Inhale, Exhale

3K 69 4
                                    

"Nandito kami ngayon hindi para manggulo, o kaya magpapansin..." Panimula ni Jules habang nakatungtong sa van. "Nandito kami dahil mayroon kaming balidong panawagan. Hindi lang kami humihiling - nandito kami upang ipaglaban ang aming karapatan sa edukasyon."

Naghiyawan at palakpakan ang lahat habang rinig na rinig siya ng madla. Sa isang sulok, sinusubukan ko namang kumuha ng litrato para sa school paper - o puwede ding ipakita ko sa kanya pagkatapos. Kung gaano siya kaastig.

"Sa university pa lang namin, mahigit 1 bilyon na ang mawawala...at sa lahat ng SUCs, matatapyasan ng kalahati, ang iba mas malaki pa. Huwag niyo po kaming gawing tanga na wala diumanong budget cut - simpleng numero lang ito. Simpleng realidad."

"Hindi po kami nanlilimos dito. May dahilan po kami. Nakabisita na ba kayo sa isang SUC? Nakita niyo na ba kung gaano naghihirap ang mga estudyante sa sira-sirang classroom? Mga laboratory na kulang sa pasilidad? Na kahit kuryente at tubig, isisingil sa amin dahil sa wala nang mapanggastos ang eskwelahan? Akala ba namin pag-asa kami ng bayan?"

"...Na mas nakakahiya pang isiping galing din sa mga pampublikong paaralan ang mga may pakana ng budget cut na ito. Pero hindi na lang ito na issue na dati kayong nag-aaral sa SUCs - issue na ito sa paano pinahahalagahan ng pamahalaang ito ang aming karapatan..."

"...kung sa edukasyon pa nga lang di na nating maasahan na maibibigay sa atin, paano pa kaya sa kalusugan, imprastraktura...mga pampublikong serbisyo? Akala namin, boss niyo kami! Eh ano itong ginagawa niyo ngayon? Narito mga boss niyo!"

At bumalik na sa hiyawan at protesta ang mga kasama namin, habang si Jules ay patuloy lang sa pamumuno sa kanila. Maputol na mga litid namin, wala kaming paki-alam. Basta mapakinggan lang kami ng mga mambabatas.

Palubog na ang araw. Sa isang banda, binuksan diumano ang gate - isa sa mga senador ang lumabas upang makipag-dayalogo sa amin. Pero mukhang di magiging ayos ang lahat.

Bumaba si Jules upang mamuno sa pakikipagusap sa kanya. Mukhang nakikinig naman siya, pero maiiba ang ihip ng hangin. Biglang umingay ulit ang paligid. Nagkabutas ang kordon. Nagsitalunan ang mga rallyista sa mga fence at sinubukang makapasok sa Senado. Hindi na mapigilan ang mga pulis ang mga tao.

Palapit sila ng palapit - binasag ang mga pinto at binatana...lahat gustong makapasok. Sirena ng mga pulis. Batuta laban sa bato. Isang matinding usok ang bumalot sa paligid.

Nagsimula na ang kaguluhang wala sa aming nakapaghanda.

Sa pagkalat ng tear gas ay unti-unti na kaming nahirapang huminga. Naluluha ang mga mata, o kaya wala na halos makita. Sinubukan kong hanapin si Jules sa gitna ng gulo - andun siya sa isang sulok - hapo, di makatayo, walang makita, di makahinga. Dali-dali ko siyang hinatak papalayo, nag-aalala kung ayos pa siya.

Sakay ng kotse ay nagmadali kaming ilayo siya sa kaguluhan. Ngunit bigla kaming natigil nang nagsisigaw ang isang lalaki at hinahampas ang bintana.

"Si Jules! Ayos lang ba siya?" Panay ang ubo ng lalaki habang sinusubukan kaming habulin. Natagalan ako bago ko siya maaninag - si Boss! Anong ginagawa niya dito?

"Dalhin niyo siya sa ospital!" Halata mo ang pag-aalala sa kanya - kay Jules. O baka nag-aalala lang talaga siya sa situwasyon naming lahat.

Nawala na rin naman ang epekto ng tear gas sa amin sa pagdating namin sa ospital. Pero ang epekto ng gulo kanina, iyon ang di pa namin masabi. Wala sa plano ang ginawa ng mga kasama namin. Hindi ako sigurado kung nakatulong iyon o baka mabulilyaso pa mga plano.

At least nakagawa kami ng isang malaking statement.

"Na...na...nasaan ako?"

"Nag-enjoy ka ata sa tear gas kanina. Okay ka na ba?"

"Ang sakit ng mata ko..."

"Pikit ka lang muna." Bulong ko sa kanya. "Lagi mo naman akong nakikita, di ba?"

ElesiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon