"So, bakit mo gustong mag-Public Ad?"
Ito ang bungad sa akin ng guidance counselor na pinuntahan ko sa pagbalik sa school. Sa dami ng kailangang papeles na ipasa at papirmahan sa kung sino-sino, kung minsan tinatamad na lang ako. Dagdag pa 'to. Pero ganun talaga, para sa kinabukasan.
Isa sa mga naging problema ko ay di na ako makabalik sa dati kong course dahil sa di ako nagpaalam ng maayos. Sayang din yun; hindi ko alam kung bakit sila biglang naghigpit dahil lang sa nagpalit ng dean. Kaya ang lokong si Vernon, sinabi niya sa akin na kunin ko na lang kung anong course niya bago siya nawala. Wala talaga akong idea kung ano yung sinasabi niya hanggang sa napadpad ako sa Guidance office.
"I know that feeling. Marami na ring pumunta dito na gusto sa Public Ad dahil wala silang choice." Oo, nakakaasar na kaunting marinig iyon, dahil iyon naman ang totoo. Pero kahit papaano sinusubukan naman niya akong i-assure sa desisyon ko.
"Mabait ang mga tao doon, excellent ang mga profs, very nurturing talaga sila sa mga estudyante nila."
Pero para makasiguro, pinakuha niya ako ng isang aptitude test para makapag-isip pa daw ako kung saan ako talaga nabababagay. Pinabalik niya ako pagkatapos ng isang linggo.
Sa pagbalik ko sa opisina, ikinagulat ko yung resultang binigay niya sa akin.
"So, do you want to be a teacher?" Mam naman, di ko kailanman naisip iyon.
"Oh. Mukhang bagay nga talaga sa iyo ang courses leading to law." Hindi ko rin gustong mag-law pero... "Public Ad, luckily, is a great option." Sa wakas, binigay na rin niya ang assessment na kailangan kong ipasa para makapagsimula na.
Doon na nagsimulang gumulong ang kapalaran ko. Pila sa registrar para sa student records, application forms, clearance para makalipat ng course, tuition brackets, clearance ulit sa bago kong college...di ko na alam kung ilang beses sumakit binti ko kakaikot sa kung anu-anong building para lang maipasa mga dokumentong kailangan nila. Sa wakas, natapos rin.
"Pa-paste na lang ng 2x2 picture dito, tapos sagutan mo itong information sheet. Dalhin mo naman 'to pagdating sa enrollment."
Buti na lang tinanggap nila ako dito. Sa wakas, makakapagsimula ako ulit. Di ko alam anong aasahan pero...bahala na. Ang mahalaga, makakapag-aral na ako ulit at di na mapipilitang magtrabaho doon sa spa. Di ko na kailangang ilako sarili ko doon.
*****
"Hi! I'm Chess, from the Student Government! Welcome to the college! Baka gusto mong sumali sa basketball club, debate group, dance club..."
Nagulat ako sa pakikitungo ng mga tao sa akin dito. Unang araw ng enrollment noon, at kahit na wala akong kakilala, hindi ko na-feel na nag-iisa ako dito. Kusang ang mga tao ang nakikipag-usap sa akin na para bang sobrang excited sila sa pagpasok ko dito.
Sa nalaman ko sa kanila, marami sa mga estudyante dito ay galing sa ibang mga colleges. Kung sa mga terms ng taga-labas, irreg kaming lahat. Iba-iba kami ng kwento at pinagdaanan bago kami napadpad dito, pero iisa lang ang hiling - baka sa Public Ad, magbago takbo ng buhay namin.
"Ano palang name mo?"
Sa sobrang excitement ng babae, muntik pa niyang makalimutang itanong. "Gab. Ignacio."
"Hi, Gab! Shiftee ka ano? From what course?"
"Comp Sci. Pero LOA ako dati, nag-work kasi ako."
"Ganun ba? Don't worry, lahat kami dito ganun din dati. Hindi ka nag-iisa. Basta, if you need help, tanungin mo lang kami. Okay?"
"Sure." Nahiya naman ako; nag-sign up na lang ako sa basketball team bilang pakunswelo sa kanya.
Sa tagal ng pag-upo sa lobby at paghihintay na mabigyan ng subjects na kailangan ko, sa wakas, natapos din. Buti na lang na-credit lahat ng subjects ko noon, kaya di ako madedelay ng matagal. Buti na lang din at mabait ang adviser ko at nabigyan niya ako ng payo sa dapat kong gawin. Sophomore standing pa rin ako - kahit na 20 na ako. Hindi naman ata halata sa itsura.
Tinignan ko registration form ko. Introduction to Public Administration. Management of Organizations. Personnel Management. Public Policy. Local Governance. Ano 'to? Hindi naman sinabi ni Vernon sa akin na tatadtarin ako dito ng kung-ano-anong subjects tungkol sa gobyerno. Ewan ko sa kanya.
*****
Mabuti na lang at nakuha ko na yung perang galing kay Boss dati. Kasya na rin iyong pambayad sa tuition habang naghihintay ng tuition bracket, at allowance para sa susunod na mga buwan. Pero sa totoo lang, ayokong umasa sa kanya. Ayokong magkaroon ng utang na loob sa kung sino, pero ano pa nga bang magagawa ko?
Ngunit ang mas iniisip ko ay ang pang-gastos sa bahay lalo na't mag-aaral na ako ulit. Kung aasa lang ako sa mga kamag-anak, ewan ko na lang. At least may mag-aalaga kay lola kapag wala ako. Pero yung sa mga pang-araw-araw na pangangailangan, imposible dahil may kanya-kanya na rin naman na silang buhay. Masuwerte na nga lang kami na pinatira nila kami sa compound.
Natawag na rin number ko sa wakas; sabay abot ng pera sa counter. Isipin mo - state university ito pero mga 5 digits kailangan naming bayaran kada semester. Pero habang wala pa akong bracket o kaya scholarship, wala akong magagawa. Tiis lang.
Ako na lang atang natira sa registrar kaya nagmadali na akong umuwi, gabi na rin kasi. Dire-diretso lang ako sa paglalakad nang may nakasalubong ako - estudyante siguro, kasing-edad ko rin. Matangkad, gwapo, sa itsura't pananamit, alam mong mayaman.
Ngunit hindi ko mawari kung bakit kami nagkakatinginan. Parang may gustong sabihin sa akin yung mga mata niya. Ang sama ko naman na iniisipan ko siya ng motibo.
Tinignan ko siya pabalik. Ngumiti siya. Ngumiti din naman ako sa kanya pabalik. Sabay na nagkahiwalay ulit ang aming landas.
Ang weird lang.
BINABASA MO ANG
Elesi
Teen FictionWinner of The Wattys 2015 - Best TNT Panalo Story Bumalik si Gab sa kolehiyo na may hiling - wala sanang maka-alam ng nakaraan niya. May sikretong bang di nabubunyag? Magagawa na kaya ni Gab na magsimula ulit, lalo na't nakilala niya ang bagong kaib...