"Labing limang taon na pala ang nakalipas" bulong ni Billy sa kaniyang sarili. Napangiti ang kaniyang mga labi ngunit iba ang ipinahihiwatig ng kaniyang mga mata. Naupo siya sa upuan malapit sa bintana, kung saan tanaw niya ang mga musmos na naglalaro at mga masasayang tao na nagdaraan. Luminga siya sa loob ng kaniyang kwarto. Nahagip ng kaniyang mga mata ang laruan na regalo ng kaniyang ina. Tumayo siya at kinuha iyon saka pinagmasdan. Bakas ang kalumaan nito. Ang laruan na ito ang kasama niya noong mga panahon na siya'y mag-isa at umiiyak sa madilim na sulok dala ng lubos na pagkaulila at pagkalungkot. Ito rin ang kasama niya nang maganap ang isang trahedya na sumira sa buo niyang pagkatao. Naalala na naman niya ito.
Malalim ang gabi noon, yakap niya ang laruang tangan-tangan niya ngayon at payapang natutulog. Naalimpungatan siya nang pumasok ang isang lalaki sa kaniyang kwarto at siya'y tinabihan.
"Pa, ano pong ginagawa mo dito?" Pag-uusisa ni Billy. "Anak, h'wag kang maingay sa mama mo ha." Tugon ng ama nito. Sa madilim na silid naganap ang karimbal-rimbal at kalima-limahid na pangyayari. Impit na hagulgol at pagmamakaawa ang tanging maririnig kasabay ng mga kuliglig sa malamig na gabi.
"Labing limang taon na ang nakalipas." sabi ni Billy sa kaniyang isip.Tumayo siya at nagbihis upang salubungin ang araw na kaniyang pinakahinihintay. Matapos gumayak ay nagmaneho na siya papunta sa kaniyang paaralan suot ang itim na toga. Ilang taon at tao na rin ang nagdaan sa kaniyang buhay bago niya marating ang araw na ito. Labing limang taon siyang namuhay mag-isa kasama ang mga pagtitiis at mga balakid sa pag-abot sa kaniyang mga pangarap. Ang mga pangarap na pilit inaagaw ng anino ng nakaraan.
Isang babae at isang lalaki ang sumalubong sa kaniya nang makarating siya sa venue na paggaganap ng kanilang graduation. Ang babae ay may hawig sa kaniya. Nakakulong sa salamin nito ang kaniyang mapupungay na mata. Hanggang balikat ang kaniyang numipis na buhok tanda ng katandaan. Maputi ang kaniyang mga balat, dala ng hangin mula sa bansang pinagmulan. Nakangiti ang mapula nitong labi kay Billy. Katabi niya naman ang isang lalaki. Moreno ito at halos kasingtangkad ng babae. Singkit ang kaniyang mga mata at bilugan ang kaniyang mukha. Nakasuot din ito ng ngiti para kay Billy. "Congrats anak" pagmamalaking sabi nito. "Thank you Pa at Ma. Buti nakarating kayo?" Tugon nito sa kanila.
"Syempre naman para sa iisa naming anak." Pabirong sabi ng kaniyang ina.
Matapos nilang mag-usap ay naupo na si Billy sa kaniyang nakalaan na upuan. Napangiti siya sa kaniyang sarili. Inilabas niya sa bulsa ng kaniyang toga ang kaniyang laruan. "Salamat Elle," nakangiting sabi nito sa kaniyang laruan. "Tapos na ang lungkot at iyakan, gusto ko namang saya ang makita mo sa mga susunod na taon ng aking buhay."Tinawag na sa entablado ang kaniyang pangalan. Sinalubong siya ng kaniyang mga magulang sa dulo ng entablado. Inilahad nila ang kanilang kamay upang kunin ito ni Billy. Masayang-masaya niya itong tinanggap. Mahigpit ang kapit na itinugon niya rito. Ayaw niya nang kumawala dahil ayaw na niyang muling mawala sa kaniyang buhay ang mga taong mahal niya. Sinabitan siya ng gintong medalya ng kaniyang ina. Masaya ang damdamin niya sa gintong nakasabit sa kaniyang leeg ngunit mas masaya ang gintong pagkakataon na ibinigay ng Diyos upang sila'y magkasama-samang muli.
Nagpakuha sila ng litrato kasama si Elle, ang laruan ni Billy. "One, two, three, smile." Silang apat ay ngumiti.

BINABASA MO ANG
If I Die Will You Cry?
PoetryAng libro na ito ay para sa mga nasaktan at patuloy na nasasaktan. Nawa'y sa pamamagitan nito ay maramdaman mo na hindi ka nag-iisa, na may karamay ka. Sa pamamagitan ng mga tula at kwento ko'y mahaplos nito ang nakaraan mo, ang sakit, ang lungkot...