"Señorita, ihahanda ko na po ang inyong silid na pagpapahingahan" nakayukong saad ng tagasilbi na nasa aking harapan. Kumunot ang aking noo sa kaniyang tinuran, "Nais kong sa silid ni Bruella ako magpapahinga" matigas kong tugon sa kanya. Gulat siyang napatingin sa akin at muling yumuko, may bahid siya ng pag aalinlangan. Alam kong hindi papayag ang kanyang amo ngunit ako ang masusunod.
"Se-señorita, sigurado po ako hindi papayag-" hindi na niya natapos ang sasabihin nang muli akong nagsalita. " Ipahanda ninyo ang aking kalesa, walang tumbas ang anumang silid ninyo sa aking silid". "Ngunit Señorita" bakas sa kanya ang pagdadalawang isip.
"Señorita Ingrid, paumanhin sa inasal ng aking tagasilbi. Ano ang maipaglilingkod ng aming pamilya sa iyo?" hindi namin napansin ang pagdating ng ina ni Bruella na si Donya Concepcion. "Nais ko nang magpahinga at sinabi ni inang dito ako tutuloy sa inyong tahanan, inyo naman sigurong napaghandaan iyon hindi ba?" walang pag aalinlangan kong sagot sa kanya. Alam ko naman kung sino ang pinagmanahan ng Bruellang iyon, wala ng iba kundi sa kanyang ina na matabil ang dila, mabuti kapag ika'y kaharap ngunit sinasaksak ka sa iyong pagtalikod.
Ngumiti siya bago nagsalita, maaari akong alahera sapagkat alam ko ang pinagkaiba ng peke sa tunay, "Oo naman Señorita, malinis at komportable ang silid ng aming mga bisita", walang ekspresyon ang aking mukha kaya muli siyang nagwika, "May nais ka bang idagdag?" pinipigil ko ang inis na dumadaloy sa aking dugo dahil sa ngiti niyang mas peke pa sa tingga.
"Walang tutumbas sa aking silid, mapagtatiyagaan ko na ang silid ni Bruella" tugon ko at nagsimula nang maglakad papasok sa kanilang tahanan sapagkat sa labas ng kanilang tahanan idinaos ang piging at sayawan."Ina! Hindi maaari!" rinig kong reklamo ni Bruella sa kanyang ina sa labas ng kanyang silid. Wala naman akong pakialam sa nararamdaman niya, hindi isang pabor ang pagtuloy ko sa kanyang silid, hindi rin ako humihingi ng pahintulot. Kasalanan naman nilang mag ina ito, kung hindi sila masyadong sumipsip sa aking ina at nagbalat kayong may mabubuting budhi, hindi ako ipagkakatiwala ni ina sa mga huwad na gaya nila.
Ipinikit ko na ang aking mga mata nang magulantang ako sa pagpasok ng apat na kababaihan kabilang si Bruella. Nakangiti sila at nagtatawanan, napahawak pa siya sa kanyang bibig at nagkunwaring nahiya sa pag istorbo sa akin ng kanilang malalaking bibig. "Señorita Ingrid, paumanhin sa aming kaguluhan. Nais ko nga palang ipakilala sa iyo ang aking mga kaibigan" ngiti niyang sabi. Nakaupo lamang ako sa kanyang higaan habang seryosong pinagmamasdan sila.
"Caridad, Antonia, Julietta, magbigay galang kayo siya ang anak ng gobernadorcillo" sarkastiko niyang sabi sa tatlong babae na tiningnan muna ako mula ulo hanggang paa bago nagbigay galang, halata namang hindi nila iyon ginusto dahil yumukod sila habang nakatingin sa isa't isa. Hindi na ako magtataka dahil mga mukha silang aso na sunudsunuran sa kanilang amo. "Señorita, dahil hindi ka na iba sa amin, dito na rin kami magpapahinga" saad niya at agad kumapit sa aking braso.
Masasabi kong maaari siyang gumanap sa palabas sa entablado sa bayan. Kapanipaniwala ang kanyang mga kilos at pananalita lalo na't kung hindi mo siya kilalang lubusan.
"Mukhang magiging masaya ang ating gabi" dagdag pa niya. Agad kong ikinalas ang kanyang pagkakahawak sa akin at tuluyan nang humiga. "Nais ko nang magpahinga, sana'y hindi mahirap para sa inyo ang pagtahimik" habol ko pa bago ako muling pumikit. "Gabi ngayon ng kasiyahan Señorita, mahirap din ba para sa iyo ang magsaya?" sagot ni Bruella, nais ba niyang makipagtalo sa akin sa harap ng kanyang mga alaga?
Hindi ko siya pinansin at nanatiling nakapikit. "Kung sabagay, wala ka namang mga kaibigan. Paano ka nga naman magsasayang mag isa? Puwera na lamang kung nawala ka na sa iyong katinuan" naghagikihikan sila sa tinuran ng kanilang amo. Hindi ako gumalaw sa aking pwesto subalit hindi ko hahayaang gawin niya ito sa akin dahil lamang nasa loob ako ng kanyang silid.
BINABASA MO ANG
When In Summer
Historical Fiction*Inspired by Nick Joquin's 'May Day Eve'* "Paano kung ako ay magkamali?" "Mahabag sa iyo ang makapangyarihan sa itaas!" "Bakit?" "Sapagkat ang diyablo ang magpapakita sa iyo!" Ating samahan si Ingrid sa kanyang pakikipaglaban para sa pangarap, pag i...