KABANATA 9

1 0 0
                                    

Hindi na nasundan pa ang aking pagbisita sa pagamutan matapos ang aking nasaksihan. Agad ako noong pumuslit at tumakbo upang hindi na mas lalo pang masaktan, hindi ko maunawaan ang aking sarili sapagkat ako ay tumakbo palayo sa pagamutan gayong ang aking puso ay sugatan.

"Ate Ingrid" nilingon ko siya na kanina pa pala roon ako pinagmamasdan. Aking nakalimutan na tinutugtugan ko nga pala si Lilia ng gitara. Aking kinupkop pansamantala si Lilia habang ang kanyang ama ay nagpapagaling pa, mabuti na lamang at pumayag si ama at ina sa aking kagustuhan. Ang isa pa ay hindi ko nais na iwanan ng gayon na lamang si Lilia, wala pa siyang muyang sa malupit na mundo, ang kailangan niya ay kakampi at nais ko sanang ako iyon.

"Pasensya na Lilia, sa susunod na lamang tayo muling tumugtog ng gitara. Aking nalimutan na kung paano ito kalabitin" pagdadahilan ko pa sa kaniya. "Ayos lamang ate, kung hindi mo pa nais muling tumugtog ay hindi kita pipilitin." tugon niya at mili akong nginitian. Napakaganda niyang bata at nais ko rin siyang maging nakababatang kapatid kung kaya't ate na lamang ang aking pinatawag sa kanya subalit aking batid na siya ay aalis din sa oras na gumaling na ang kanyang ama. Minsan ay sinasapaian ako ng masamang espiritu at hinihiling na tumagal pa ang kanyang ama sa pagpapagaling upang akin pa siyang makasama ng matagal ngunit agad din akong natatauhan at napapaantanda.

"Siya nga pala ate, ikaw ay palaging hinahanap sa akin ni Ginoong Sebastian" muli niyang wika upang ako ay mapatitig sa kaniya. Aking nais magtanong pa sa kaniya kung ano pa ang sinabi nito ngunit nanunumbalik sa akin ang alaalang kayakap niya si Bruella. Hindi ko maunawaan ngunit nang mga oras na iyon ay daig ko pa ang ang may sakit na nakaratay sa higaan, sakit na hindi ko mabatid kung saan nagmula.

"Galit ka ba sa kaniya ate?" muli nitong tanong. Ngiti lamang aking naisagot sa kaniya sapagkat hindi ko rin alam kung ano nga ba ang aking dapat maramdaman at isipin. Wala akong ni isang katiting na karapatan upang sa kaniya ay magalit o ang magselos man lamang sapagkat unang una ay hindi ko siya kasintahan at pangalawa ay hindi ko siya kasintahan.

"Lilia, ikaw ay akin nang ihahatid sa iyong silid. Oras na upang magsiyesta upang ikaw ay lalong lumaki na maganda" pinisil ko pa ang kaniyang pisngi sa panggigigil. Katabi lamang ng silid niya ang silid ni Basti na ngayon ay sigurado akong walang tao sapagkat abalang abala ito sa pagamutan at kay Bruella.

Inihatid ko na siya sa kaniyang silid at inawitan upang agad na makatulog. Napakasarap ding magkaroon ng nakababatang kapatid, pinapagaan niya ang aking mabigat na nararamdaman nang hindi niya nalalaman. Nang makalabas ako sa kaniyang silid ay agad kong nakasalubong si ama sa pasilyo, nagbalik muli lahat ng aking nabatid tungkol sa kaniya. Hindi ko magawang tingnan siya, hindi ko maunawaan sapagkat siya ang may kasalanan ngunit ako itong nahihirapan siyang tingnan.

Akin na sana siyang lalagpasan ngunit siya ay nagwika, "Ingrid, ikaw ba iyan anak?". Alam kong hindi siya nagtatanong dahil hindi niya alam ngunit sapagkat hindi ako nagbigay galang o bumati man lamang sa kaniya. Naistatwa ako mula sa aking kinatatayuan, hindi ko nais siyang bastusin ngunit sa aking nabatid ay hindi ko mapigilan.

"Paumanhin po, masama lamang ang aking pakiramdam" agad akong yumuko at tumakbo patungo sa aking silid. Masakit para sa akin ngunit hindi ko nais maging ganoon si ama, maging magnanakaw at abusado sa kaniyang tungkulin at ako na nakakaalam ay wala man lamang ginagawa ukol dito.

Hindi ko namalayang nakaidlip na ako sa aking pag iisip, madilim na nang ako ay magising. Ako ay napabangon mula sa aking higaan nang makarinig ako ng tawanan mula sa aming salas. Marahan kong ibinukas ang aking pinto upang silipin kung sino ang naroroon at aking natanaw si ama at si Basti na nagkakatawanan sa kanilang pinag uusapan. Ibig sabihin ba ay maging si Basti ay kasabwat ni ama sa kaniyang pagiging baluktot sa tungkulin sapagkat si Basti ay kanyang kanang kamay at masugid na tagapaglingkod.

When In SummerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon