CHAPTER 1

107 13 27
                                    

Hindi ko maiwasang mapangiti habang pinagmamasdan ang sarili namin ni Mama sa salamin na abala sa pag-ayos ng aking buhok. Kahit ang tanda ko na, binibaby pa rin ako ng napakamamahal kong babae sa buhay ko!

"Na 'ko, highschool na talaga ang magandang panganay ko," nalulungkot na ani Mama nang matapos siya sa pag-aayos.

"Ma, ang OA mo! Kung makareact ka para namang papasok na ako sa college," natatawang saad ko.

"Ay, kasi naman! Dalaga ka na talaga, oh! Baka mamaya, malalaman ko na lang na ang dami nang nanliligaw sa 'yo. Ang ganda ganda mo, anak. Hindi ka na talaga baby," aniya nang hinarap ako sa kanya, napangiti ako nang halikan niya ako sa noo ko. Saka ako tumayo upang yakapin siya. "Ay sus, nagdrama ang Mama! Ma naman, baby mo pa rin naman ako. Forever 'yan!"

"Alam ko naman 'yun, kaso...ahay! Ang laki mo na!" nanggigigil na ani Mama at mas lalong humigpit ang yakap namin.

"A-aray, Ma! Hindi ako makahinga," pagkukunwari kong nasasakal habang hinahabol ang aking hininga. Bumitaw siya sa yakap at pinandilatan ako. Humalik na lamang ako sa pisngi niya at inayos muli ang sarili.

"Ako 'yung bunso, Ma," biglang pag-singit ni Jadiel na agad na nilingon ni Mama. Seryoso itong nakaharap sa salamin at inaayos ang poloshirt na suot niya. Hindi pa kasi dumating ang uniform namin kaya parehas kaming naka-civilian ngayon.

Nilapitan siya ni Mama at tinulungang ayusin ang kanyang buhok. "Aba'y oo! Ikaw naman Jade, grade 6 ka na at pagkatapos no'n, highschool ka na rin."

"Bakit ba kasi ang bibilis niyong tumanda?!" pandradrama ulit ni mama. Ganyan na talaga siya, hindi na bago. Parati siyang nag-o-overreact tungkol sa kahit ano, lalong-lalo na kung parte ito sa amin ng kapatid ko at kay papa. Hindi niya rin naman itatanggi iyon.

"Ma, ikaw din naman. Nagreklamo ba kami?" pagbibiro ni Jadiel na nginiwian niya lamang.

"Basta ha, mag-iingat kayo do'n. Lalo na't bagong lipat kayo d'yan sa school na papasukan ninyo ngayon." Nananabik na tumango kaming dalawa ni Jadiel at sinuot na rin ang bag namin. Nang handa na ang lahat ay lumabas na kami ng bahay at naghintay para sa sasakyan na shuttle service ng subdivision.

Nang makasakay ay agad din kaming nakarating sa labas ng subdivision at dumiretso sa sakayan ng dyip. Maaga pa kaya kakaunti pa lang ang dyip na namamasada papunta sa school namin.

Nasanay na rin kaming dalawa ni Jadiel na pumasok ng maaga noong na sa probinsya pa lang kami nag-aaral. Malayo-layo kasi ang paaralan doon sa bahay namin kaya kailangang maaga kami gumising para makarating sa school sa oras. Tricycle lang ang sinasakyan namin papunta roon pero madali lang sa amin ang makasakay agad dahil may tricycle namang pinagmamay-ari ang tito ko.

Pero napagdesisyunan ng mga magulang namin na bumili ng bahay at dito sa siyudad sila namili. Matagal nang plinaplano nila mama ang magkaroon ng sarili naming bahay. Nakakahiya naman daw kasi na hanggang sa magkaroon kami ng trabaho ni Jadiel ay doon pa rin kami kila lola Cristia, nanay ni mama, nakatira.

Naging mahirap para sa amin ang umalis ng probinsya upang manirahan ngayon sa siyudad. Dahil na rin siguro nakalakihan at nakasanayan na namin ang buhay-probinsya. Pero naiintindihan ko naman kung mas piniling bumili nina Mama at Papa ng bahay sa siyudad, dahil mas maraming oportunidad at bentahe rito. Mapa sa edukasyon o sa kahit ano man.

Noong na sa probinsya pa lamang kami ay binili na nina Papa ito at dahan-dahang binayaran. Saka lang nila buong nabayaran iyon nang maka-graduate ako ng elementary ngayong taon. Noong simula ng bakasyon lang kami nakapaglipat dito at iyon talaga ang naging plano namin.

Wala rin kasing highschool doon sa probinsya namin na kakayanin naming icommute. Kakailangan pa kasing sumakay nang maaga ng bus para makaabot sa klase at ilang oras pa raw kasi ang biyahe bago makarating dito sa siyudad.

The Whispers of the Heart (Fidelis Squad Series #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon