Nababasa nga siguro ng mga patay kung anong nasa puso ng mga taong nabubuhay pa. Tatlong sunud-sunod na gabi na kasing dinadalaw si Melanie ng panaginip niya kay Valeen at parating sinasabi roon ng yumaong dalaga na huwag niyang pabayaan si Ramses.
"Ate, baka masyado mo lang iniisip si pogi kaya napapanaginipan mo madalas si Valeen," komento ni Anna nang i-kwento niya rito ang kanyang panaginip. "At di ba baliktad po ang panaginip? Baka ang talagang gustong iparating sa inyo ni Valeen ay layuan niyo si pogi. Nagseselos sa inyo 'yong kaluluwa niya, ate," dagdag nitong kumagat ng malaki sa clubhouse sandwich.
Napaisip siya. May punto si Anna. Kahit minsan sinto-sinto ang opinyon nito pero sa pagkakataong iyon ay mukhang tumama ang katulong. Marahil nga ay baliktad ang mensaheng pinararating ng kanyang mga panaginip. Ang totoo'y lubhang mahirap para sa kanya ang akyatin ang pader sa pagitan nilang dalawa ni Ramses Andromida. Lalo na ngayong nasa ilalim ito ng paghihinagpis. Triple ang layo ng distansiyang nakahimlay at nagpupumilit lamang siyang tawirin iyon kahit nasasaktan na siya.
"Ate, pwede po ba akong magsimba ngayon? May pamisa po kasi ako para sa death anniversary ng lola ko," paalam ni Anna habang magkatulong silang nagliligpit sa kusina. Ito ang naghuhugas ng mga pinggan habang siya ay nagpupunas.
"Anong oras ba ang misang dadaluhan mo?" tanong niyang sinulyapan ang kasambahay.
"Mamayang alas-diyes po."
Tumango siya. Pagkauwi nito galing ng simbahan ay saka na lamang siya pupunta ng opisina. Sabado ngayon at walang importanteng ganap doon sa estasyon nila bukod sa pag-aabang ng mga alarma.
Habang wala si Anna ay naisip niyang maglinis ng kanyang kwarto at mag-ayos ng mga gamit. Hinimay din niya ang mga damit na hindi na niya masyadong isinusuot para maibigay sa mga biktima ng sunog. May schedule ang opisina niya sa susunod na linggo para mamudmod ng tulong sa mga pamilyang nasunugan na nasa evacuation center pa dahil naghahanap pa ang lokal na pamahalaan ng pwedeng paglilipatan sa mga ito.
Kasalukuyang nakakalat pa ang mga damit niya sa kama nang kumanta ang doorbell. Lumabas siya ng kwarto at tinungo ang main door. Sumilip siya sa peephole. Si Jazer ang nasa labas at naghihintay. Binuksan niya ang pinto matapos matiyak na nag-iisa lamang ito.
"Ikaw pala, Jaz. Anong-" napasinghap siya nang suntukin nito ang kanyang sikmura. Napakapit siya sa hamba ng pintuan kasabay ng pagdilim ng kanyang paningin at pangangapos ng hangin na maihihinga.
***
Napailing na lamang si Ramses habang pinagmamasdan si Julie na pinagagalitan si Alexial. Paalis na ang mag-asawa at yayakapin sana siya ng hipag pero mabilis na pumagitna ang sira-ulo nitong asawa na hanggang ngayon yata ay nagseselos pa rin sa kanya.
"Kanina ka pa yakap ng yakap kay Ram. Ako na lang kasi ang yakapin mo tapos ipapasa ko sa kanya." Nakangisi nitong kindat kay Julie na namimilog ang mga mata sa inis. "Just hang in there, governor." At niyakap nga siya ng kapatid sabay tapik sa kanyang likod.
Umungol siya at binigyan ito ng mahinang sapok sa tagiliran. Umarte itong nasasaktan para daluhan ng asawa pero hindi ito pinansin ni Julie.
"I'll be back next week, Ram." Kumaway sa kanya ang babae at umusad paalis ang sasakyan ng mga ito.
He climbed up to his own car and hit the gears. Matuling binagtas ng Jaguar ang kalye patungo sa bahay ni Melanie. Dadaan siya roon para kunin ang cellphone at purse ni Valeen bago siya umuwi ng Archrio.
Sinipat niya ang manila envelope sa kanyang tabi. Nitong mga nakaraang araw ay may lumitaw na isyu tungkol sa kanya. Kahit hindi natuloy ang launching ng candidacy niya naamoy kaagad ng mga kaaway ang banta ng kanyang presensya sa nalalapit na eleksiyon.
BINABASA MO ANG
NS 06: KISSED BY THE FIRE ✅ (To Be Published)
RomanceApoy. Mainit. Maliwanag. Pinagkakaguluhan ng mga gamu-gamo. Ngunit tinutupok ang bawat nadadaanan at abo na lamang kung iiwan. Ganitong ituring ni Melanie si Ramses Andromida. A fire surrounded by beautiful butterflies but a destruction to everythin...