Muli nating bigyan ng kulay at kuwento ang,
Blangkong Pahina.
Title: Torch
Written by: Lyeoh Norah
Written Date: 3/20/20
Posted Date in FB: 03/20/20
Date posted in Wattpad: 04/13/20Ikalawang Kabanata
Pumasok ang isang lalaking nakamaskara. “Sino ang kausap mo?” bungad na tanong niya sa akin. Inilibot niya ang paningin sa loob ng silid. “Bakit ka nagsasalitang mag-isa?”
Hindi ako makasagot sa tanong niya. Iniisip kong paanong hindi niya nakikita si Mr. Snobber gayong nakasandal lang naman siya sa dingding ng silid na ito? Binigyan ko ng tingin na nagtatanong si Mr. Snobber kung paano nangyari 'yon pero tinaasan niya lang ako ng kilay.
“At paano mong naalis ang busal mo sa bibig?” hinaltak pa ng lalaki ang telang nakasabit pa sa leeg ko.
“Aray! Baka naman gusto mong magdahan-dahan?” angal ko. “Ano nga pala ang kailangan mo at bakit mo ako kinidnap?” mataray kong tanong.
“S'yempre pera.” walang pag-aalinlangan niyang sagot.
“Magkano ang kailangan mo? Ako na ang magbibigay sa 'yo at pagkatapos ay pakawalan mo na ako.”
“Sa pagkakaalam ko, mas may pera ang tatay mo kaysa sa' yo.”
“Wag mo nang idamay dito si daddy. Baka atakihin 'yon sa puso! Tayo na lang ang mag-usap.” matigas kong tugon na sana' y makinig siya.
“Hindi ikaw ang ka-transaksyon ko. Kaya tumahimik ka! Wala ka naman alam kundi gumastos lang ng pera!” saad niya habang panay ang pindot sa hawak niyang cellphone. “Heto, sinagot na.” bahagya niyang inilahad ang cellphone sa akin. Mabilis man ito'y sapat na para makita kong cellphone number nga ni daddy ang tinawagan niya. “Kumusta Mr. Leybis? Alam kong busy kang tao kaya madaliin na lang natin ito. Gusto kong ibenta sa 'yo ang sarili mong anak...sa halagang kayang-kaya mo at sa presyong magugustuhan ko.”
Naiirita ako sa mga sinasabi niya. Pinanggigilan ko na lang ang lubid na nakatali sa mga kamay ko. Sa oras na makawala ako rito, may kalalagyan ka!
“Oh? Gusto mong marinig ang boses ng prinsesa mo? Maliit na bagay.” idinikit niya ang cellphone sa tainga ko.
“Sheree? Anak? Ikaw ba talaga 'yan?” gusto nang kumawala ng mga luha ko pero kailangan kong maging matatag. Panay ang salita ni daddy sa kabilang linya. Paulit-ulit niyang binabanggit ang pangalan ko pero hindi ako sumasagot.
Masamang tingin ang ipinupukol ko sa taong kumidnap sa akin. “Bakit ayaw mong kausapin ang ama mo?” Tinapakan niya ang paa ko dahilan para mapasigaw ako.
Ayaw kong marinig ni daddy ang boses ko. Ayaw kong mag-aalala siya sa akin pero siya lang ang makakatulong sa akin para makawala ako rito. “Sino ang nagbigay sa 'yo ng cellphone number na 'yan?” tanong ko sa kaniya na nagpakunot ng noo niya. “Pinapakausap mo sa akin ang taong hindi ko naman kilala?” pinarinig ko kay daddy ang boses ko. Alam kong matalino siya kaya sana maintindihan niya ang nais kong iparating.
Tumawa lang ang lalaki sa sinabi ko. Pagkatapos ay kinausap muli si daddy, sa pagkakataong ito, naka-loud speaker na ang cellphone. “Oh, pa'no mukhang nagkamali pala ako ng kinausap na tao. Hindi pala ikaw ang tatay nitong babaeng kaharap ko? Kung gano'n, wala nang pag-uusap na magaganap sa pagitan nating dal'wa. Kung kaninong anak ito, abangan na lang niya ang bangkay sa kung saan ko itatapon.” Alam kong sinadya niya 'yon para si daddy ang bumigay sa planong ginawa ko.
Kinakabahan akong naghihintay sa magiging sagot ni daddy. Kapag bumigay siya, malaking pera ang makukuha ng taong 'to. At baka hindi lang ito dito magtapos. Natatakot ako pero alam kong hindi ako pababayaan ni daddy.
“Magkano ang kailangan mong halaga?” sagot ni daddy mula sa kabilang linya. “Ayokong makitang may galos ang katawan niya o bawas ang kaniyang buhok. Dahil sa oras na mangyari 'yon, may kalalagyan ka.”
Humalakhak ang lalaki sa naging sagot ni daddy. Pagkatapos ay lumapit at bumulong sa akin, “Pa'no, ako ang nagwagi? Alam kong matalino ang tatay mo at naisip na niya ang gusto mong iparating pero mas natakot siya sa banta ko.” Lumayo siya ulit at tumawa. “Diyan ka muna, mag-uusap pa kami.” Tuluyan na siyang umalis ng silid.
Narinig ko ang pagpalakpak ni Mr. Snobber mula sa kabilang banda ng silid. Tiningnan ko siya nang masama. “Natuwa ka ba sa shooting? Humanda ka sa akin kapag nakawala ako dito!” giit ko. Hindi na siya nakatulong! “Kung pinapakawalan mo ako dito, mas matutuwa ako sa 'yo.”
“Hindi ko gagawin' yon. Dahil ang kamatayan mo ang hinihintay ko.”
Nag-igting ang bagang ko sa sinabi niya. “Hindi mangyayari 'yon.”
“Ang makita mo ako ay isang katunayan na malapit na itong maganap.” sabi pa niya.
“Bakit? Sino ka ba? Ano ka ba!?”
Hindi niya ako sinagot sa halip ay naupo na lang siya sa sulok at tinugtog ang kaniyang gitara.
Nanggagalaiti na ako sa kaniya. Sigaw na ako nang sigaw pero hindi niya ako pinapansin.
Biglang bumukas ang pinto. “Tumahimik ka! Wag kang sumigaw! Walang makakarinig sa 'yo. Nasa basement tayo sa gitna ng gubat. Mawawalan ka lang ng boses pero walang tagapagligtas na darating para sa 'yo!” galit na sigaw ng kidnaper sa akin. Pagkatapos ay pabagsak niyang isinarado ang pinto.
“Nandito ka lang pala.” tinig ng isang babae. Agad ko siyang hinagilap. Katabi na siya ni Mr. Snobber.
“Sino ka naman?! Paano ka nakapunta dito? Sino ba kayo! Ano ba kayo!” sigaw ko ulit sa kanila.
“Uh? Nakikita niya tayo?” tanong ng babae kay Mr. Snobber, para siyang cosplayer dahil sa suot niya. Tumango lang si Mr. Snobber bilang sagot sa tanong niya. “Ibig sabihin, malapit na siyang mamatay? Pero, bakit niya tayo nakikita?”
“Ano bang pinag-uusapan n'yo?!” sigaw ko ulit.
“Hindi ko rin alam.” sagot ni Mr. Snobber sa tanong ng babae.
Isang malapad na ngiti ang nakita ko sa mga labi ng babae. Nakikita ko sa mga mata niya ang kasabikan sa kung anong bagay na nakikita nila sa akin na tanging sila lang ang nakakaalam.
“Gusto mong malaman? Ako gusto ko.” anang babae. Lumapit siya sa akin at kinalagan ako sa pagkakatali. “Sige. Malaya ka na. Ipakita mo sa amin kung ano ka.”
Kalag na mga tali sa akin pero hindi ako makalagaw. May kung ano sa akin na nagsasabing ikakapahamak ko kapag tumakas ako.
Itinigil ni Mr. Snobber ang pagtugtog sa gitara niya at hinarap ang babae. “Ano'ng ginagawa mo?” seryosong tanong niya.
“Pinapadali ko lang ang bagay na hinihintay mo. Ayaw mo ba?”
*********
Itutuloy...
BINABASA MO ANG
Torch
Mystère / ThrillerSi Sheree Anne Leybis, isang rechargeable torch. Ang torch ay makikita sa puso ng isang tao, dito mo malalaman kung gaano pa kahaba ang itatagal ng kanyang buhay. At si Sheree, ay napabilang sa isang torch kung saan kapag ito namatay, muling mabub...