Dinala ako ni PJ sa condo kung saan siya nakatira. Hindi na rin naman ako bago sa mga condo dahil sa mga home service na ginagawa ko paminsan-minsan noon. Pero kahit na, di ko pa rin mapigilang humanga, o kaya mainggit. Kung sumama lang ako sa nanay ko noon, mayaman na rin siguro ako.
Pagpasok sa unit ay kitang-kita mo agad ang mukha ng lungsod - matayog, kumikinang, puno ng ilaw at ingay na nagiging musika sa tenga. Para sa isang lalaki tulad ni PJ, kakaiba siya - wala kang makitang kalat, nakaayos lahat ng gamit. O baka may kasama siya dito?
"Wala. Ako lang nakatira dito."
"Weh." Reaksyon ko. "Huwag mong sabihing wala kang katulong dito..."
"Edi sana di na kita sinama dito kung meron." May punto nga naman siya. Nakakainggit lang na nagagawa niya yung mga gawaing-bahay ng siya lang. Ako nga sa bahay hindi magkukusa kung di tambay mga pinsan ko sa bahay.
"Eh mga parents mo, saan sila?"
"Sa province talaga kami nakatira. May business kami kasi. Nagkataong dito ako pumasa kaya, ayun, binilhan nila ako ng condo. Ayaw nila ako patirahin sa dorm, eh."
"Hindi ba sila nag-aalala sa situwasyon mo dito?"
"Okay lang sa kanila...minsan tumatawag sila o kaya dumadaan dito kapag galing sila sa airport. Pero madalas, out of the country naman sila. Business meetings, deals, ganun. Nasanay na akong ganun...para ngang Greenhills yung Hong Kong sa amin eh."
"Bakit di ka na lang nag-migrate?"
"Mas masaya kaya dito!" May point nga naman siya.
*****
Sinamahan ko siya sa kusina dahil sabi niya, siya daw magluluto ng dinner. Pwede namang nag-order na lang siya ng makakain namin pero nag-kusa pa rin siya. Adobo, paborito niya daw iyon. Pero di niya ata alam paano lutuin?
"Bakit mo inuuna yung sibuyas?"
"Gusto ko, eh. Yun kaya napanood ko sa cooking show."
Ah, oo. Yung cooking show nung babaeng mahilig sa Ajinomoto.
Tinulungan ko siya hanggang sa matapos na maluto yung ulam. Aba, masarap din pala kahit papaano. Kahit mukhang nasobrahan ata sa mantika.
"Talaga?" Reaksyon niya sa akin na para bang nanalo sa lotto.
"Oo nga...medyo masebo lang, pero okay na rin." Sagot ko sabay subo ng kanin na nasa kutsara ko. "So everyday, nagluluto ka?"
"Hindi!" Tawa siya ng tawa. "Trip ko lang. Nakakasawa na rin yung pagkain sa cafeteria at McDo, eh. Ang mahal pa."
"Afford mo naman iyon eh."
"Kahit na, ano. Nagbabayad pa nga ako dun sa phone ko, eh."
Oo nga, nakakapagtaka. Mayaman na siya pero nagtatrabaho pa rin siya doon sa tutorial center. Kung ibang bata siguro siya, baka lagi lang siyang tambay sa Starbucks o nagpaparty sa mga college events.
"Wala lang...para may experience. Saka masaya kayang turuan mga bata. Minsan makulit o kaya pilyo, pero yung feeling na natutulungan mo sila sa studies nila...nakakatanggal ng stress."
"Bakit di ka nag-teacher kung ganun?"
"Mas masaya pa rin course ko ano!"
Pero nauwi pa rin ang usapan tungkol sa love life niya.
"Bukod sa akin, sino pa mga napadpad dito?"
"Di ko alam eh. Pero mostly, classmates. Group projects ganun, o kaya inuman lang."
"Talaga lang, ah."
"Oo nga...well, okay, minsan may mga nangyayari din." Pag-amin niya sa akin. "O kaya minsan, trip lang. Text o kaya BBM, ganun."
"So...bakit mo ginagawa?" Napatigil siya sa pagkain sa tanong kong iyon.
"Trip lang siguro." Biglang lumungkot boses niya. "Walang magawa, ganun. Madalas, alone naman ako dito. Naghahanap lang ng kasama."
"Okay lang sa iyo iyon?" Nagtuloy-tuloy lang siya sa pagkain na parang iniiwasan lang ang tanong.
"So...bakit mo ako dinala dito?"
Pasimple lang siyang ngumiti. "Gusto kitang makasama, eh." Sabay ligpit ng mga pinagkainan. "Kung trip lang habol ko sa iyo edi sana ginawa na natin kanina pa, di ba?"
Para bang nahiya ako bigla sa kanya. Masyado ko ata siyang naisipan ng motibo.
"Mag-sho-shower ka?" Sigaw niya habang nasa kusina. Nagkatinginan ulit kami - pero ngayon bumalik na ang sigla na palagi kong nakikita sa kanya.
*****
Nakahilata lang ako sa higaan niya, nakatingin sa labas habang hinihintay siyang matapos sa shower. Napaisip ako bigla sa sarili ko. Siguro masuwerte pa rin ako sa lagay ko dahil may nakakasama pa akong pamilya kahit na madalas kaming gipit. Sa isang banda, heto si PJ, mayaman nga pero kulang sa pagmamahal ng pamilya niya...o sa kahit sino.
Nagulat ako nung tinulak niya sa pintuan ng kwarto.
"Akala ko tulog ka na!"
"Siyempre hinihintay kitang matapos, eh."
"Di na kailangan." Sagot niya. Tumabi siya sa akin. "Di ka pa inaantok?"
"Di pa."
Isinandal niya ang ulo niya sa dibdib ko; ramdam na ramdam ko ang basa niyang buhok na dumidikit sa balat ko. Sa puntong iyon, iba ang nakita kong PJ. Hindi yung PJ na nagpainit sa akin nung isang araw sa trabaho. Hindi yung PJ na laging nakangiti at parang walang problema sa buhay. Si PJ bilang tao gaya ko. Naghahanap, nagmamahal.
"Buti na lang sumama ka..."
"Bakit naman?"
"Wala lang. Masaya eh." Kahit na mukhang hindi naman.
"Ewan ko sa iyo.Tulog na tayo?" Sabay halpos sa ulo niya, pahiwatig na ayos lang ang lahat.
BINABASA MO ANG
Elesi
Teen FictionWinner of The Wattys 2015 - Best TNT Panalo Story Bumalik si Gab sa kolehiyo na may hiling - wala sanang maka-alam ng nakaraan niya. May sikretong bang di nabubunyag? Magagawa na kaya ni Gab na magsimula ulit, lalo na't nakilala niya ang bagong kaib...