangagaling sa bumbilya sa katabing pader nito. Gumawa ito ng mga aninong naglaro sa kanyang paningin.

Inisip niya ang dugong umagos sa sahig ng basement. Inisip niya si Jasmin. Ang halimaw. Ang manananggal. Ang sekretarya. Ang mga sekretarya. Ilan na ba ang mga sekretarya niyang nawawala? Hindi na niya mabilang.

Saglit pa at nakarinig siya ng mga tinig mula sa apat na pader ng silid. Tinutukso siya. Inaatig. May mga sinasabi itong lalong nagpapatindi ng galit sa kanyang puso.

Halimaw. Magtanggol. Halimaw. Magtanggol. Luther...Luther Magtanggol!

Naglabas-pasok ang mga tinig sa kanyang taynga. Naningkit ang kanyang mga mata at mula sa mga pader ng aklat ay nakita niya ang mga naglalarong anino. Mga anino ng alaala....

Bukod sa matalik na kaibigan, business partner din niya si Dr. Luther Magtanggol.

Nakilala niya si Luther sa isang unibersidad sa America kung saan pareho silang kumukuha ng kursong medisina. Magkasama sila sa isang dorm hanggang matapos nila ang kanilang kurso.

Kung paano sila nagsama ng matagal sa iisang silid ay ipinagtaka ng kanilang mga kaibigan at kaklase. Malayong-malayo kasi ang kanilang mga hilig. Magkaiba rin ang kanilang ugali. Pero sa kabila noon mabilis silang nagka-palagayan ng loob.

Sa kanilang dalawa si Don Diego San Juan ang business savvy. Si Luther naman ay nakatuon sa siyensiya, sa pag-aaral ng genes ng tao. Noong una palang ay nakitaan na ito ni Don Diego ng galing at talino at nakita niyang balang-araw ay hindi malabong maging tanyag ito.

Hindi lang genes ng tao ang pinag-aralan ni Luther kundi pati genes ng hayop at ng mga halaman. Nag-travel pa ito sa iba't-ibang bansa mapag-aralan lang ang mga bagong kaalaman tungkol sa genes ng mga ito. Dalawang taon ito sa Japan, tatlong taon sa England, at limang taon sa America. Magkahalong trabaho, aral, at research ang ginawa nito.

Noong nag-aaral pa lang silang dalawa ay lagi nilang pinagtatalunan ang teorya ni Luther. Ayon kay Luther may dalawang misyon ang genetics para mabago ang mundo: una, hanapin ang mali sa genetic code construction ng tao; at pangalawa, talunin ang kamatayan at bigyan ang tao ng buhay na walang hanggan. Naniniwala si Luther na ang buhay na walang hanggan ay makikita sa genetic code ng tao. Kailangan lang niya itong mahanap sa kanyang sarili.

"Don," tanong ni Luther minsan sa kanya. Ugali na nitong maghamon ng debate kapag may pinag-aaralan itong bagong teorya. Pagminsan ay pinapatulan niya ito. Madalas naman ay dinadaan ni Don Diego sa biro. "Paano kung ma-diskobre natin ang tamang genetic code na magbibigay sa bawat isa ng buhay na walang hanggan. Buhay na walang kapansanan. Walang sakit. Walang kamatayan?" patuloy ni Luther.

"Ang masasabi ko lang, Luther, isang napakalaking negosyo 'yan," pabirong sagot niya. Sinundan niya ito ng malutong na halakhak na di nagtagal ay sinabayan na rin ni Luther.

Ayon kay Luther, dahil sa mga bagong kaalaman tungkol sa gene editing, hindi nalalayo na balang araw ay pwedeng ng itama ang mga pagkakamali sa katawan ng tao.

Ang mga taong naputulan ng kamay at paa ay pwede ng muling tubuan ng mga ito. Ang mga taong may underdevelop na puso ay hindi kailangan pang dumaan sa isang bypass operation. Ang mga taong may elephantism, may mga allergy, may mga autism, at iba pa ay makikinabang kung matutuklasan ni Luther ang tamang gene structure para itama ang mga ito. Iisa lang ang pangarap ni Luther —- na balang-araw ay mapatunayang tama ang kanyang teorya at magamit ito sa pagligtas ng buhay ng tao.

Ang Manananggol, Ang Manananggal, At Ang Itim na MaskaraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon