MAINGAT niyang inaayos ang necktie sa harap ng salamin. Sinuklay ang buhok na may pamada. Isinuot niya ang bughaw na amerkanang terno sa bughaw niyang pantalon.
Paborito ni Don Diego ang bughaw na kulay dahil ito ang pinaka-makapangyarihan kulay para sa kanya. Kaya naman ngayon, habang nakatitig sa harap ng salamin, pakiramdam niya ay siya na ang pinaka-makapangyarihang Don sa buong mundo.
Tinitigan niya ang sarili sa salamin at siniyasat ang bawat angulo ng kanyang mukha. May hinahanap siyang mali kanina pa pero hindi niya ito makita. Naisip niya kung gaano kaperpekto ang mukhang nasa harapan niya. Dahil dito, napangiti siya at hinaplos ang kulay gray niyang bigote at balbas.
"Perfect!" bulalas niya.
Lumabas siya ng silid at binaybay ang daan patungong basement. Kuminang ang suot niyang itim na sapatos at lumikha ng ritmikong tunog na parang isang melodya ng isang kantang sabay sa bawat hakbang ng kanyang mga paa. Binasag nito ang katahimikan ng paligid kung saan nakamasid ang mga tauhan niyang matiyagang naghihintay sa kanya.
Iisa lang ang nasa isip ni Don Diego habang papunta sa basement: ito ang pinaka-mahalagang araw para kay Jasmin. Ang araw na pinaghandaan niya para bawiin sa kamay ng kanyang mga kalaban ang Genetix Corporation. Kung dati, ang kumpanyang ito ang naging dahilan ng kanilang katapusan, ito ngayon ang magsisilbing simula. Ang simula ng kanilang paghihiganti.
Inilapat niya sa biometrics ang isang kamay. Agad bumukas ang pangalawang pintuan. Pagpasok sa loob ay pinindot ang isang switch sa isang lamesang maraming aparato. Lumabas ang mga rehas na bakal mula sa sahig at nakaroon ng malaking bilog na kulungan. Lumikha ng ingay ang mga bakal nito. Pinindot niya ang pangalawang switch. May bumukas na pintuang bakal sa kisame ng basement. Mas malakas ang nilikha nitong ingay. Parang gumugulong na bato ang tunog nito. Mula dito ay lumabas ang isang halimaw na may pakpak — pakpak ng isang manananggal!
Mabigat ang bakal na kadenang nakasakal sa leeg nito. Ngunit tila balewala ang bigat nito para sa dambuhalang halimaw. Ibinuka nito ang papak at saglit lumutang sa hangin. Parang dragon itong lumapag sa sahig. Inilapit nito ang mukha kay Don Diego. Mga rehas lang ang namamagitan sa kanilang dalawa. Nilanghap nito ang amoy ng kaharap na parang kinikilala.
Lumabas ang mahabang dila nito at dahan-dahang idinikit sa mukha ni Don Diego. Nilasahan nito ang kanyang balat. Hinawakan naman ni Don Diego ang mahabang buhok nito. Umungol ang halimaw na parang naintidihan ang gustong niya ipadama.
"Simula pa lang ito Jasmin...magsisimula pa lang tayo. Di magtatagal at mararanasan ng buong Santa Isabel ang hirap na nararanasan natin ngayon," pangako ni Don Diego sa kanyang asawa. Tumalikod ito at nagpunas ng luha. Napaungol ng malakas si Jasmin. Nayanig ang buong basement.
Sa taas ng basement, nagpalinga-linga ang mga tauhang naghihintay kay Don Diego. May pagtataka sa kanilang mukha. Naramdaman nilang parang lumindol at bigla ring nawala. Ngunit bukod doon ay may kakaiba sa lindol na iyon dahil parang nakarinig sila ng galit na angal ng isang halimaw.
Umaayos ng pustura ang mga ito nang makita ang paglabas ni Don Diego mula sa isang pintuan. Inilabas niya ang shades mula sa kanyang bulsa at isinuot. Tinanguan niya ang isang tauhan at tinungo ang papalabas. Sumunod ito sa kanya pati na ang mga lalaking naka-itim na suit. Paglabas ng mansyon, sumakay siya sa itim na kotse na kanina pa naghihintay. Sumakay din ang kanyang mga tauhan sa dalawa pang itim na kotse. Nang makasakay na lahat, magkakasunod na binaybay ng tatlong saksakyan ang nag-iisang daan papalayo sa mansyon patungong Genetix Corporation.
***
SA LOOB NG BOARD ROOM, walang galaw na nakatayo si Dr. Luther Magtanggol sa harap ng malawak na bubog na bintana ng silid habang naghihintay sa pagdating ng ilang board members. Tanaw niya dito ang parking area sa baba ng gusali at ang mga sasakyang labas-pasok dito.
BINABASA MO ANG
Ang Manananggol, Ang Manananggal, At Ang Itim na Maskara
HorrorPAANO KUNG ANG MANANANGGOL MO AY ISANG MANANANGGAL? HAHANGAAN MO BA SIYA? GAGAWING KAIBIGAN? O KUKUTYAIN AT ITUTURING NA ISANG HALIMAW? Attorney Rachel Magtanggol's life spirals into blood and violence as she takes on the case of Don Diego, a notori...