IKADALAWANGPUT ISANG KABANATA

106 0 0
                                    

            Elka

            Napatayo ang aking kasama mula sa pagkakaupo at agad bumaling kung saan nagmumula ang tinig.

 

            Elka

 

            Elka

            Patuloy na tawag sa akin ng aking ina na mabilis tumatakbo patungo sa aming direksyon. Tumayo ako upang sya ay salubungin, nanginginig ang kanyang tinig at may bakas ng takot ang kanyang mukha. Wala akong magawa at masabi maliban na lang sa paghawak ko sa kamay ng bata na hindi umalis sa aking tabi.

 

            Elka, Takbo!!!

            Agad akong binuhat ng bata sa kanyang mga kamay at mabilis kaming lumayo sa lugar. Sa di kalayuan ay maririnig mo ang mga ungol ng tinatawag nilang taong lobo. Isa-isa silang lumabas mula sa likod ng aming tahanan habang inihahagis nila palayo ang duguan at wala ng buhay ng aking ama kasama ang lalaki na kani-kanina lang ay kausap pa niya.

            Mabilis na humahabol ang aking ina sa aming direksyon. Sandali lang syang tumigil at ang bata at saka lumapit sya sa akin.

            “Elka, makinig ka” at mahigpit na hinawakan nya ang aking mga kamay at hinalikan ito matapos ay ang aking noo.

            “Kailangan mong mabuhay, hindi ko alam kung papaano pero kailangan mong mabuhay. Tandaan mo na mahal na mahal kita, kami ng papa mo at gagawin namin ang lahat para protektahan ka”

            Kusang umabot ang aking mga kamay upang yakapin ang aking ina. Alam ko na sa mga binitawan nyang salita, ito na ang huling pagkakataon na makikita ko ang aking ina.

            “Erick, protektahan mo sya ng higit pa kanino man”

            At doon na naghiwalay ang aming landas. Umiba ng direksyon ang aking ina upang ilayo ang mga lobo na humahabol sa kanya.

            Unti-unti na kaming nakakalayo sa lugar ngunit naririnig ko parin ang mga ungol ng mga lobo na hinahanap ang aming lokasyon. Hindi ko namalayan na tumigil ang bata sa kanyang mabilis na pagtakbo.

            Isang bangin ang nag-aabang sa aming harapan. Mabilis na inikot ng kanyang mga mata ang lugar upang humanap ng isang ligtas na lugar ngunit wala. Pareho kaming napaatras ng bumungad sa aming harapan ang mga naglalakihang lobo.

            “Nangako ako na proprotektahan kita maging kapalit man nito ay ang aking buhay at wala akong balak na bawiin ang pangakong iyon. Kung ano man ang gagawin ko ngayon, sana mapatawad mo ako, Elka”

            At unti-unting natakpan ng puting liwanag ang aking mga mata habang mabilis akong nahuhulog sa aking kinalalagyan. Pinilit ko na iabot ang aking kamay sa kanya, ngunit masyado ng malayo ang kanyang kinalalagyan. Wala na akong maramdaman maliban sa sakit na bumabalot sa aking katawan at ang dugo na dumdaloy sa aking mukha. Nang muli kong imulat ang aking kamay, ay buhat-buhat na ako ng isang pulis na tinatawag nila sa pangalang George.

            Hindi ko maalala kung kailan nagsimula ang lahat. Ang naaalala ko lang, ay nagising ako isang araw sa kagubatan, sugatan at puro dugo ang aking katawan. Sumisinag ang liwanag ng bukang liwayway sa aking mga mata habang buhat-buhat ako ng isang pulis na dahang-dahang naglapag sa akin sa upuan ng ambulansya. May mga bagay syang tinatanong na hindi ko na maunawaan. Gulong-gulo ang aking isipan sa mga pangyayari at hindi ko na alam ang aking sunod na gagawin.

            Naririnig ko ang mga huni ng mga ibon sa di kalayuan, ganon din ang pagaspas ng tubig na dumadaloy sa ilog. Nilakbay ng aking mga mata ang kagubatan at nasilayan ko ang mga nagtataasang puno sa aking paligid. Puno ng masasayang ala-ala ang lugar na ito ngunit sa isang iglap ay naglahong lahat iyon. Patuloy pa din ang mga hiyawan ng mga tao na nakauniporme at ang ingay na nililikha ng wangwang ng ambulansya.

            Sa di kalayuan mula sa aking kinalalagyan, isa-isang inilabas ang mga katawan na wala ng buhay. Alam ko sa sarili ko na naging bahagi sila ng buhay ko ngunit sa isang banda may takot parin akong nararamdaman. Gusto ko silang lapitan at hawakan ngunit hindi ko magawang ihakbang ang aking mga paa ni tinig o sigaw ay wala man lang lumabas sa aking bibig. Sa pag-alis ng ambulansya, nararamdaman ko ang init ng aking mga luha na unti-unting dumadaloy sa aking pisngi. Kahit sa malayo ay pilit ko paring tinatanaw ang mga taong, hindi ko na muli makikita kailanman ganon din ang lugar na aking kinalakhan. Kailangan kong magpatuloy at magsimula muli. Ngayon, mag-isa na lang ako at wala ng gagabay sa akin at magtatanggol. Kailangan kong harapin ang panibagong mundo na naghihintay sa akin ng nag-iisa. Mag-isa.

 

 

            Patawarin mo ako Elka. Pero gusto ko lamang malaman mo na ang lahat ng gagawin ko ay para sa ikabubuti mo. Sa muling pagmulat ng iyong mga mata, magbabago na ang mundong iyong ginagalawan at babalik ka na sa mundo ng masasamang panaginip kung saan hindi ka na makakabalik pa. Sa gagawin kong ito ay tatanggapin ko lahat ng kaparusahang ibibigay mo kahit gaano man ito kasakit sa puso ko.

 

 

            Habang buhat-buhat nya ako sa kanyang mga kamay ay naririnig ko din ang mga katagang gusto nyang sabihin sa akin. Marahan nya akong ibinaba sa sahig at niluwagan ang aking damit.

            Mainit at mabilis ang pag-agos na dumadaloy sa aking leeg pababa sa aking katawan at bago ko pa namalayan ay ang sarili ko pa lang dugo ang umaagos sa aking leeg habang nakalapat ang mapusok na labi ni Erick dito.

            Sinubukan kong magpumiglas ngunit mahigpit ang pagkakakapit nya sa akin hanggang sa wala na akong magawa kundi pagmasdan ang kanyang mukha habang unti-unti nyang inuubos ang dugo sa aking katawan.

            Matapos ay nag-angat ng mukha si Erick at hinaplos ang aking pisngi. Kusang pumatak ang aking mga luha sa kanyang kamay at pinawi nya ito ng kanyang mga halik. Mula sa kanyang bulsa ay kinuha nya ang isang maliit na botelya na naglalaman ng dugo. Ininom nya ito at pagkaraa’y isinalin nya sa aking bibig.

            Malamig ang labi nya katulad ng dati, mas malamig pa sa ulan na nagsimula ng pumatak mula sa madilim na kalangitan. Natakluban ang bilog na buwan ng mga ulap na syang nagbibigay liwanag sa kanyang maamong mukha.

            Ngunit ang lamig ay napalitan ng init, init na sumusunog sa aking kalamnan at buong pagkatao, sa aking kaluluwa. Isa-isa nitong pinapatay ang bawat organismo na nabubuhay sa aking katawan at muli itong binibigyan ng isang buhay na walang hanggan. Nagbabalik sa aking gunita ang mga ala-ala ng aking nagdaan. Masasakit na ala-ala na hindi ko na mababago kailanman. Dumadaloy sa hangin ang matamis at mabangong amoy ng dugo. Dugo ng mga tao.

            Dugo. Gusto ko ng dugo.

            Nauuhaw ako sa dugo. Dugo na tanging aalis sa panunuyo ng aking lalamunan. Agad akong nagmulat ng aking mga mata at nasilayan ko ang maamong mukha ng isang bata na pagkaraa’y naging isang binata. Hinawakan ko ang kanyang mukha at tinitigan sa kanyang mapupungay na mata.

            “Maligayang pagbabalik, Prinsesa Elka”

Under the Hidden Moon (Hating Gabi I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon