UNANG KABANATA

390 5 0
                                    

             Kriiiing…. Kriiiing…           

            Unti-unti kong minulat ang aking mga mata sa pagtunog ng alarm clock sa aking kaliwa na nakapatong sa isang munting mesa. Ala-sais na ng umaga at kailangan ko ng maghanda sa pagpasok sa eskwela. Sampung taon na ang nakakalipas magmula ng ampunin ako ng pulis na tumulong sa akin at hanggang ngayon ay dinadalaw pa rin ako ng mga ala-ala sa aking panaginip.

            “Tinanghali ka na naman ng gising,”

            Ang sambit sa akin ni George na nauna ng mag-umagahan, suot na rin nito ang uniporme at handa ng umalis anumang oras. Si George ang pulis na umaruga sa akin, siguro dahilan na rin sa tumanda na itong mag-isa kaya naisipan nya na kupkopin na rin ako. Hindi pa naman sya ganoong katanda sa idad na 35, ngunit sa panahon ngayon, dapat ay may-asawa na sya o anak. Kumuha ako ng plato at marahang naupo sa harapan niya.

            “Sinabi ko na sa iyo na tigilan mo ang pagpupuyat,” sunod nitong sambit.

            Katulad ng dati, tahimik lang akong makikinig sa mga pangaral nya habang kumakain. Tama naman sya, masama din sa katawan ng tao ang pagpupuyat pero anong magagawa ko? Kailangan kong mag-aral ng mabuti. Scholar ako sa school na pinapasukan ko at running for valedictorian. Dahil dito, nakakalibre ako sa tuition fee at mga gamit sa eskwelahan. Pagkatapos naman ng klase ay nagtratrabaho ako sa isang coffee shop kung saan kinukuha ko ang aking pambaon araw-araw.

            Medyo nahirapan din akong kumbinsihin si George na payagan akong magtrabaho. Ayoko din namang umasa sa kanya sa lahat ng bagay gayong hindi naman talaga ako bahagi ng kanyang pamilya. Aaminin ko na hanggang ngayon, malaki pa rin ang pagitan sa relasyon naming dalawa. Hindi ko alam kung nahihiya lang ako sa kanya o talagang takot lang akong maging bahagi sya ng buhay ko. Kung ano pamang dahilan iyon, ay hindi ko talaga alam.

            Mag-aalas otso na ng ihatid ako ni George sa eskwelahan gamit ang kanyang patrol car. Tutal ay malapit lang naman sa bahay namin ang eskwelahang pinapasukan ko, hindi parin ako nalelate. Maaari na rin nga nya akong hindi ihatid pero talagang mapilit si George. Sasabihin nya na mas mabuti na iyong alam nyang dumederetsyo ako sa eskwelahan at malaman na din nya kung may mga lalaking umaaligid-aligid sa akin na sa tingin ko naman ay napaka imposibleng mangyari. Hindi naman sa wala syang tiwala sa akin. Mas gusto nya lang talaga na ihatid ako sa school bago pumasok sa trabaho.

            Bagamat scholar ako at running for valedictorian, hindi ako sikat sa eskwelahan namin gaya ng inaasahan ng iba. Mga kabataang nahihilig sa mga modernong gadgets at mahilig maggala kahit sa oras ng klase. Isa lang akong ordinaryong estudyante na walang alam kundi ang pumasok lang sa eskwela at mag-aral. Hindi rin ako sumasama sa mga party at lakwatsya ng mga kaklase ko, madalas pa nga ay nakikita ako sa library at nagbabasa ng kung ano-anong libro.

            KJ. Iyon ang madalas ilarawan sa akin ng lahat, kill joy. Magkaganun paman, wala akong pakeelam. Boring na kung boring ang buhay ko, kill joy na kung kill joy pero ito ako, at wala silang magagawa doon. Isang tao nga lang ang nakakasakay sa ugali kong ito eh at iyon ay walang iba kundi ang best friend kong si Kristopher o mas madalas kong tawaging Tope.

            “Nagpapakamanang ka na naman” ito ang laging sinasabi sa akin ni Tope tuwing may tatanggihan akong paanyaya mula sa mga kaklase ko.

            “Ewan ko ba naman sa kanila, alam na nga nilang hindi ako sumasama sa mga ganyan, niyayaya pa rin nila ako,” depensa kong sagot.

            “Ana”

            Ana. Ito ang ibinigay na pangalan sa akin ni George. Dahil hindi ko maalala ang pangalan ko at buong pagkatao ko, ibinigay nya ang pangalang Ana sa akin. Hindi ko alam kung saan nya nakuha ang pangalang iyon pero mas ok na daw yung maikling pangalan para madaling bigkasin.

            “May klase pa ako, magkita na lang ulit tayo mamaya”

            Ito ang lagi kong palusot sa kanya. Kung hindi ako aalis, siguradong kung saan-saan na naman mapupunta ang usapan naming dalawa.

            Hanggang alas kwatro lang ang klase namin ngayon kaya maaga akong naduty sa trabaho. Agad akong nagpalit ng damit pangtrabaho at bumalik sa may cashier para batiin ang mga pumapasok na customer. Hindi naman ganoon kalaking lugar ang pinagtratrabahuhan ko, sapat lang ito sa dalawangpung katao at ang madalas na customer namin dito ay mga estudyante din na nag-aaral sa unibersidad sa katapat na lugar. Coffee at mga sweets ang itinitinda namin kaya hindi narin gaanong mahirap kumpara sa mga naglalakihang fast food ng bansa.

            “Welcome”

            Isang matamis na bati ang aking pinakawalan habang nagbibilang ng pera. Kahit hindi ka lumingon sa may pintuan ay malalaman mo na may lumalabas at pumapasok na customer dahil sa tunog ng wind chime na nakasabit sa taas nito.

            “Cappuccino”

            Isang malumalay na sabi ng isang binata na tumayo sa harap ko at iniabot ang bayad. Sandali akong napatigil para tingnan ang mukha ng binata na matamang nakatitig sa akin. Matangkad ito at matipuno ang pangangatawan katulad ng isang varsity player. Nakasuot din ito ng manipis na polo kaya mababakat dito ang nagtitigasang bato sa kanyang katawan.

            Pagkakuha ko ng bayad ay agad na umalis ang binata at naupo ito sa may sulok para hintayin ang order nito.

            “Ngayon ko lang sya nakita dito” si Louisa, habang inihahanda nito ang order ng binata. “Magkakilala ba kayo?”

            Napairap ako sa kasama ko sa biglang tanong nito.

            “Tinititigan ka nya kasi kaya akala ko”

            Paliwanag ng dalaga na nasa idad 25. Isang simpleng iling lang ang isinagot ko sa kanya na sa tingin ko naman ay naunawaan nya. Lumapit na si Louisa at iniabot na nito ang coffee sa binata.

            Lumipas ang ilang oras at nananatiling nakaupo sa isang sulok ang binata. Ni isang salita ay wala itong sinabi bagkos nakatitig lang sya sa labas buong magdamag. Napansin ko din ang atensyon na binibigay sa kanya ng mga customer na naglalabas-masok sa aming coffee shop. Ngunit ang nakapagtataka ay ang hindi nya paginom sa cappuccino coffee na kanyang binili at hinayaan lang itong lumamig sa ibabaw ng kanyang mesa.

            Alas nuwebe na ng gabi at oras na para umuwi. Naandoon parin ang binata at hindi umaalis. Pagkatapos maglinis at mag-ayos ay nilapitan ko sya upang ipaalam na magsasarado na kami.

            “Excuse me”

            Lumingon ang binata sa akin at gaya ng nauna, tinitigan nya muli ako sa aking mga mata na labis kong ikinaiilang. Tumayo ang binata at marahang itinabi ang bangkuan, pagkatapos ay tinungo nito ang pintuan at agad na lumabas.

            Nagpaalam na din naman ako kay Loiusa at nauna ng umuwi. Medyo madilim sa dinadaan ko kaya naman hanggat maaari, binibilisan ko ang paglalakad. Kinuha ko ang earphone na kanina pa nakasabit sa balikat ko at ikinabit ito sa aking tenga saka nagpatugtog. Wala namang masyadong tao kaya medyo napapayugyog pa ang ulo ko habang naglalakad. Kilala kasi ako ng lahat dito bilang anak ni George.

            Napatigil na lang ako ng may biglang humablot ng kamay ko at hinila ako sa isang tabi kasabay ng isang rumaragasang sasakyan na dumaan sa tabi ko.

            Biglang bumilis ang tibok ng puso ko at napatingin sa lalaki na hawak-hawak ako ngayon. Ang mga mata nya na parang nangungusap at nag-aalala. Ang mga kamay nya na mahigpit ang pagkakahawak pero ramdam mong ligtas ka…

            Ang mga kamay nya…

            Agad nya akong binitawan at humiwalay  , umiwas pa sya ng tingin bago tuluyang maglakad papalayo. Wala man lang akong nasabi, ni hindi ko man lang ako nakapagpasalamat o naitanong man lang ang pangalan nya. Napahawak ako sa aking kamay na kani-kanila lang ay hawak nya.

            Ang lamig nito… malamig katulad ng isang bangkay.

Under the Hidden Moon (Hating Gabi I)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon