Chapter 2

121 42 0
                                    

Tuwang-tuwa sina Nanay at Tatay nang ibalita ko sa kanila ang tungkol sa sulat.

Mabuti na raw at may sariling dormitory ang school nang hindi sila mag-alala sa kaligtasan namin lalo na’t pareho kaming babae. Masaya rin sila dahil talaga nga namang malaking tulong ito sa pag-aaral namin dahil wala na kaming ibang iintindihin kung sakali. Ang kailangan lang namin ay ang mag-aral nang mabuti para mapanatili sa amin ang scholarship. Wala nang aalalahaning mga gastusin dahil libre na ang lahat.

Ano pa bang hihilingin namin? Aarte pa ba kami kung mismong biyaya na ang lalapit sa amin? Tanga na lang siguro ang kung sinong palalagpasin ang ganito kalaking opurtunidad.

“Napakabuti sa atin ng Diyos, anak. Biruin mo, ang imposible ay naging posible nang dahil sa itaas.” Malawak ang ngiti ni Nanay habang namimitas kami ng kamatis.

Sumama ako kay Nanay na mamitas ng kamatis habang si Tatay naman ay mag-i-spray sa punla nina Mang Gaspar. Nagpresinta ako na sumama sa kanila sa bukid para ang upa na matatanggap ko ay gagamitin kong extra money kapag nasa Maynila na ako. Mabuti na ang may ipon, mayro’n akong magagamit kapag may emergency lalo na at wala sina Nanay at Tatay sa tabi ko para matulungan ako.

“Sobra po, Nay! Kita mo po ‘yan,” itinuro ko ang dalawang plot ng palayan. “Magkakaroon tayo ng gan’yang kalawak na lupain kapag nagtapos na ako sa kolehiyo at natupad ang pangarap ko na maging isang chef. Tapos ako ang magluluto ng pagkain n’yo ni Tatay. Gagaan po ang buhay natin at ‘di ninyo na kailangan pang makiupa rito sa bukid para maraos ang buong araw na pang-kain.”

“Hihintayin ko talaga ‘yan, Erich. May kurot ka sa akin sa singit kapag hindi mo tinupad ang pangarap namin ng Tatay mo para sa 'yo,” banta niya kaya naman tumawa ako.

“Naku, tama po kayo riyan, suportado po ako sa inyo, Aling Celine!” singit ni Aden na kasama rin namin sa pamimitas.

“Aden naman,” parang batang ngumuso si Nanay. “Tita na lang ang itawag mo sa akin. Sampung taon pa lang mula nang lumagpas sa kalendaryo ang edad ko pinatatanda mo na ako masyado sa pagtawag sa akin ng Aling Celine. Tita Celine na lang para malakas maka-bagets!”

“Syempre po... Tita,” ngumiti si Aden. “Hoy, Erich! Narinig mo ‘yon? Tita raw! Dapat gano’n din ang itawag mo kay Nanay. Tapos Tito naman sa kay Tatay. Ay, bongga! Lakas maka-mayaman!” Ibinaba niya ang hawak na lalagyan bago pumalakpak sa tuwa.

“Mamaya ka na magsaya riyan! Trabaho muna, oy! ‘Di raw ibibigay ang upa nang madaldal,” biro ko sa kaniya habang naglalakad ako papunta sa kabilang parte ng kamatisan.

“Oo na, madaldal na ako, nahiya ka pang sabihin. Epal nito!”

Lihim akong natawa sa inasal niya. Pustahan isang daan, umirap sa akin iyon.

Pagdating ng hapon ay mabilis na lang naming natapos ang pagpipitas kaya naman ngayon na namin ihiniwalay ang mga mapupula sa medyo orange pa lang. Dahil mas marami ang mapula, kaming dalawa ni Aden ang naghihiwalay niyon habang si Nanay naman ang sa mga kulay orange o iyong mga pahinog pa lang.

“Kayo talagang dalawa, pati itong may sira ay ihinalo n’yo pa,” reklamo ni Nanay. May kinuha siya na isang kamatis sa mga pinagpilian na namin.

“E, Nay,” inayos ko ang ilang takas na buhok ko. “Mapula rin naman, e,” nangingiwing katwiran ko.

Ito ang unang beses kong sumama sa pag-ani. Lagi kasi ay tuwing taniman lang ako nakikiupa at kapag mga walang pasok lamang iyon, kung minsan naman ay kapag walang school works.

“Jusko kang bata ka.” napakamot siya ng ulo niya. “Hindi porke't katulad ng hinahanap mo, ayos na. Dapat tignan mo, kilatisin mo. Itong may sira na ‘to,” itinaas niya ang hawak na kamatis. “Makasisira rin sa iba. 'Pag ito ay ihinalo mo sa mga maayos, mabubulok din pati ang mga ‘yon,” paliwanag niya. “Kaya ikaw, kayong dalawa,” tumingin siya kay Aden na tahimik na nakikinig sa sermon niya. “Kapag nasa Maynila na kayo, lumayo kayo sa mga tao na iba ang ugali. ‘Yon bang masama at mala-basura ang pag-uugali, mga nabubulok na gano’n. Layuan n’yo dahil baka matulad kayo sa kanila at kayo naman ang layuan ng iba dahil ayaw din na matulad sa inyo o ayaw pakisamahan ang ugaling mayro’n kayo,” mahabang dugtong niya pa.

Clandestine Romance (Probinsiyana Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon