Kasalukuyan akong nakadungaw sa bintana ng aming bahay. Rinig ko ang tuloy-tuloy na patak ng tubig sa aming bubungan. Tiyak na may bagyo na namang paparating sa aming lugar.
Naalala ko tuloy ang nakaraan. Nakakamiss. Nakakamiss tumambay sa aming bubungan.
Makikita mo rito ang lahat. Ang mga nagdaraang kotse, ang mga taong masayang nagkukwentuhan at ang mga hayop na naglalakbay. Ang mga bahay sa paligid na may iba't ibang disenyo't kulay. Ang buwan na paminsan-minsan ay natatakpan ng ulap. Ang nagkalat na bituin na nagpapaningning sa madilim na kalangitan.
Masarap tumambay sa aming bubong. Masakit man at malamig sa likod ang yerong aking hinihigaan ay nakakapanghingalay din naman. Ang malamig na haplos ng hangin ang siyang bumubuo sa aking simpleng gabi.
Ngunit minsan nang dumating ang araw na hindi ako nakapunta sa paborito kong tambayan. Umulan nang malakas. Kasabay nito ang malakas na ugong ng pagkulog na nagpayanig sa kalangitan, tila ba may isang gyerang nagaganap sa kaitaasan. May mga bumabagsak na lilang kislap na tinatawag na kidlat.
Tuwing ganito ang panahon ay nagkukubli lamang ako sa likod ng aming bintana at pilit tinatago ang sarili sa anumang sakuna.
Nakatakas man ako sa pisikal na sakuna, ngunit sa sakunang dulot ng mapaglaro kong utak ay maaaring hindi makawala.
Habang pinagmamasdan ko ang pagbagsak ng tubig-ulan, pilit nananariwa ang mga alaalang ayoko ng balikan.
Tinitigan ko ang kamay ko na may bakas ng nakaraan. Ang mga sugat na aking inukit upang ang sakit na nadarama ay aking maibsan. Ang mga tarak ng linya sa aking pulso; dito ko binibilang ang mga kasalanan ko.
Naalala ko ang pagdaloy ng pulang dugo mula sa aking pulso pababa sa kamang aking kinauupuan. Naalala ko ang pagpatak ng mga luha mula sa aking mata pababa sa namimilipit at naninikip kong puso. Naalala ko ang mga pagtatangkang kitilin ang buhay na itinuring na biyaya sa akin.
Nagkalat ang mga bote sa paligid, makaisang dosena man kailanman ang sakit di mamamanhid. Sa bawat lagok ng inuming kailanma'y hindi naging mabuti sa akin ay ang pag-iisip kung paano, saan, kailan, at sino ang may dahilan kung bakit ganito ang aking kalagayan.
Patuloy ang pagbuhos ng ulan, patuloy din ang pagbuhos ng galit at pagkamuhi sa sariling ninakawan ng pag-asa't pagmamahal.
Dumaan ang mga gabi na gising na gising ang aking utak ngunit patay na ang aking diwa at ang mga mata'y hindi na maimulat. Makailang ulit akong tumawag sa Kaniya. Nag-akalang ako'y hindi na Niya mahal at pinabayaan na. Minsan ko na Siyang sinisi sa sitwasyong nilikha ng mga diablong nanggulo sa aking makulay na imahinasyon. Tinakwil ko Siya sa pag-aakalang parusa Niya ang siyang rason.
Napuno ako ng galit, nandilim ang puso ko sa mga bagay-bagay na noo'y makulay sa mundo. Ilang araw na rin akong humiling na tamaan ng kidlat upang mawakasan na ang mga paghihirap. Wala nang kulay itong mundo at patay na rin ang aking mga mata upang pagmasdan ito.
Ang kulog at ang kidlat ang nagpapaalala sa mga gabing madilim, ang kawalan ng buwan at bituin ng aking simpleng gabi.
Bumalik ako sa reyalidad nang mapagtanto ko na tumahimik ang kapaligiran. Timigil na ang pagbuhos ng ulan. Napangiti na lamang ako ng aking masilayan ang papasikat na araw. Matapos ang mga gabing maulan, patuloy at paulit-ulit na sisibol ang maliwanag na araw, upang bigyang liwanag ang napunding ilaw ng aking buhay at kinabukasan.
BINABASA MO ANG
If I Die Will You Cry?
ПоэзияAng libro na ito ay para sa mga nasaktan at patuloy na nasasaktan. Nawa'y sa pamamagitan nito ay maramdaman mo na hindi ka nag-iisa, na may karamay ka. Sa pamamagitan ng mga tula at kwento ko'y mahaplos nito ang nakaraan mo, ang sakit, ang lungkot...