Marahan kong hinihipan ang kapeng itinimpla para sa akin ni Asuncion. Madaling araw pa lamang ngunit nais ko nang bumangon, nakaidlip rin naman ako ng ilang oras ngunit hindi ko lamang talaga maatim na magpahinga samantalang si Basti ay walang nakakaalam kung saan naroroon. “Mauuna na din po ako bago tuluyang sumikat ang araw, hindi na ako magsasayang pa ng oras upang hindi siya hanapin” wika ko at humigop ng mainit na kape. “Saan mo siya hahanapin?” maikli ngunit may pag aalala niyang tanong sa akin. “Hindi ko din alam ngunit hindi ko balak na sumuko” tumayo na ako at ibinalot na ang balabal sa aking balikat. “Sandali lamang hindi maaaring umalis kang nag iisa” pigil niya sa akin.
“Saan ho ba siya huling nakita?” tanong ni Mang Emil. “Sa paggamutan siya huling nagtungo ngunit ang sabi doon ay maaga din siyang umuwi” tugon ko at inaalala ang mga sinabi ng doktor. “Saan kaya siya maaaring magtungo?” muli niyang tanong ngunit umiling na lamang ako, kung batid ko ang kasagutan ay nagtungo na ako sa kanya ngayundin. “Paumanhin Binibini ngunit paano kung hindi naman siya umalis bagkus ay dinakip” singit ni Samuel. Napatayo naman ako sa ideyang iyon, paano nga kung ganoon? “Ngunit bakit naman siya dadakipin?” tanong ni Fernando. Napakaraming tumatakbo sa aking isipan ngayon upang sagutin siya, pabalik balik na rin ako sa paglalakad sapagkat ako ay hindi na mapakali. “Hindi ninyo ba naiisip? Sa pagkakataong ito, si Ginoong Basti ang nagpapatakbo sa buong kabayanan, nasa kaniya ang kapangyarihan na ipinagkatiwala ng ating Alcalde. Maaaring bihagin nila siya upang mapasunod sa kanilang mga pansariling hangarin” sagot ni Carlos na lalong nakapagpaisip sa akin. “Wala ho bang kaaway o natatapakang tao ang iyong kasintahan?” baling sa akin ni Samuel. “Sino naman kaya sila?” dagdag naman ni Fernando habang umiinom ng kape na ikinatigil ko.
“Hindi ba talaga ako maaaring sumama sa inyo?” pagpupumilit ko, nag aayos na sila ng kagamitan at handa na upang bumaba ng kabundukan. Napagdesisyunan na nilang mag espiya upang matunton ang dumakip kay Basti. “Binibini, masyadong mapanganib at isa pa ho ay mabilis kayong makikilala ng mga tao at magtataka na kami ay inyong kasama” napayuko at napasimangot na lamang ako sa tinugon ni Carlos. Tama naman siya, pansin kong siya ang pinakamatalino sa kanila. “Tama siya Binibini, ang isa pa ay siguradong pinahahanap na rin kayo ng inyong ama. Kung ikaw ay kanyang matagpuan ay siguradong hindi siya papayag na ikaw mismo ang humanap sa ginoo” sang ayon ni Samuel na siyang pinakamabait at malaman magsalita, siguro ay dahil na rin sa siya ay naglilingkod sa simbahan. “Hayaan mo Binibini, pipilitin naming mahanap kaagad siya para sa iyo. Kung ikaw ay mababagot sa paghihintay, maaari mo bang ipagluto kami ng masarap na pansit?” singit ni Fernando habang hinihigpitan ang pagkakabuhol ng kanyang gamit. “Mahiya ka nga” sabay na tugon ni Samuel at Carlos sa kanya. “Sigurado naman akong nanaisin ipagluto ni Binibining Ingrid si Ginoong Basti” Napakamot pa siya sa kanyang batok at isinukbit sa kanyang likod ang kanyang mga dala. Napangiti naman ako at tumango na lamang, hindi man mautak si Fernando noong dinakip niya ako ngunit kaya naman niya akong pangitiin at mapanatag sa kanyang mga salita. Nagpaalam na silang umalis ngunit may bagay akong naalala. “Sandali, maaari ninyo ba itong idaan sa aming tahanan?” iniabot ko sa kanila ang liham para kay ama na tinanggap naman ni Carlos at tumango bago tuluyang umalis.
Mahal kong Ama,
Paumanhin po sa walang paalam kong paglisan ngunit ito ay panandalian naman lamang. Ama, huwag na po kayong mag abala na ako ay ipahanap sapagkat ako ay magbabalik rin naman, may mahalagang bagay lamang akong nais gawin. Sana po ay pagkatiwalaan ninyo ako sa bagay na ito, pangako ko pong ako ay babalik ng buhay at ligtas. Mahal ko po kayo.
Ingrid
Masama man kung iisipin ngunit sinadya kong kay ama lamang ipangalan ang aking liham sapagkat alam kong abala naman si ina sa kanyang mga pansariling interes upang mag alala pa sa akin.
Sumilip na ang haring araw at kitang kita ko kung paano nagsilabasan ang mga tao mula sa kanilang mga tahanan bitbit ang kanilang mga kagamitan, maging si Asuncion ay ganoon din. “Saan kayo magtutungo?” harang ko sa kaniya sa kaniyang pintuan. “Aalis lamang ako upang diligan ang aking mga tanim, ako ay magbabalik din naman” napakagat pa ako sa aking ibabang labi, nais kong sumama ngunit paano kung biglang dumating sila Carlos kasama si Basti? “Dumito ka na lamang, mayroon ka namang makakasama dito at sigurado akong hindi ka mababagot” ngiti niya na mukhang siguradong sigurado sa kanyang pagkakasabi. Tumango na lamang ako at ngumiti din at matapos noon ay tinawag na siya ng iba pang mga ginang at ibang mga kalalakihan na nakagayak din ng pagtatanim. Kumayaw pa ako sa kanila bago tuluyang pumasok sa kaniyang tahanan upang maghanap ng aking gagawin.
BINABASA MO ANG
When In Summer
Historical Fiction*Inspired by Nick Joquin's 'May Day Eve'* "Paano kung ako ay magkamali?" "Mahabag sa iyo ang makapangyarihan sa itaas!" "Bakit?" "Sapagkat ang diyablo ang magpapakita sa iyo!" Ating samahan si Ingrid sa kanyang pakikipaglaban para sa pangarap, pag i...