Dress to Impress

3.5K 83 1
                                    

Hindi ko alam kung bakit ko napagtripan na mag-ayos ngayong araw. Di naman sa ginagaya ko si Jules. Baka siguro paraan ko lang ito para matago ang stress sa dami ng mga ginawa ko noong midterms. Ikaw pa naman ang may 6 na major at sunod-sunod na exam at pasahan ng papers...ang eyebags mo, puwede nang i-upgrade sa maleta.

Tapos biglang maabutan ko mga tao pagpasok sa klase na akala mo may pinagluluksaan. Tulala. Malungkot. Hindi mapakali.

"May namatay ba? Ba't ang tahimik niyo?" Tanong ko sa kanila. Iyon naman pala - nakapatong sa mesa ang mga blue book namin, pati ang resulta ng midterms.

"Feeling kasi namin bagsak kami eh."

"Ang hirap kaya nung essay."

"Ayoko nang mag-finals!"

"Wait, bakit ka naka-ayos?" Si Jules lang ang naiba ang tanong. Mukhang kampante siya na papasa siya? "Mukhang di ka kinakabahan diyan ah."

"Kabang-kaba na nga ako! Report ko nga ngayon eh. Di ko nga alam kung tama i-re-report ko!"

"Ano bang i-rereport mo?"

"Yung What Now something..."

"Asus...kaya mo iyan! Ikaw pa!"

"First time ko ulit magrereport ano!"

Sabay pagbalik ng professor namin sa room. "Sige, anong gusto niyo? Bigay ko na agad? Naku, matutuwa pa naman mga topnotchers natin."

"Mamaya na 'mam!" Isa lang reaskyon ng buong klase.

"Mabuti nga siguro. Di ba may reporting tayo ngayon? Sino naka-assign. Oh, okay Mr. Ignacio...ikaw na bahala sa projector."

Sandaling ayos ng projector. Hinga ng malalim. Tingin sa audience.

"Good morning...I'll be reporting the developmental principles enumerated in a paper called What Now: Towards Another Development."

Nakakakaba pero nakayanan ko namang gawin yung buong report. Mukha namang masaya sila. Nakangiti pa nga si Jules sa akin habang naka-thumbs up si Kat. Success. Palakpakan sila nang natapos na ako.

"Magiging honest ako - I'm impressed by your report, Mr. Ignacio. Wouldn't you mind if I give you a 1.0 for your report?"

Haay, salamat! Masyado na po iyan. Gusto kong tumalon sa tuwa.

"But wait, there's more...I have to dismiss the class early. I'll mention those na nag-top ng midterms natin..." Sabay tingin ni prof sa mga hawak niyang blue book. "Mr. Ignacio! Mukhang suwerte ka ata today. You got the highest grade in the class."

"Yes naman!" Sabi ko na nga ba, nagsimula na na silang asarin ako. "Libre! Libre!"

"Naku, huwag naman lunch! Wala akong pera." At wala naman talaga akong pera nung araw na iyon. Kahit na meron, di ko nagawang ilibre sila - except na lang siguro kung pancit canton o monay na tinda ni Ate sa labas.

"Hindi, ako na bahala...libre ko na kayo." Buti na lang sinalba ni Jules ang lahat. Natutuwa lang siguro siya dahil higher than expected exams namin.

*****

Ang kakaiba sa amin, malakas naming trip yung maglakad papuntang Technohub at tumambay sa convenience store para kumain. Ganun lang kababaw ang kaligayahan namin - yung mistersyong Fried Chicken nila na sobrang kapal at lutong ang breading. Lahat kami niyang mag-aagawan sa legs, sa pitso...o kung malas, kahit yung pakpak papatulan na.

Sa gitna ng mushroom gravy at litrong Coke na pinaghahatian namin, pinaguusapan namin ang kung anu-ano. Kung minsan seryoso, gaya ng mga activities sa org, pero madalas puro kalokohan lang. Yung tipong sisigaw na lang bigla si Kat habang naglalaway sa picture ng mga K-Pop stars, o kaya yung mga tsismis na kami-kami lang nakaka-alam.

At kung minsan, gaya ngayon...love life.

"Huy! Balik niyo wallet ko!" Natatawa na lang ako kay Jules habang pinaglalaruan ni Imman ang pitaka niya, sabay pasa sa amin. "Corny mo Jules, wala kang chicks dito!"

"Sabi ko na sa inyo eh, wala kayong makikita diyan."

"Asus...daming alam nito ni Jules oh. Di mo man lang kinukuwento love life mo sa amin. Madaya!"

"Anong ikukuwento ko eh wala nga. Malay mo, si Gab meron."

Ako na naman napansin nila. "Di nga Gab, may girlfriend ka na?"

"Wala."

"Eh crush?" Kinilig naman silang lahat.

"Secret!" Pakipot ko na lang sagot sa kanila. Kahit anong pilit nila sa akin, di ko masabi. At wala pa akong balak sabihin, lalo na't kasama ko siya ngayon - si Kat. Nakakahiya, ano.

Ngumiti na lang ako sa kanya. Kahit sa pagkain, ang cute niya pa rin.

ElesiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon