CHAPTER 11 - Isla Asul

2.1K 106 4
                                    

HABANG PAPUNTANG ISLA ASUL, unti-unting naramdaman ni Rachel ang mga pagbabago sa kanyang katawan. Puno ng galit ang kanyang dibdib. At ang galit na ito ay naka-focus kay Don Diego.

Pagkatapos isalaysay ni Cris at Trixie ang kasamaang ginawa ni Don Diego, naisip ni Rachel na kulang pa ang pagkakulong o pagsilya-elektrika dito bilang kabayaran sa mga inosenteng buhay na inutang nito. Galit at awa ang kanyang nararamdaman ngayon. Galit kay Don Diego. Awa para sa mga biktima nito.

Hindi ito normal na galit. Pinag-init nito ang kanyang katawan. Nagsimula ito sa kanyang mga mata. Para itong dalawang uling na nagbabaga. Tumigas ang kanyang kalamnan. Nagtikom ang kanyang mga kamao ng mahigpit.

Maya-maya lang ay may kirot siyang naramdaman sa kanyang likod at sa baywang. Sa likod ay parang may dalawang butong gustong lumabas. Sa baywang naman ay parang hinahati ito. Pero hindi siya nakakaramdam ng sakit. Para itong malakas na boltahe ng kuryenteng gumagapang sa ilalim ng kanyang balat.

Anong nangyayari sa 'kin? Bulong niya sa sarili.

Dugo at puso...dugo at puso. Bulong ng maraming tinig sa kanyang isipan. Paulit-ulit.

Lumingon siya kay Trixie sa kanyang tabi at nakita niya ang dahilan. Hindi lang niya malakas naririnig ang tibok ng puso nito kundi lampas din sa balat at laman ni Trixie ang kanyang paningin. Nakita niya ang actual na pagtibok ng puso at pagdaloy ng dugo sa loob ng katawan ng kaibigan na parang may x-ray vision. Nalanghap din niya ang masarap na amoy nito at siya ay napalaway. Gusto na niyang kagatin si Trixie at sipsipin ang dugo nito. Lumayo siya ng tingin at pumikit.

"Hindi! Hindi!" pigil niya sa sarili.

Parang siyang nagising sa malalim na pag-iisip nang marinig niya ang malakas na ring ng kanyang telepono. Napatingin ang lahat sa kanya. Inakala ng mga ito na tumawag na si Lucas, ang dumukot kay Dante. Inilabas niya ito at nang makita kung sino ay agad na sinagot.

"Hello, Inang Pasing?"

"Hello, Rachel? Nasan ka na ba? Nag-aalala na ko sa 'yo," pabulong na sagot ni Inang Pasing. Parang may iniwasan itong may makarinig sa kanilang usapan. Para itong nagtatago at may pagmamadali ang tinig.

"Ok lang po ako, Inang Pasing. Ano pong nangyayari dyan? Bakit bumubulong ka sa telepono?" usisa ni Rachel.

"May mga pulis at NBI dito sa bahay, Rachel. May mga inilalabas silang aparato. Baka ito na ang huling tawag ko sa'yo," sagot ng matanda.

"Makinig ka, Inang Pasing. Sundin mo lang ang iutos nila. Tatawag uli ako sa...."

Biglang naputol ang kanilang usapan. Naubos na ang battery ng kanyang telepono at tuluyan ng namatay.

"Sh*t!" bulong niya. Ibinalik niya ang telepono sa bulsa at napayuko. May humawak sa kanyang balikat.

"Okay ka lang ba?" usisa ni Trixie.

"May mga pulis at NBI na raw sa bahay. Malamang ita-tap nila ang telepono doon, " paliwanag niya nang harapin ito.

"Hay. Sigurado 'yun. Ganyan 'yung napapanuod ko sa pelikula," sagot ni Trixie. Tumigil ito at kunot-noong tumitig sa kanya. "Rachel, alam kong may malalim kang iniisip. Bakit di mo sa akin sabihin," pag-aalala ng kaibigan.

Napayuko si Rachel bago sumagot.

"Hindi ko na nga alam kung ano ang dapat kong isipin, Trixie. Pagkatapos ng lahat ng nangyari sa akin, hindi ko na alam kung ano ang totoo. Parang hindi ko na kilala ang aking sarili. Lahat ng mga kwento sa akin ni Tita Lucy, ang tungkol sa aking mga magulang, ang tungkol sa aking pagkatao, kung sino ako, o kung anuman ako, parang hindi lahat totoo. Bakit hindi niya sinabi sa akin na isa akong halimaw? Bakit pa niya inilihim sa akin na isa akong manananggal? Bakit....bakit hindi na lang nila ako pinatay noong sanggol pa ako?" sagot ni Rachel. May galit at lungkot sa malumanay niyang pagsasalita. Biglang namula ang kanyang mga mata. Pinigilan niya ang luhang papatak na sana.

Ang Manananggol, Ang Manananggal, At Ang Itim na MaskaraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon