Chapter 11

87.3K 3.3K 491
                                    

Angela

Ang ganda ng mood ko. Maayos kasi ang naging simula ng araw ko. Ang ganda ng gising ko, binayaran na rin ako ni Aling Delia sa utang nya kaya mayaman ulit ako ngayon. Nakasakay din agad ako ng jeep kaya hindi ako na-late sa pagpasok. Binati rin ako lahat ng mga katrabaho ko pagdating ko.

Kaya naman hindi na naalis ang ngiti sa mga labi ko. Buong araw yata ako nakangiti at kahit na marami ang ginagawa ko ngayon ay hindi talaga ako nakakaramdam ng pagod. Nangangalay na nga rin ang panga ko dahil sa pagngiti ko.

At alam kong napapansin iyon ng mga katrabaho ko. Pati nga sila ay nahawa na sa ngiti ko at natatawa na lang kapag napapatingin sa akin. Kaya ang nangyari, masaya ang araw naming lahat.

"Blooming na blooming si Angela, ah?" pansin sa akin ni Lara nang may pagkakataong makapag-lunch kami. Pero nasa loob pa rin kami ng studio. Hindi yata namin mako-consume ang one-hour break namin dahil kailangan naming matapos ang lahat ngayong araw.

"Ang ganda naman kasi ng lovelife nyan!" sabi Nina na pabirong inirapan pa ako.

Tumawa na lang ako. Ang buong akala pa rin nila ay boyfriend ko si Lucius D'Angelo. Hindi ko na mabawi, eh. Buti nga ay hindi sila nagtataka dahil hanggang ngayon ay wala akong ipinapakita sa kanilang Lucius D'Angelo. Siguro ay naiintindihan naman nila na busy 'yung tao. Pero alam ko na balang araw ay pipilitin nila akong makita si Lucius. At bago pa mangyari iyon ay sana maka-isip na ako ng rason sa paghihiwalay namin.

Buti na lang talaga at hanggang ngayon ay walang pulis na dumadampot sa akin dahil sa kasinungalingan ko!

Sana talaga ay hindi makaabot sa kanya ang kwentong ginawa ko!

"Talagang blooming!" pagsingit ni Maricel na nakiupo pa sa table namin. "Ang gwapo ba naman ng boyfriend nya!"

Simula din nang araw na nagsinungaling ako, naging mabait na sa akin si Maricel. Hindi na nya ako inuutusan. Nagulat pa nga ako dahil sya na ang nagtutupi ng ginulo nyang mga damit sa wardrobe! Sya na rin ang nagtitimpla ng juice nya at nagpapaypay sa sarili nya kapag naiinitan sya.

May mabuti rin namang naidulot ang pagsisinungaling ko.

Pero hindi! Kasalanan 'yon, eh! Kinakain na nga ako ng konsensya ko! Pati si Lucius D'Angelo na walang kaalam-alam ay nadamay pa!

Narinig ko na napasinghap sina Lara at Nina sa sinabi ni Maricel. Kumunot naman ang noo ko.

"Nakita mo sya?" tanong ni Lara na kumikislap pa yata ang mga mata.

"Nakita? Sino?" tanong kong naguguluhan pero kinakabahan na.

Umirap si Maricel sa akin pero ngumiti din nang tumingin kina Lara at Nina.

"Oo! Nakita ko silang magkasama ni Lucius D'Angelo!"

Nagtilian ang dalawa kong kaibigan pero ako ay naiwang nakatulala at gulong-gulo. Nakasama ko si Lucius D'Angelo? Kailan? Saan? Bakit hindi ko alam 'yun?

"Nakita mo kami?" tanong kong kunot na kunot ang noo.

"Yes!" patiling sagot ni Maricel. "Alam ko na kung bakit ayaw magpakita ng mukha ng boyfriend mo sa mga interview nya. Ang gwapo-gwapo naman kasi at talagang pagkakaguluhan sya!"

Nagtilian silang tatlo kaya napatingin sa amin ang ibang mga katrabaho namin. Samantalang ako ay feeling ko na lumipad yata ang utak ko palabas ng bungo ko. Hindi ko alam kung anong nangyayari.

Nakita ni Maricel si Lucius D'Angelo? Eh, wala ngang nakakakilala sa mukha ni Lucius sa labas ng business world! Ang mga katulad namin ay malabong makilala sya tapos sasabihin ni Maricel na nakita nya? At magkasama pa talaga kami!

Chess Pieces #4: Lucius D'AngeloTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon