CHAPTER 12 - Ang Halimaw na Sanggol

2.2K 106 1
                                    

"HELLO?" nanginig ang boses ni Rachel.

Agad napatitig ang apat nang sagutin niya ang tawag. Alam nilang si Lucas ito, ang dumukot kay Dante. Tulad ni Rachel, umaasa silang buhay pa ang binata.

"Dalhin mo si Aries at ang mga files sa Santa Isabel Sports Stadium alas-dose ng tanghali," sagot ng kabilang linya.

"Sports Stadium. Bukas. Alas-dose ng tanghali," ulit ni Rachel pagkababa niya ng telepono.

Nakahinga ng maluwag ang apat sa kanilang narinig. Nagkaroon sila ng pag-asa. Alam nilang malaki pa ang tsansa na buhay pa si Dante.

Ngunit hindi pa rin mapanatag ang kalooban ni Rachel hangga't hindi niya nakikita ng sariling mga mata ang buhay na katauhan ng kasintahan.

Tumango si Aries kay Rachel pag lapit sa isang aparatong nakapatong sa lamesa. Diniinan nito ang isang buton nang tumango din dito si Rachel. Itatago ng aparato ang kanilang location na maaaring ma-trace ng NBI sa gagawing pagtawag ni Rachel kay Inang Pasing.

Idinayal ni Rachel ang numero ng telepono ng kanyang bahay. Nag-ring ito at mabilis na sinagot ni Inang Pasing. Halata sa boses ng matanda na kinakabahan ito.

"Hello, Rachel?" bungad nito.

Normal namang sumagot si Rachel, alam niyang nakikinig ang mga tauhan ng NBI.

"Hello, Inang, magkita tayo bukas, sa Santa Isabel Sports Stadium. Alas-dose ng tanghali," sagot ni Rachel at agad na ibinaba ang telepono.

Walang imik na nagkatinginan ang lima. Emosyonal na napayakap si Trixie kay Rachel.

Tapos na ang kanilang paghahanda. Haharapin na nila ang kinatatakutang private army ni Don Diego. Alam nilang kapag nabawi nila si Dante mabubulok na si Don Diego sa kulungan. Matatapos na ang kaguluhan at babalik na sa normal ang lahat.

Ngunit may katanungan sa likod ng isipan ni Rachel, magiging normal pa ba ang buhay niya pagkatapos ng lahat ng ito?

***

HINDI dalawin ng antok si Rachel habang nakahiga sa loob ng kanilang silid. Inggit niyang tiningnan ang naghihilik na si Trixie sa kanyang tabi. Hinila niya ang kumot hanggang sa kanyang leeg at huminga ng malalim.

Naisip niya ang mga pangyayari.

Hindi siya makapaniwalang wanted siya ng batas. Bilang prosecutor, bakit siya ang inuusig nito? Bakit siya ang nagtatago mula dito?

Ginamit ni Don Diego ang kanyang yaman at impluwensiya para paikutin ang batas sa kanyang mga kamay at baliktarin ang katotohanan. Ito ba ang sinasabing "sa mata ng batas lahat ay pantay-pantay?" Napabuntong-hininga si Rachel.

Muli siya napatingin kay Trixie nang humilik ito ng malakas at muntik ng masamid kasunod ay ang paglabas ng hininga nitong parang sumisingaw na gasul. Muling tumahimik sa kanilang silid, naulinigan niya ang paghampas ng alon sa dalampasigan. Naisip niyang bumaba at magpahangin.

Nasa paanan na siya ng hagdanan nang mapansin niyang may tao sa balcony ng rest house. Sinilip niya ito at nakita si Aries. Bigla itong tumayo, hawak ang baso ng yelo. Sa palagay niya ay kukuha pa ito ng alak sa bar.

Nakaramdam ng panic si Rachel nang makitang papalapit ito sa kanyang direksyon. Mabilis siyang pumihit para umakyat pabalik sa kwarto. Pagkatapos ng nangyari sa kanilang dalawa ayaw niya munang kausapin ito. Hindi niya alam pero nakakaramdam siya ng hiya kapag kaharap ito. Pero huli na ang kanyang pagtalikod dahil nakita na siya nito.

"Pareho ba tayong hindi makatulog?" Narinig niyang sambit ni Aries.

Kahit nakatalikod, ramdam niyang malagkit ang titig nito sa kanya. Paano siya titingin dito ng walang nararamdaman?

Ang Manananggol, Ang Manananggal, At Ang Itim na MaskaraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon