Chapter 1

145 44 4
                                    

“Nay! Carrots, beans, at repolyo lang po pa ang bibilhin ko rito?” sigaw ko patungo sa pwesto ni Nanay na ngayon ay abala sa pagtingin ng karne ng manok at baboy.

Fiesta ngayon sa baryo namin kaya naman maaga kaming pumunta sa palengke para makabili ng sariwa. Kapag tanghali na kasi ay puros napagpilian na kaya’t medyo lanta at gutay na ang karamihan.

Tuwing fiesta sa amin, laging si Nanay ang kinukumbida ng aming punong barangay bilang taga-luto. Aba, tiyak na kapag natikman mo ang mga luto niya, mahihibang ka sa sarap!

“Oo, Erich. Iyan na lang ang kulang,” aniya nang makalapit sa akin habang tinitignan ang laman ng bayong na dala.

“Ilang kilo, Ineng?” tanong sa akin ng tindera.

“Tig-iisa po,” magalang kong sagot habang namimili ng carrots. Syempre mahirap na kapag bulok, ‘no! “Ito po.” abot ko sa mga napili.

Saglit niyang tinimbang ang mga ito bago inilagay sa isang supot.

“285.”

Nag-abot si Nanay ng tatlong daang piso. Buong dalawang daan at isang ‘san daan.

Magulat na lang talaga ako kapag mayro’ng buong tatlong daang piso.

“Padagdag na rin nito.” ipinakita ni Nanay ang hawak na celery at saka iniabot sa tindera.

“Bale, 295 na.” ngumiti ang ale at saka inabot sa ‘kin ang sukli.

“Salamat po.” binigyan ko siya ng matamis na ngiti. “Next time na bibili ako sa inyo, ate, may discount na po, ah? Maganda naman ako, e,” sabi ko pa at bahagya ko pang tinapik ang baba ko at itinaas-baba ang kilay bago nagpaalam.

“Wala naman na tayong nakalimutan, ‘di ba?” tanong sa akin ni Nanay habang naghihintay kami ng jeep pauwi.

“Wala naman na po yata.”

Sinilip niya ang bayong na ngayon ay ako na ang may bitbit. “Mukhang wala naman na. Mahirap na kapag may nakalimutan tayo. Sayang sa pamasahe.”

Pinara ko ang palapit na jeep. Mabuti na lang at kaunti lang ang laman kaya ‘di na kami inabot ng siyam-siyam sa pag-aabang at nakasakay din agad.

Hindi naman ganoon kalayo sa baryo namin ang palengke kaya’t ilang minuto lang ay naglalakad na kami papasok sa bakuran namin.

Naabutan namin si Tatay na nagluluto na ng kaldereta sa isang malaking talyasi kasama ang kumpare niya na si Mang Imbe. Sa kabilang lutuan ay nakasalang naman ang kumukulong pinapaitan.

Lumapit ako sa kanila at nagmano.

“Magandang araw po, Mang Imbe. Happy Fiesta po!” bati ko.

“Happy Fiesta rin sa 'yo, Erich!” Ginulo niya ng bahagya ang buhok ko. “Siguro ulam mo lagi halakhak.” narinig ko ang pagtawa nito.

Nagkunot ako ng noo dahil hindi siya naintindihan. “Po?”

“Hindi naman sa literal, hija, napaka-masiyahin mo lang kasi. Sagana kayong pamilya sa tawa. Kahit na ang simple lang ng buhay natin dito sa probinsya, kontento na kayo at payapang namumuhay.” kita ko ang ngiting sumilay sa labi niya.

Ngumiti rin ako bilang ganti. “Syempre po!”

Nagpaalam na ako sa kanila Tatay nang tawagin ako ni Nanay para maghiwa ng mga kailangang sangkap. Pagkatapos ay tumulong din ako sa pagluluto. Hinayaan niya ako sa pagluluto ng pancit habang siya naman ay abala sa paghahalo ng biko.

Mayamaya lang ay dumating na ang kaibigan kong si Aden kasama ang Nanay niya. Sakto, malapit na kaming matapos sa pagluluto.

Mabilis na tumabi sa akin si Aden at tinanaw ang niluluto ko.

Clandestine Romance (Probinsiyana Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon